Isang Araw Sa buhay ng Isang Masunuring Rebelde

155 4 0
                                    

Pagbaba ko ng bus, kakapain ko yung bulsa ko kung meron pa akong barya at bibili ng apat na pisong XO na butter caramel (tatlo dalawampiso kaya anim na XO).Tatlo no'n kinakain ko sa umaga: dalawa habang naglalakad papuntang school, isa habang nagkaklase. Yung huling tatlo naman: isa para kay Amy na laging nanghihingi ng kendi at yung dalawa, kendi ko pauwi. Yung kendi ni Amy, medyo pa-pogi points 'yon. Kasi, kabarkada niya yung nililigawan ko. Kaya dagdag puntos din kung mapapansin niyang lagi ko siyang ipinagtatabi ng XO na baon ko.

Kadalasan nama'y meron lagi akong barya, kasi, lagi kong sinisiguradong barya ang sampung piso ko sa baon kong siento trenta. Tatlumpiso sa traysikel, dos na dagdag sa beinte para sa bus (minsan tres pag dumadaan sa Skyway), at kuwatro para sa kendi. May sukli pang piso (kung hindi dumaan sa Skyway yung bus.) Yung matitirang isang daan, gagastusin ko sa singkwentang tanghalian, beinteng miryenda, at trentang pamasaheng pauwi. Ganoon ang budget ko. Pero siguro kung nasa UP ako o kaya sa UST o kung saanmang unibersidad, beinte lang o kaya trenta, solb na pananghalian ko (me kasama nang softdrinks). Pero dito sa kinalalagyang kong micro lipunan, singkwenata pesos na ang pinakamurang pagkain na mabubusog ka (hindi pa kasama ang softdrinks). Kung gusto mong magtipid, maglakad ka papuntang Megamall at mag-Jollibee. Doon, trenta ang pinakamurang Value Meal (tax included).

Alas nuwebe pa ang klase ko at may meeting ako ng 8:45 kaya alas otso y media pa lang ay nasa Megamall na ako at maglalakad papunta sa school. Habang naglalakad, mag-aalmusal ako ng XO.

Bago lang ang school namin. University of Asia and the Pacific ang bagong pangalan nito nang bininyagan ito tatlong taon na ang nakalilipas. Kilala ito dati bilang CRC o Center for Research and Communications. Palibhasa bago, hindi ito masyadong kilala (at least ng mga kakilala ko). Kasi naman, kapag me kamag-anak o kaya kaibigan na nagtatanong sa akin kung saan ako nag-aaral at sumagot ako, ang sagot naman nila e: "Saan yon?" o kaya'y mas masaklap "Ano yon?" Ako naman, para wala nang tanung-tanong, sasagot ako ng "basta, school sa may likod ng Megamall."

Konti lang ang mga courses dito. Hindi lalampas sa sampu. Wala pang engineering, architechture, arts and letters, law, at iba pang mga importanteng kurso. Pero malapit na raw. Bata pa raw kasi kami kaya ganoon.

Hindi naman talaga ako dito dapat mag-aaral. Ewan ko ba kung bakit ako napunta rito. Kasi, dapat sa UP ako papasok e: Malikhaing Pagsulat sa Filipino dapat ang kurso ko. Noon kasing mag-eenroll na ako sa UP, e di nakapila na 'ko...pero wala pa 'kong pera so hinihintay ko yung nanay kong dumating sa UP para iabot sa akin yung pera pampaenroll. Tapos, biglang dumating yung nanay ko—nakataksi pa. Sumama na raw ako sa kanya sa UA&P dahil tinawagan na raw siya ng admin at iskolar na raw ako ng UA&P. Ako naman, hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote ko at sumama ako. Ngayon, dito na ako nag-aaral.

Hindi talaga ako dapat dito mag-aaral e. Nag-apply ako dito para sa kursong Information Technology na isa sa kaunti at piling kursong inooffer ng school. Nung nag-eksam ako dito at ininterbyu, naimpress ako sa ambiance. High-tech. Corporate na Corporate world ang dating. Kaya nagdesisyon akong dito mag-aral kung sakaling pumasa ako. Sa awa ng Diyos, nakapasa ako sa eksam at sa interbyu. Ang kaso, limited daw yung slots for scholarships. Kaya kung gusto ko raw mag-enroll dito, kelangan ko na raw magbayad. (Mababa siguro yung iskor ko sa entrance exam) E trenta'y sais mil kaya ang tuition dito. 'Wag na oy! Sa UP na lang ako at magpapakaradikal. Doon, siete mil lang per sem. Kaya kinumbinse ko na ang sarili ko na mag-u-UP ako. Bulok ang UA&P. Walang konsiderasyon. Ganoon naman ako lagi e. Kapag di ako nakapasa sa isang university, nagngingitngit ako at isinusumpa ko agad. Lalu na nung matanggap namin yung resulta ng test sa La Salle. Putangina nila, magsisisi sila at di nila ako tinanggap.

Pero yung tutor ko nung high school, si Mr. Gonzales, ang lumakad ng mga papeles ko doon. Nagtatawag siya ng mga kakilala niya doon at baka sakali raw na magkaroon ng slot. Talagang desidido siyang tulungan akong makapag-aral doon. Kasi raw, talagang maganda roon. At doon, talaga raw magiging matinong estudyante ako. Sabi niya, mag-apila raw ako. Sumulat daw ako sa pangulo ng school. E di sumulat naman ako. Naawa ulit ang Diyos (lagi siyang naaawa sa akin, close kasi kami e. Kaya siguro hindi niya ako pinatuloy sa UP at baka raw matuluyan akong maging gago), at tinanggap yung pag-aapila ko. Kaya sige na, binabawi ko na yung kulo ng dugo ko sa school na 'to. Me puso naman pala sila e.

Isang Araw Sa Buhay ng Isang Masunuring RebeldeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon