Part 1 and the only Part

752 3 0
                                    

Mataas na ang araw at hindi pa rin bumabangon sa kama nya si Arthur. Palibhasa'y puyat sa paglalasing kagabi kasama ang kanyang mga kaibigan. Nagpunta sila sa isang bar sa Makati. Alam niya sa sarili nyang hindi nya kayang uminom ng alak dahil di naman talaga siya sanay uminom nguni't naglasing pa rin sya dahil sa akala nya'y matatakasan nya ang kanyang problema sa pamamagitan ng paglalasing. Kahit alam nya sa sarili na hindi alak ang sagot sa kanyang problema, ay wala syang pakialam at hindi nagpapigil sa pag-inom. Hindi rin naman nagtagal ay halos di na makalakad at makapagsalita ng maayos si Arthur dala na rin ng sobrang kalasingan. Ipinahatid na sya ng mga kaibigan, kahit ayaw pa ni Arthur na paawat sa pag-inom. Si Marvin ang naghatid sa kanya sa bahay, halos humandusay at di nya kayanin ang paglalakad. Si Marvin ang bestfriend nya simula pa ng high school sila. Kasama sa mga kalokohan, kadamay sa mga problema at ang tanging taong nakakaintindi ng lahat ng kanyang pinagdadaanan ngayon.

Bago pa man sila makarating sa kwarto ni Arthur ay sa banyo muna sila dumiretso dahil nasusuka ang huli. Buti na lamang ay umabot si Arthur sa banyo upang mailabas nyang lahat ng isinuka nya sa toilet bowl dahil di na talaga kinaya ng huli kahit ang tumayo, kaya't imbis na sa sink ay sa toilet bowl na sumuka si Arthur. Pagkatapos sumuka ni Arthur ay pinagmumog muna sya ng kaibigan ng isang basong Listerine, pagkatapos ay binigyan sya ng isang basong tubig ni Marvin upang maalis ang matapang na lasa ng pangmumog na kemikal. Halos buhatin ni Marvin ang kaibigan upang itapat sa dutsa para maibsan ang pagkalasing ng kaibigan. Medyo nawala nga ang pagkalasing ni Arthur at medyo nahimasmasan. Sa banyo pa lamang ay pinalitan na ng damit ni Marvin ang kaibigan, sya na rin ang naghubad ng basang damit ni Arthur. Pagkatapos ay inalalayan nya ang kaibigan sa kama, dala na rin ng sobrang antok at epekto ng alak ay agad nakatulog si Arthur. Lumabas ng kwarto si Marvin at nasalubong si Yaya Doring sa sala at nagbilin na lang para sa kaibigan.

"Sabi ko naman sa 'yo Marvin, ako na ang bahala dyan sa kaibigan mo" si Yaya Doring.

"Naku, Yaya, nakakahiya naman sa inyo, masyado ng late at inabala ka pa ng alaga mo. Don't worry, ayos lang sa akin yun, sanay na ako sa alaga mong pasaway" tugon ni Marvin habang palabas ng bahay ng kaibigan.

"Ano na naman ba ang problema ng batang iyan, hindi na kasi nagsasabi si Arthur sa akin e. Mukhang problemang pag-ibig na naman ata yan a, kasi last time na naglasing yang batang yan, ang alam ko ay broken hearted siya." Pag uusisa ni Yaya Doring.

Natawa na lamang si Marvin. At pabulong na sinabi sa yaya ng kaibigan.

"Sa atin 2 na lang ito Yaya ha, oo, broken hearted na naman ang alaga mo. Kaya ikaw na ang bahala sa pasaway kong kaibigan, tiyak pakiramdam na naman nya ay sya na ang pinaka kawawang nilalang sa mundo." Anas ni Marvin

"Baka bumalik din ako tomorrow Yaya, so I could check on him and cheer him up. Alam mo naman yang alaga mo, kulang sa pansin! Baka kung ano pa ang maisipang gawin. Remember last time, muntik na tayong maglamay" pabirong sunod ni Marvin.

"O siya sige hijo, mauna ka na at masyado ng late. Ako na ang bahala sa kaibigan mo. Mag ingat ka sa pagmamaneho mo ha." Bilin ni Yaya Doring.

"Sige po, Yaya. Mauna na po ako. Good night" sabay halik sa pisngi ng yaya ng kaibigan.

"O siya, sige hijo, kaawaan ka ng Diyos. Mag-ingat ka sa daan, ha." Sabay tapik sa balikat ni Marvin.

Inihatid sya ni Yaya Doring sa labasan habang ini-istart ni Marvin ang sasakyan. Lumayo na ang kotse ni Marvin at isinara na ni Yaya Doring ang trangkahan. Napabuntong hininga na lang ang matanda at nasabi sa sarili,

"Hay, ang mga kabataan nga naman ngayon..." habang pumapasok sa loob ng bahay.

Pagpatak ng alas tres ng hapon ay parang umiikot ang paligid sa pagbukas ng mga mata ni Arthur. Tinawag nya ang kanyang yaya. Una ay mahina nguni't tila di sya naririnig ng matanda kaya't nilakasan na nya ang pagtawag dito.

"Yaya, ang sakit ng ulo ko. Asan ka?" si Arthur

Pumasok si Yaya Doring sa kwarto ni Arthur upang alamin ang kailangan ng alaga.

"O ano ang probleman natin?" paanas na tanong ni Yaya Doring. "Maglalasing at iinom ka kahit na alam mong hindi mo kaya, tapos magsisisigaw ka at magrereklamo ngayon na masakit ang ulo mo, ha" si Yaya Doring habang sinisipat ang ulo at minamasahe ang sintido ng alaga.

"Ang sakit ng ulo ko Yaya, wag mo na ko sermonan. Alam mo naman na ikaw lang ang makakagawa ng paraan para maalis sakit ng ulo ko di ba?" paglalambing ni Arthur sa kanyang Yaya.

"O siya sige, bumangon ka na jan sa kama, umupo at inumin mo itong Advil, maya maya'y hihilutin ko ang ulo mo para lubusang mawala ang sakit ng ulo mo." sabay abot ng isang basong tubig habang inaalalayan ang alaga sa pagbangon upang makaupo at makainom ng iniabot na gamot.

"Hay naku Arthur, wala ka pa rin pagbabago, ilang beses na kitang sinabihan na wag mo idadaan sa pag inom ang problema pero heto't sumigi ka na naman."

"Ayan ka na naman Yaya e, sesermonan mo na naman ba ako? Di ba loves mo naman ako?" habang yumakap sa kanyang Yaya Doring.

"Kaya wag ka na magsermon, ha, wag ka na magalit, alam mo naman di ko gusto pag nagagalit ka sa akin e." sabay halik sa pisngi ng matanda at bumalik sa pagkakahiga.

"O siya, sige, ang batang ito talaga. Kung di lang kita mahal at matanda ka na, ay kanina pa kita napalo sa pwet mo!" pagbibiro at paglalambing naman ni Yaya Doring sa alaga.

"Yaya naman, ginagawa mo na naman akong bata e, di na ko bata Yaya, binata na ang alaga mo, at gwapo pa! patawang bawi ni Arthur.

"Ay ikaw talagang bata ka, dinaan mo na naman ako sa pa-charming mo. Pero walang halong biro Arthur hindi maganda ang ginagawa mo ha." May seryosong bilin ng matanda sa alaga.

"Opo, wag ka mag-alala Yaya, last na talaga yang kagabi, di na po mauulit"

"O siya, yan din ang sinabi mo nung huling naglasing ka dahil broken hearted ka" pang-aasar ng matanda.

"Yaya naman!" paasar na tugon ni Arthur.

"Anong oras na po ba?" tanong ni Arthur.

"Hijo, alas tres na ng hapon. Ilang oras na lang at dinner na. Muntik ka ng lubugan ng araw ay nasa kama ka pa." si Yaya Doring habang binubuksan ang mga kurtina ng kwarto ni Arthur.

"Alam kong ayaw mo na ginigising ka pag natutulog, kaya di na kita inabala, at saka I'm sure di ka rin babangon kung gigisingin kita, kaya hinayaan na lang kitang makabawi ng tulog."

"Yaya, wag mo ng buksan ang kurtina, ang sakit sa mga mata at lalo lang sasakit ang ulo ko nyan e." si Arthur habang tinatakpan ang mga mata sa pagkakasilaw sa liwanag ng araw na dulot ng liwanag sa labas.

"Mabuti ang liwanag hijo, para mawala ang tama ng alak sa iyo. Maganda ito para naman magkaroon ka ng orientasyon sa oras." Si Yaya Doring pa rin.

"Ikaw ba ang nagbihis sa akin? Di ba sabi ko naman sa iyo, huwag mo na ko bibihisan, na hayaan mo na lang ako, matanda na ako Yaya Doring, kaya ko na ang sarili ko at..." napatigil pa si Arthur. "Nakakahiya!, ang tanda ko na para sa mga ganyang bagay."

Natawa lang si Yaya Doring sa tono ng boses ng alaga na para bang batang nahihiya pa.

"Ay naku, Arthur, bata pa lamang ay inalagaan na kita, at ako na halos ang nagpalaki sa 'yo, kaya wala ka ng dapat itago o ikahiya sa akin. Para mo na akong nanay." Pangisi pa ring tugon ni Yaya Doring.

"At wag ka mag alala, si Marvin ang nagpalit ng damit mo, at sya din ang sumama sa yo sa banyo ng magsuka ka, siya rin ang nagpaligo sa 'yo. Mas nakakahiya iyon dahil pati sya ay inaabala mo pa sa tuwing uuwi ka ng lasing. Kaw talagang bata ka!" Si Yaya Doring habang minamasahe ang ulo ng alaga.

"Napakabait talagang bata nyang si Marvin, hindi ka na nahiya, bata ka! At parang sa pagkaka amoy ko sa kaibigan mo ay, nasukahan mo pa ata ang pobre kagabe."

"Ho?" di makapaniwalang tanong ni Arthur.

"Oo hijo, amoy suka ang kaibigan mo, kawawang pobre. Sa tuwing maglalasing ka, sya ang driver at sya ang Yaya mo" pabirong tono ni Yaya Doring.

"Hayaan nyo, sanay na naman sa akin yun e. Tsaka mabait talaga yan si Marvin."

"Pero next time hijo, pag 'di mo na kaya ang maglasing, wag mo na pilitin ha, para di mo napeperwisyo ang kaibigan mo, ayos lang sana kung ako lang, kaya lang nakakahiya na sa kaibigan mong si Marvin"

"Saan ka kaya pinulot kagabi kung di ka inalalayan ng kaibigan mo? Aber?"

"Tama na Yaya, wag mo na ko pagalitan, ayan ka na naman e, tapos na yun e, tsaka I'm sure he didn't mind helping me out last night, mabait yun, 'di yun magsasawa sa akin." May panunudyong tinig ng boses ni Arthur.

"Sana nga at di sya magsawa dahil pag nakahanap ng bagong bestfriend yan si Marvin na mas mabait at di lasengero, good luck na lang sa 'yo!" pang aasar ni Yaya Doring sa alaga.

"Ano ka ba naman Yaya, di yun ganon. Tsaka kilala ko si Marvin. Loyal ata yun bestfriend kong yun." Paniniguro ni Arthur sa kanyang Yaya.

"Yaya, nagugutom ako, pwede mo ba ko dalhan ng chicken asparagus soup, parang kumakalam ang sikmura ko e, tsaka samahan mo na rin ng isang pirasong garlic bread, please?" paglalambing ni Arthur sa kanyang Yaya Doring.

"Ok, sigurado ka bang yun lang ang gusto mong kainin hijo? Halos walang laman ang sikmura mo, bakit di ka kumain ng desente at ipaghahanda kita" alok ni Yaya Doring.

"Tama na po ang soup tsaka isang piraso ng garlic bread, yung wheat bread ang ihanda mo Yaya ha, tsaka akyatan mo na rin ako ng apple juice." Bilin ni Arthur.

"O siya sige, basta promise mo sa 'kin na kakain ka mamyang dinner ha."

"Ok, deal" sagot ni Arthur, may kasabay na paglalambing at yakap sa kanyang Yaya Doring.

Halos buong buhay ni Arthur ay kasama niya ang kanyang Yaya Doring. Simula kasi ng magkaisip sya ay ito na ang naaalala nyang nagpalaki sa kanya. Anak sa pagkadalaga si Arthur ng kanyang Ina. Itinakwil ito ng kanyang mga magulang ng malamang ipinagbubuntis nya si Arthur. At simula noon ay di na ito kinilalang myembro ng pamilya. Palibhasa'y galing sa isang mayamang angkan ng mga Intsik ang ina, hindi naging katanggap tanggap sa mga ito ang pangyayari. Sa kamalas malasan naman ay namatay ang ama nya bago pa man siya isilang, sa isang fraternity hazing sa unibersidad na pinapasukan pareho ng mga ito habang nagtatapos sa kolehiyo. Kung saan saang bahay ng kaibigan nakitira ang ina hanggang manganak ito.

At ng makilala nga ng kanyang ina ang matandang businessman na taga Ongpin din tulad ng kanyang ina, ay sumama ito dito. Kahit hindi tanggap ng amain si Arthur ay pilit pa rin siyang ipinaglaban ng ina. Hanggang sa mapilitang lumayo ang ina dahil nag migrate ang bago nitong asawa pagsapit ng ika-apat na taon ni Arthur. Noon ay buntis na ang ina nya sa pangalawang anak nito sa bagong asawa. Nguni't hindi isinama si Arthur sa pagma-migrate sa Amerika, dahil hindi sya kayang tanggapin ng amain. Noon ay si Yaya Doring na ang nag aalaga at katulong ng kanyang ina sa pagpapalaki sa mga anak nito, ito rin kasi ang yaya ng kanyang ina at halos nagpalaki dito. Kaya naman ng itinakwil ang ina ni Arthur ng kanyang pamilya ay si Yaya Doring lamang ang tanging tumulong at gumabay dito. At si Yaya Doring na din ang nagpalaki kay Arthur. Inihabilin sya ng kanyang ina sa dating yaya. Lahat ng pangangailangan nilang mag yaya ay sinusuportahan ng ina. Kapag may pagkakataon ay umuuwi ang kanyang ina, nguni't bihirang bihira kung ito'y makauwi sa Pilipinas. Nguni't di naman nakakalimot na tumawag at sumulat ang ina sa anak. Sa ganitong sitwasyon ay hangang hanga si Yaya Doring kay Arthur. Dahil lumaking maintindihin at mabait ang batang si Arthur. Kahit kailan ay di ito nakitaang sinisi o sinumbatan ang ina. Hindi nya ginawang dahilan ang sitwasyon upang sirain ang kanyang buhay, malamang sa isip ni Yaya Doring, kung sa ibang bata nangyari ang ganitong sitwasyon, marahil ay adik o salot na ng lipunan o nagrerebelde ang kanyang alaga.

Malaki rin naman ang naging papel ni Yaya Doring sa pagpapalaki kay Arthur, binusog nya ito ng pagmamahal ng isang tunay na ina, ng isang tunay na kapamilya. Habang lumalaki si Arthur ay pilit nyang ipinaintindi sa alaga ang sitwasyon nilang mag ina, kaya nama't lumaki si Arthur na may paggalang at pagmamahal sa ina. Dahil na rin sa walang pamilya si Yaya Doring, si Arthur at ang ina nito na ang naging pamilya niya. Minahal at pinalaki ni Yaya Doring si Arthur katulad ng ginawa nyang pagpapalaki sa ina nito. Busog sa pagmamahal, pang-unawa at may takot sa Diyos. Kaya naman ganon na lamang ang pag-aalala nito kapag ang alaga ay nagkakaroon ng problema.

Tumunog ang doorbell at tinungo ni Yaya Doring upang sipatin kung sino ang bisita. Ng makita ni yaya Doring sa labas ng trangkahan ang pamilyar na mukha ni Marvin, pinagbuksan nya ang binata.

"Good afternoon, Yaya! Gising na ba ang alaga mong pasaway?" tanong ni Marvin

"Oo hijo, nandun sa kwarto nya't panay ang angal na masakit daw ang kanyang ulo." habang binubuksan ang trangkahan.

"Pasaway kasi kamo sya, halos, ayaw niyang bitiwan ang bote ng beer at ayaw pang paawat sa pag-inom, akala mong kung sinong malakas uminom. Tapos ngayon magrereklamo sya na masakit ang ulo nya." Habang nakayakap papasok kay Yaya Doring.

"Yan talagang kaibigan mo, pag puso ang problema, alak ang inaaakalang solusyon sa lahat ng bagay."

"Dapat kasi Yaya, hinayaan mo na lang siya, I'm sure bineybi mo na naman ang alaga mo e, kaya ganyan yang kaibigan ko, kasi inispoiled nyo" sabay yakap sa yaya ng kaibigan at halik sa pisngi ng matanda.

Parang anak na rin ang turing ni Yaya Doring kay Marvin. Halos sabay nagbinata ang alaga at si Marvin. Minsan ay sa bahay natutulog ang huli lalo na't kung may tinatapos na mga aralin ang dalawa noong nasa high school pa sila. Nagsimula lamang matigil ang pagtulog ni Marvin sa bahay, ng parehong tumuntong sila ni Arthur sa kolehiyo. Sa U.P. Diliman nagpatuloy si Arthur sa kursong Fine Arts at si Marvin naman ay sa U.P Manila sa kursong B.S. Biology. Hindi pa daw alam ni Arthur ang talagang kursong gusto nya, dahil sa talagang mahusay syang artist at mahilig sa pagpipinta, naisipan nyang kumuha muna ng Fine Arts. Wala namang tutol ang ina ni Arthur sa desisyon ng anak. Basta't kung saan daw ito masaya at kung saan ang hilig ng anak ay susuportahan nya ito. Samantalang si Marvin naman ay gustong maging doctor na katulad ng kanyang mga magulang kaya't kumuha ito ng kursong medical upang maging pre-med course nya. Pareho silang graduating sa susunod na semester, kaya't habang bakasyon ay lagi na naman magkasama ang dalawa. Nakakatuwang isipin na ang dalawang batang ito na halos nakitang lumaki ni Yaya Doring ay mga binata na. Ilang taon na lamang at ang mga ito'y magkakaroon na rin ng kani kanilang pamilya.

"O, siya, tumuloy ka na at mauna sa kwarto ni Arthur, naghahanda lamang ako ng pagkain ng kaibigan mo. Ano nga pala ang gusto mong merienda hijo?" tanong ni Yara Doring kay Marvin.

"Kahit ano po, di pa naman ako gutom"

"Hay, kayo talagang dalawa ng kaibigan mo, pareho kayong pasaway, wala kayong kahilig hilig kumain. Kapag nandito ka, di pwede ang busog at di pwede ang hindi" pangungulit ni Yaya Doring.

"Alam ko nga po yon e, kaya nga po sabi ko, ay kahit ano, sa sarap ng luto mo Yaya, wala pa ko tinanggihan di ba?" paglalambing ni Marvin sa matanda.

"Binola mo pa ako, sya sige, mauna ka na sa kwarto ni Art at dadalin ko ang pagkain nyo"

"Bakit po Yaya, di pa ba kumain ang alaga mong pasaway? Tanong ni Marvin.

"Pano kakain yun, e kakagising lang ng kaibigan mo."

"Ganun po ba?"

"Oo, kaya, sige, dadalan ko kayo ng makakain nyo sa kwarto."

"Thank you po! Akyat na muna ko sa kwarto ng pasaway."

"Tok, tok, tok" sabay direchong pasok ni Marvin sa kwarto ng kaibigan.

"Pasok ka, ang sakit ng ulo ko e" di pa sya natatapos sa pagsasalita ay nasa loob na ng kwarto si Marvin.

"Kumatok ka pa!" pabirong bati ni Arthur sa kadarating na kaibigan.

"O ano na namang drama yan? At bakit kakagising mo lang daw, sabi ni Yaya Doring?" unang bungad ni Marvin sa kaibigan.

"Ang sakit ng ulo ko Bes, parang ayoko ng bumangon. Parang gusto ko ng mamatay..." si Arthur, nag-eexagerate.

"Na naman?" pang aasar ni Marvin sa kaibigan.

"Hindi ako nagbibiro at wala ako sa mood Bes" pagsusungit naman ni Arthur.

"Bes, ano na naman ba ang problema mo? Sino na naman ba yan? Pag-uusisa ni Marvin.

"Walang sino. Masakit ang ulo ko dahil nalasing tayo kagabi. Napaka-usisero mo talaga!" patuloy na pagsusungit ni Arthur.

"Bes, I know you too much. Kahit utot mo alam ko ang amoy kaya di ka pwedeng magsinungaling sa akin."

"At correction po, ikaw lang ang nalasing. Lahat kami matinong nakauwi kagabi, remember I drove you home last night?" Dagdag pang pang-aasar ni Marvin sa kaibigan.

"And as I recall, sa sobrang kalasingan mo, pati ako sinukuhan mo. You were barely able to stand, sa sobrang kalasingan mo"

"Kaya please, spare me the drama...at wag ng magtago pa ng tunay na problema natin dyan, ok?"

"So tell me the truth. Sino na naman ba yan?" pag uusisa ni Marvin.

"Wala nga! Ang kulit mo, bakit di na ba ako pwedeng uminom ng walang dahilan?" si Arthur

"Oo, dahil kilala kita! Di ka iinom kung wala kang problema. So tell me Bes, si Raf ba ang problema mo?" Diretsong tanong ni Marvin.

"Ano ka ba, sinabi ngang wala e"

"Come on Bes, spill it out!" pangungulit pa rin ni Marvin.

Matapos ang ilang minutong pag-iisip, narealize ni Arthur na wala nga syang pwedeng maitago sa kaibigan. At ito lang naman din ang tanging taong makakaintindi sa kanya. Kaya't minarapat na rin nyang sinabi ang totoo dito.

"Oo, Bes, break na kami ni Raf 2 days ago." Malungkot na tinig ni Arthur.

"Masaya ka na?" pangungutya pa ni Arthur sa kaibigan dahil nabuko sya sa tunay na dahilan ng pagwawala kagabi.

"O, tapos?" pag uusisa pa ni Marvin.

"Anong tapos?! That two timing freak! Ang kapal ng mukha nyang iwan ako, after all what I did for him. After all, what I did to make our relationship work." May garalgal sa boses ni Arthur.

Alam ni Marvin na malalim ang pinanggagalingan ng galit ng kaibigan. Kaya't di sya magtataka kung biglang maging hysterical si Arthur. Nguni't hinayaan nya lang ang kaibigan na magkwento. Dahil di naman ito ang unang heartbreak ni Arthur. Para na lamang itong lumang pelikula na ni-rerewind nya sa utak nya everytime broken hearted ito.

"How can he dump me just like that! Tang ina! Bes, sabi nya nung una, ako lang ang mahal nya. That he would do everything for me and that he would take care of our relationship, putang ina nya!" galit at medyo malakas na boses ni Arthur.

Hinayaan pa rin sya ni Marvin. Alam niya sa mga oras na yon na walang makakapigil sa galit ng kaibigan. Kaya't hinayaan lang ni Marvin na magpatuloy sa kwento nya si Arthur. Alam rin nyang ito lang ang paraan upang humupa ang galit na nararamdaman ng kaibigan.

"If he really loves me and he plans to take me seriously, he wouldn't let this happen. He wouldn't choose that stupid, flirt over me." Pagtutuloy ni Arthur.

"Ano pa bang kulang sa akin Bes?" nakatingin sya kay Marvin na tila kumukuha ng sagot habang pinipigil ang pagluha.

Wala pa rin imik si Marvin. Hinayaan lang ang kaibigan. Nakikinig.

"I almost gave up everything for him. Ayaw nya kong lumabas at ayaw nya kong gumi-gimmick with my friends, I did just that!"...

"When an opportunity came na pinakahihintay ko to become a commercial model pero ayaw nya cuz he's freaking afraid I'll find somebody better looking, I gave up that oportunity for him!"..

"Ayaw nya kong nagpupunta ng gym without him around, I did that too!" ...

"Lahat ng gusto nya ginawa ko!"...

"Lahat ng ayaw nya iniwasan ko!"...

"Lahat ng sabihin nya sinusunod ko."...

"Tapos, lahat ng pagdududa nya sya pala ang gumagawa at my back?! Fuck him!" galit na sigaw ni Arthur habang lumuluha sa pagkukwento. Hindi na nya nagawang pigilan ang pagpatak ng mga luha na kanina pa nya tinitimpi.

Wala pa ring imik si Marvin. Hinayaan nya lang maglabas ng sama ng loob ang kaibigan.

"Pero Bes, I can't live without him. I love Raf so much, it's going to kill me pag nawala sya sa buhay ko." Nagsimula ng tumulo ang luha ni Arthur...

"Kaya before last night, I begged for him to come back and leave that guy. I even said, na kakalimutan ko ang lahat, just come back to me.".....

Wala ng tigil ang pag-iyak ni Arthur. He was hysterical. Niyakap ni Marvin ang kaibigan, upang aluin at patahanin. Nguni't di matigil ang pag iyak ng kaibigan.

"Ssshhhh...Tama na Bes, it's ok, wag mo na isipin yun. Wag mo na isipin si Raf, tama na..." pabulong ni Marvin habang yakap yakap ang kaibigan.

Ilang minuto pa bago tuluyang natigil si Arthur sa pag-iyak. Tahimik ang kwarto. Alam ni Marvin na mas makakabuting hindi muna sya magsalita. Hinayaan muna nya ang kaibigan na kumalma.

"Bes, wala na si Raf, he's gone."...

"He chose that other guy over me......"...

"Hindi na daw nya ko mahal....." patuloy sa pagluha si Arthur.

"Wala na si Raf, Bes, pano na ko ngayon?.... patuloy pa rin si Arthur sa pag iyak.

Pero sa oras na iyon, ay mas kontrolado na nya ang kanyang emosyon.

"Sshhhh. Tama na Bes, ok lang yan... Marami pang higit kay Raf ang dadating sa buhay mo." Patuloy lang si Marvin.

"Ayoko ng iba Bes, si Raf ang gusto ko..."

"Siya lang...ang gusto ko"

"I don't know what to do anymore..." si Arthur pa rin.

"Tama na Bes, wala na si Raf and it would be best na tanggapin mo na he has decided to move on with somebody else and that somebody else is not you..."

"Masakit tanggapin pero kelangan e, otherwise ikaw lang ang masasaktan." Simula ni Marvin.

"And you're just thinking na hindi mo kaya. Of course kaya mo yan, look at what happened last time. Ok ka naman di ba?" patuloy ni Marvin.

Alam niya sa oras na iyon na kontrolado na ni Arthur ang sarili. Nakikinig ito at mahinahon na.

"Bes, just think of it as a blessing in disguise. At least this time, you will have more time for your self, more time for your studies, more time for your friends, you can go back to modeling too."

"We missed you in the group, lagi ka na lang wala sa mga gimmick ng tropa ever since nakilala mo yang boyfriend mong yan. Nagtatanong na nga sila sa akin, kung sino ba daw talaga yang 'girlfriend' mo at di mo mapakilala sa amin. Kahit si Ron ay nagbibiro na rin, na baka daw 'boyfriend' yang shota mo kaya di mo maipakilala sa grupo." Patuloy ni Marvin.

"Now, just think of the positive things that can come out from this situation. And remember Bes, pag may nawala, lagi yang may kapalit"...

"Pero ang sakit Bes"... hikbi ni Arthur.

"Masakit talaga, it wouldn't be called heart break for nothing, but this is the time you show Raf that you can move on with out him, that you can be happier with out him, and show him that he did the wrong decision by giving you up"...

"I'm not sure anymore if I can move on without him.."

"Sinasabi mo lang yan Bes, dahil nasaktan ka. It's a natural thing to feel hurt, but then you have to stand up at one point or another, and pick up the pieces. And I know you can do that. You are a strong person, and I will be disappointed if you do otherwise"...

Walang nagsasalita. Tahimik na rin si Arthur. Nakadapa sya sa kama at nakapatong ang ulo nya sa hita ng kaibigan habang nakaupo ang huli sa kama at patuloy pa rin sa pagluha si Arthur.

Samantalang sa labas ng kwarto ay narinig ni Yaya Doring ang lahat. Alam na nya ngayon kung bakit tuwing problema sa puso ang idinadaing ng alaga ay hindi ito makapagsabi sa kanya. Naaawa ang matanda sa alaga. Dahil para na rin nya itong anak. Nais man nyang saluhan ang alaga sa sakit nito sa puso ngayon ay wala syang magagawa. Alam nyang sensitibo ang pinagdaraanan ni Arthur at alam din nyang hindi pa rin handa ang alaga na ipagtapat sa kanya ang lahat kasama na ang kanyang tunay na pagkatao. Di napansin ni Yaya Doring nguni't pumatak ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Lubos na pagkaawa ang nararamdaman nya kay Arthur, na halos isang tunay na anak ang kanyang turing. Hindi rin naman alam ni Yaya Doring ano ang gagawin. Pero ngayon ay pang unawa, pagmamahal at pagtanggap sa tunay na pagkatao ng alaga ang kanyang naisip gawin. Bumalik muna sya sa kusina upang bigyan ng pagkakataon makapag usap pa ang magkaibigan. Nagpasalamat si Yaya Doring, at nandoon si Marvin upang bigyan ng suporta ang kaibigan. Lalong humanga si Yaya Doring kay Marvin, dahil hindi nito iniiwan ang kaibigan, bagkus ay naintindihan nito ang sitwasyon ni Arthur.

"Bes, salamat talaga, kasi lagi kang nandyan. I don't know what will I do without you." sabay yakap sa kaibigan.

"Wala yun Bes, basta from now on, pag may problema ka, wag mo na idadaan sa pag inom ha. Kasi ayoko naman na mag amoy maasim everytime masukahan mo ako" panunukso ni Marvin sa kaibigan.

"Ha ha ha... Gago!" napatawang sabi ni Arthur.

"Don't worry Bes, next time isho-shoot ko na sa toilet bowl para naman di ka mag amoy maasim." Sabay tawa pa rin ni Arthur. Ang mga luha kanina ay napalitan na ng ngiti sa kanyan mga mata.

Nagtatawanan at nagbibiruan na ang dalawa.

Matapos ng masinsinang pag-uusap ng magkaibigan ay bumaba na sila sa kusina para kumain na ng hapunan. Kasabay nila si Yaya Doring na kumain, na para bang walang nangyaring iyakan sa taas ng kwarto ni Arthur.

Mga ilang oras pa ay nagpaalam na din si Marvin na uuwi na. Inalok pa nga siya ng kaibigan na doon na matulog para makapag bonding pa sila ng husto, dahil matagal na rin namang di sila nakapag uusap ng matagal. Pero nagdahilan na lamang siyang kailangan nyang umuwi dahil sa may pupuntahan sila ng kanyang Ate kinabukasan. Kaya't napapayag din niya si Arthur na sa susunod na lamang siya matutulog doon.

Inihatid pa sya ng kaibigan sa trangkahan. Malamig ang panahon at tila nagbabanta ang malakas na pag ulan.

"Mukhang uulan pa ata Bes, ingat ka sa pagdadrive ha and don't forget to call me when your home, so I know your home safe, ok?" paalam ni Arthur sa kaibigan habang isinara ang pinto ng driver's side.

Pagpasok ng kotse ni Marvin ay sya namang sabay ng pagpatak ng malakas na ulan. Nilingon nya si Arthur at pumasok na ito sa loob ng trangkahan at inistart na nya ang kotse palayo sa bahay ng kaibigan. Ang malakas na hangin pala kanina ay nagbabadya ng masamang panahon.

Kasabay ng pagpatak ng ulan ay ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata. Hindi nya napigilan ang emosyon. Ang mga luhang dumadaloy sa kanyang mga mata ay luha ng pagtangis para sa isang espesyal na tao sa kanyang buhay na wala siyang lakas ng loob upang ipaalam dito ang kanyang tunay na nararamdaman. Binuksan nya ang radio sa kotse at doon ay sinabayan ng pag agos ng kanyang mga luha ang mga linyang halos dumurog sa kanyang puso.

"Kung ako na lang sana ang iyong minahal
Di ka na muling mag iisa
Kung ako na lang sana ang iyong minahal
Di ka na muling luluha pa
Di ka na mangangailangan pang humanap ng iba
Narito ang puso ko
Naghihintay lamang sa 'yo...
Kung ako na lang sana..."

Nakatanggap sya ng isang text message mula kay Arthur.

"Salamat Bes. You just don't know how much you made me feel happy today. I don't know what will I do without you. I hope that you will always be on my side to listen to my future heartaches. I love you, Bes. Ingat ka. Text me when you get home, so I know you're home safe."

At patuloy ang awitin sa radio habang binabagtas ni Marvin ang daan pauwi sa kanilang bahay. Habang ang panahon ay nagsusungit at nakikisama sa panaghoy na nararamdaman ng kanyang puso.

Sa kanyang loob ay nasabi nya ang mga katagang...

"Mahal kita Bes, kung alam mo lang. Ako na lang sana ang minahal mo"

Habang patuloy ang awitin sa radio at patuloy din ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Marvin.

"Kung ako na lang sana ang iyong minahal
Di ka na muling mag iisa
Kung ako na lang sana ang iyong minahal
Di ka na muling luluha pa
Di ka na mangangailangan pang humanap ng iba
Narito ang puso ko
Naghihintay lamang sa 'yo...
Kung ako na lang sana..."

-End-

BARAKONG PINOY: A SECRET LOVE STORYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon