[ 6 ]

14 0 0
                                    

BUONG-ARAW AT gabi ay wala akong ginawa kung hindi ang magmukmok lang sa kuwarto. Hindi ako gumamit ng phone at binalewala ang mga tawag ni Jake at mga kaibigan ko. Bunsod ng galit ko kanina ay hindi ko napigilan ang sarili ko't nasabi ko sa 'king mga barkada. Kaya ayun, mas lalo silang nanggigil.

Hindi na nila hinintay pa ang "go signal" ko at diretso nilang ginambala ang inbox ni Jake. Hindi ko na alam pa ang iba nilang ginawa, pero siguro parte na yun ng karma niya. Package deal ng relasyon namin ang barkada, e. Kaya tiis-tiis siya sa reaksyon ng mga malalapit kong kaibigan.

Binalot ko lang ang sarili ng kumot at nakatulala. Sa isipan ko ay naglalaro ang sari-saring mga kaganapan; paulit-ulit ko ring naaalala ang naabutan ko sa apartment ni Jake. Kaya pala ang sama ng pakiramdam ko kanina, hindi talaga ako mapalagay. Yun na pala yun.

Gusto pala talaga akong papuntahin para makita ang kademonyohan no'ng lalaking yun. Hindi naman siguro ako nag-ooverthink, 'di ba? Hindi ko kasi nabigyan ng pagkakataon si Jake na magpaliwanag.

Pero ano pa ba ang ipapaliwanag niya? Ilang araw ang lumipas 'di talaga siya makapagbigay ng tamang dahilan. Kitang-kita ko na lahat. Ano bang gagawin nila roon sa kuwarto? Mag-group study?

Kalaunan, tumawag din sina mama at maghahapunan na raw. Pero hindi ako sumabay. Sinabi ko lang na pagod na pagod ako sa lakad namin at naiintindihan din naman nila. Wala talaga akong gana. Siguro ay nabusog na ako sa kagaguhan ni Jale. Bwisit talaga siya. Pero bandang alas otso ng gabi ay biglang may kumatok sa pinto ko.

"Tristan, anak. Papasukin mo kami."

Kumunot naman ang noo ko nang marinig si mama. Wala akong magawa kung hindi ang bumangon na lang. Tinungo ko ang pintuan at pinagbuksan sila. At bumungad sa 'kin ang mukha nina mama, papa, at kuya na nakatingin sa 'kin.

"Bakit po, ma?"

"Sabi ng kuya mo, may sasabihin ka raw sa 'min."

"Ha?"

Nabaling ang tingin ko kay kuya at binigyan siya ng tingin at ekspresyon na nagsasabing: "Bakit parang alam nina mama ang nangyari? 'Di ba sa 'tin lang muna yun? Lagot ka sa 'kin mamaya."

Pero ngumiti lang siya at binigyan ko na siya ng nagbabantang tingin.

"Tristan?" tawag ni papa.

Pinapasok ko sila sa loob. Bumalik din ako sa 'king higaan at doon umupo. Sila naman ay sumunod lang at umupo sa gilid ng higaan. Pinaligiran nila ako at ang lahat ng tingin ay nasa 'kin.

"Hiwalay na po kami ni Jake."

"Ano?"

"Kailan lang?"

"Bakit?"

"Anong nangyari?"

Hindi kaagad ako nakasagot. Sa sunod-sunod na tanong nila ay nanubig na lang ang mata ko at umanghang. Naiiyak na naman ako. May kung anong bagay na rin na bumibikig sa lalamunan ko. Tumikhim ako at mabilis na napakurap. Pinigilan ko ang sarili na maiyak dahil nangako na ako na hindi na ako iiyak para kay Jake.

"Dalawang araw na po ang lumipas no'ng naghiwalay kami. Sabi niya, ayaw na raw niya. Pero naiintindihan ko naman. May mga bagay po talaga na natatapos. Nagising na lang din po ako sa katotohanan na hindi namin kailangan ang isa't isa. Tama na po ang sampung taon. Panahon na rin para mag move forward kami at tahakin ang kaniya-kaniyang direksyon sa buhay. Ang importante ay desisyon namin 'to at masaya na kami ngayon sa desisyon namin," mahinahong sagot ko at pilit na pinipigilan na mabasag ang sariling boses.

Nabaling ang tingin ko kay kuya at bakas sa mukha niya ang pagtataka. Kumunot ang noo niya. Halatang alam niyang nagsisinungaling ako.

"Ayos lang naman masaktan, bunso. Hindi ko kailangang magkunwari at magpakatatag. May punto talaga sa buhay natin na nasasaktan tayo nang lubos, pero ang mahalaga ay hindi ka nag-iisa. Nandito kami para sa 'yo," sabi ni mama.

"Salamat, ma."

"T'saka natural lang yang hiwalay-hiwalay na 'yan," dagdag naman ni papa. "Kung kayo talaga, balang araw, magkukrus na naman ang landas n'yo at mararamdaman n'yo na kayo talaga ang para sa isa't isa. Kami nga ni mama mo noon, naghiwalay rin kami ng ilang buwan, pero nagkabalikan din kami—"

"E' kasi yung jinowa mo ang pangit at toxic pa. Ayoko yun para sa 'yo kaya ako na lang."

"Guwapo mo talaga, 'pa!"

"Aba syempre. Pinag-aagawan 'to noon," pagmamalaki ni papa na napatango-tango pa.

"Pero ngayon ang laki na ng tiyan! Do'n ka sa Melanie mo, tignan natin kung pipiliin ka," banat ni mama at napakamot ng ulo lang si papa. Natawa na lang ako sa kanila. "Ayos ka lang ba talaga, bunso?"

"Opo, 'ma. Promise."

Hindi na sila nangulit pa. Napanatag din ang kanilang loob nang paulit-ulit kong siniguro na ayos lang ako...kahit na hindi naman. Umalis na rin sina mama dahil manonood pa sila ng paborito nilang movie series, habang si kuya naman ay nagpaiwan. Ngayon ay paniguradong iba ang magiging takbo ng usapan namin.

"Bakit ka nagsisinungaling kila mama?"

"Kuys, ayoko na ng gulo. Gusto ko na mag move-on at kalimutan ang lahat ng 'to. Ayokong maging masama si Jake sa paningin nina mama. Ayokong masira ang mga alaala nila mama na kasama si Jake."

"Napansin kong umalis ka kanina. Pinuntahan mo ba siya?"

"Oo, pero naabutan ko siya ro'n na may kasamang lalaki...si Gerald. Kasama niya yung lalaking sinasabi niya lang na bestfriend. Pero alam mo, no'ng nakita ko sila, napagtanto ko na tama lang din na maghihiwalay kami. Sinadya talaga ng panahon na maabutan ko sila para tumigil na ako sa kakaasa na magkakaayos kami. Sinadya talaga yun para tatatak na sa kukote ko na hindi nga siya ang para sa 'kin. Napagtanto ko rin na hindi rin naman ako nagkulang. Naging sapat naman ako sa kaniya...sobra pa nga, e. Siya lang talaga ang may problema. Ang karma na ang bahala. Kahit papano ay nahadlangan nito ang plano ko magpo-propose na sana sa kaniya. Buti na lang talaga at hindi ko nagawa! " natawa naman ako. "Masakit...oo, pero ganito talaga ang mundo. Sabi mo pa nga, life is too short para magdrama. Kaya ngayon, magmumukmok muna ako. Pero bukas, hindi ko na siya iisipin."

"Ang bait mo talaga bunso. Ayaw mo bang sapakin ko ang mukha niya?"

"Gusto kong basagin mo sana yun, pero huwag na. Hindi worth it sa kamao mo," biro ko.

"Gusto mo ba mag-bar tayo ngayon?"

"Hoy. Hindi! May trabaho pa ako bukas."

"Ay, oo nga pala." Napakamot ito ng ulo. "Pero yung trabaho, araw-araw kasi 'yan. Yung inuman, minsanan lang...kaya hayaan mo muna 'yang trabaho."

"Hindi na puwede, kuys. Naka-leave na nga ako no'ng nakaraan. Pagagalitan na ako ng boss ko."

"Malapit na akong umalis. Sige ka."

"Huwag mo ko madaan sa ganiyan. Kakauwi lang natin, kuys!"

"Magtatampo talaga ako."

"Tumahimik ka nga. Bumalik ka na sa kuwarto mo at magda-drama muna ako—aray!" Nagulat na lang ako nang hampasin niya ako ng unan sa likod. "Baliw ka ba?" Pinulot ko rin ang katabing unan at hinampas din siya sa mukha.

Hindi rin siya nagpatalo at gumanti rin. Hanggang sa naghampasan na kami ng unan at naghabulan sa kuwarto sa buong bahay.

the second time aroundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon