Ang Liham

2K 19 1
                                    



Mahal Kong Elias,

Sumusulat ako ngayon sa iyo upang iparating ang damdaming hindi ko nasabi bago ka lumisan sa aking piling. Alam kong nadarama mo rin na ako'y umiibig na sa iyo. Hindi ako magaling magtago ng aking nararamdaman. Hindi ko kayang pigilin ang bawat kabog ng aking puso habang ika'y malapit sa akin. Parang mga tambol na nag-uunahan sa pagtugtog ang aking puso sa tuwing hahawakan mo ang aking kamay. At tila mapunit ang aking pisngi sa kakangiti habang inaalala ko ang bawat sandali na tayo ay magkapiling. Akala nga ni tatay ay nabuwang na ako. Pero hindi. Alam ko sa kaibuturan ng aking puso, ako ay umiibig ng tunay sa iyo mahal kong Elias. 

Ngunit kung gaano mo kadaling pinasok ang aking puso't kaluluwa ay ganoon mo rin ako kadaling nilisan. Ipinahayag mo sa akin noong nakaraan ang iyong pagsinta. Patawarin mo ako kung hindi kita nasagot agad. Patawarin mo ako dahil hindi ko nasabi na ikaw ay akin ring sinisinta, matagal na. Patawad dahil natakot ako. Sa iyo ko unang naramdaman ang ganito. Ikaw ang unang lalaking nagustuhan ko. Ikaw ang unang minahal ko, Elias. 

Hindi mo alam kung gaano ang galak na aking nabatid ng marinig ko mula sa iyong labi ang mga katagang nagsasabing ako'y iyong iniibig  habang hawak-hawak mo ang aking dalawang kamay at ipinupukol mo ako sa iyong mga titig. Napakasaya ko Elias dahil ang taong aking iniirog ay minamahal ako ng pabalik. Ngunit kalakip ng saya ay kaba at takot ang aking nadama. Ang lahat ay parang isang napagandang panaginip. Ikaw ay isang napakagandang panaginip. Natakot ako na baka biglang maglaho ang lahat at mawala ka. At hindi nga ako nagkamali, makalipas lamang ang ilang araw ay umalis ka ng walang pasabi. Hindi ko alam kung saan ka nagpunta. Hinintay kong bumalik ka ngunit ni anino mo ay hindi ko na nakita pang muli. 

Kung sinabi ko ba sa iyong mahal din kita, mananatili ka ba sa aking piling Elias? May magbabago ba kung aking naiparating sa iyo ang aking damdamin bago ka nagdesisyong lumisan? Tanging ikaw na lamang ang makakasagot ng aking mga tanong. At hindi ko alam kung malalaman ko pa ba ang mga sagot mo, mahal ko. 

Sa araw na ito ay aalis na kami sa nayong ito at lilipat sa ibang probinsya kung saan naninirahan ang iba pa naming kamag-anak. Hindi ko na marahil kailangan pang banggitin kung saan. Kung nakaukit nga talaga sa kapalaran ang muli nating pagtatagpo ay hihintayin ko ng matiwasay. 

Iiwan ko ang sulat na ito rito at sa oras na mabasa mo ito, sana ay malaman mong ikaw ang unang lalaking inibig ko at habambuhay na mananatili ka sa aking puso, mahal kong Elias.


Nagmamahal,

Salome

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 28, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mahal Kong Elias, Nagmamahal SalomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon