DUGO O TUBIG?

133 7 1
                                    

Matulin. Masyadong mabilis ang pagtakbo ni Nora. Para siyang hinahabol ng kung anong bagay at hindi niya iyon matukoy. Basang-basa ang buo niyang katawan dahil sa pawis. Hindi magkamayaw ang kanyang dalwang paa na tila nag-uunahang humakbang at kung maaari lang sana ay lumipad na sa ere upang tuluyan na siyang tantannan ng kung sino o ano ang humahabol sa kanya. Hindi niya mawari kung ano iyon sapagkat hindi niya ito maaninag o kung totoo ang kanyang hinala. Dahil na rin sa tulin niyang tumakbo ay hindi na niya halos magawang tumingin sa likod. Ni ang pagkurap ng kanyang mga mata ay determinado upang hindi siya madapa at tuluyan ng masunggaban ng humahabol sa kanya.

Madilim ang gabi. Bilog ang buwan ngunit natatakpan ng mga matataas na puno ang sinag nito at mistulang pangyayari sa isang pelikula ang tagpong iyon. Natatakot siya-- sobrang natatakot. Kanina pa siya takbo ng takbo ngunit hindi siya nito linulubayan. Panay ang dalangin niya sa Diyos upang tulungan siya. Sa totoo lang, hindi lang ang kanyang mga paa ang nag-uunahan sa pagtakbo, maging ang mga ideya sa kanyang utak ay nag-uunahan din sa pagbuo. Nanginginig na rin ang kanyang mga tuhod at halos kinukulang na siya ng hangin. Kasabay ng pagpasok ng hangin sa kanyang baga ay ang takot na bumabalot sa buo niyang pagkatao. At ang takot na ‘yon ang tila nagdadala sa kanya sa ibang dimensyon ng buhay, kaluluwa at ispirito...

***

“Anak ko...” panay ang iyak ni Aling Basilia sa tabi ng kabaong ng kanyang babaeng anak na si Nora. Nasa tabi nito ang kanyang panganay at bunsong anak na panay ang haplos sa kanyang balikat upang ipahiwatig ang kanilang pagdaramdam at lubos na kalungkutan dahil sa hindi inaasahang pagkawalay nila sa kanilang kapatid.

Samantala, sa labas ng bahay nina Aling Basilia ay ang pulutong ng mga taong isa-isang nagbibigay ng kuru-kuro. Ang iba sa kanila’y pawang mga tagapakinig lamang sa mga halos magdebateng mga ka-barangay. Mayroon silang sariling pananaw kung bakit namatay si Nora. Isa sa mga kasali sa umpukan ang nagsabing may nasaktan sigurong nuno si Nora.

“Nuno ba kamo Mang Delpin? Haha! Matagal ng hindi pinaniniwalaan ng mga tao ang tungkol sa mga iyan. At imposible namang may nuno rito sa atin e halos magkakadikit na an gating mga bahay.” sabi ni Inong na siyang pinakabata sa lahat ng nakisali sa umpukan.

Agad itong sinagot ni Mang Delpin. “Walang masama sa paniniwalang iyon, Inong. Sa katunayan, nitong nakaraang lingo ay may namatay daw sa kabilang baryo dahil daw sa nuno.” pagpapaliwanag nito. Huminto siya sandali ngunit agad din itong nagsalita. “Pero kung tutuusin, tama ka. Paanong magkakaroon ng nuno rito?”

“Alam ninyo,” sabad ni Mang Tasyo. “baka sabihin ninyong nahihibang ako pero sa tingin ko ay hindi ang mga nuno ang may kagagawan nito.”

“E ano po sa tingin ninyo, Mang Tasyo?” tanong ni Inong.

“Sa pakiramdam ko ay gawa ito ng isang makapangyarihang itim na mahika.”

“Itim na mahika? Mayroon bang ganyan?”

“Mayroon pa ring itim na mahika rito sa atin. Abah, naisasalin-salin iyan sa bawat henerasyon. Maaring may nagalit kay Nora. Di ba?”

“Magagalit? Wala naman po siguro. Alam ni’yo ba na hindi lumalabas ng bahay si Nora kung hindi importante ang kanyang gagawin sa labas. At sa pagkakaalam ko, wala nga ring nanliligaw sa kanya e. Paano laging nagkukulong sa bahay. Napakabait po niyang dalaga.”

“Basta, alam ko, pakiramdam ko ay itim na mahika ang sumira kay Nora.” pagwawakas ni Mang Tasyo sa usapan.

***

                        Matapos ang libing sa ika-siyam na araw mula noong mamatay si Nora ay mabilis na kumalat ang balitang mayroon na naman daw namatay na dalaga sa kanilang baryo at hindi na naman daw matukoy ang kadahilanan. Lubos ang pagtataka sa mga isipan ng mga tao kung bakit palagi na lang may ganoong pangyayari sa kanilang lugar maging sa kalapit na baryo nito.

DUGO O TUBIG?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon