Kusang nagmulat ang aking mga mata sa isang panibagong umaga. Bagong umaga, ngunit wala namang anumang pagbabago sa aking nararamdaman. Pakiramdam ko'y dala ko pa rin sa aking balikat ang bigat ng mundo. Na hindi naman dapat ako ang nagdadala, dahil hindi naman ako ang dahilan ng kung ano mang bigat na aking nararamdaman ngayon. Kung minsan nga'y aking nahihiling na wag na lamang magising. Kaysa paulit-ulit na maalala at maramdaman ang galit ng mundo sa akin. Minsan nga'y hindi ko na mapigilang isumbat sa Diyos ang lahat ng nangyayari. Hindi totoong mahal Niya ang lahat, dahil kung ganoon nga, hindi Niya ako hahayaang malugmok ng ganito. Sa araw-araw na ginawa Niya, makikita mo ang mga masasaya at kuntentong nilalang, ang mga mapapalad na kilala at mahal Niya. Marahil ay hindi ako kabilang sa mga iyon.
Tumayo na ako mula sa pagkakahiga. Bagong araw nga eh. Ako'y napa-buntong hininga. Umpisa nanaman ng aking gawain. Ang paulit-ulit kong gawain. Mag-aral. Kumain. Matulog. At kalimutan ang anumang problema. Itago ang anumang kalungkutang kinikimkim. Marami ang hindi nakakaalam sa kung ano ang tunay kong kalagayan. Para sa kanila, isa akong malakas at masayahing nilalang, pero hindi. Iyon nga ang problema eh, sa isang pangyayaring naranasan ko sa aking buhay, lahat na ata halos ng aspeto ng aking pagkatao ay naapektuhan. Ni wala na nga ata akong maituturing na kaibigan, dahil na rin siguro sa kawalan ko ng tiwala sa mga tao o sa mga pangakong hindi naman napapanindigan, kahit pa sabihing sa harap ito ng Diyos binitiwan at sinambit. Wala namang saysay di ba? Minsan ay mabuti pa ang mag-isa. Pero aaminin ko, hindi ko rin mapigilang mainggit sa mga taong napapasaya at nakukuntento kahit na sa maliliit na bagay na kanilang natatamo. Maliliit na bagay na tangi kong hinahangad. Hindi na ako humihiling pa ng kahit ano, iyon lang. Iyon pa pala ang hindi pwede. Iyon pala ang papangarapin ko habang buhay.
Matapos ang kung ilang minuto ay naghanda na ako sa pag-alis patungong eskuwelahan. Naabutan ko si itay na nakaupo sa sofa at nagbabasa ng dyaryo, gaya ng dati ay may mainit na kape na nakahain sa may lamesita. Ito ang gawain niya bago pumasok sa opisina. Gaya ng dati ay tahimik ang buong bahay sa aking pag-alis at maging sa aking pagbalik. Natural na ang ganitong senaryo. Wala rin naman akong kapatid na maaring makausap o maaaring mag-ingay. Aaminin ko, mas malungkot.
"'tay, alis na ho ako." Paalam ko.
Binaba niya ang dyaryong hawak at saka ako tiningnan bago muling binaling ang atensyon sa binabasa. "O siya. Mag-ingat ka." Ang kaswal niyang sinabi.
Nagtuloy-tuloy na akong lumabas. Medyo mataas na ang sikat ng araw kahit may kung alas-6 pa lang sa aking relo. Sa aking paglabas ay nasumpungan ko ang school bus ni Tin-Tin, isang batang nasa walo na ang edad at may kadaldalan. Napansin niya akong nakatunghay sa kanyang kinaroroonan at agad niya akong kinawayan at nginitian.
"Hello." Matinis niyang bati. "Ang ganda ng umaga no?"
Sinuklian ko lang siya ng isang matipid na ngiti bago nagpatuloy sa paglalakad. Sa labasan pa kasi ang sakayan ng tricycle kung kaya't kailangan ko pang lakarin. Abalang-abala na ang mga tao sa magkabilang panig ng kalsada. Mayroong mga batang papasok na rin sa eskuwela at meron din namang mga naka-polo at may mga naka-skirt na paniguradong mga nagtatrabaho na sa opisina. Ang mga bata'y nakuha pang maglaro at magbiruan kahit na alam nilang maaari na silang mahuli sa klase samantalang ang mga mag-oopisina ay halos hindi magkamayaw sa paglalakad. Ako'y napa-buntong hininga, buti pa ang mga bata, walang pinoproblema. Hindi talaga Siya patas. Maya-maya pa'y may dumaan ng tricycle sa aking harapan, agad akong sumakay at nagpahatid sa aking paaralan. Ito ang madalas na simula ng aking araw. Pangkaraniwan at walang kabuluhan. May tao kayang masisiyahan sa ganitong buhay? Ako'y napakibit balikat na lamang.
Ang kabuuan ng araw ay nangyari naman gaya ng inaasahan. Wala ring kabuluhan at hindi kaaya-ayang pakinggan kung sakali mang ikukuwento. Makakatulog lang ang taga-pakinig. Sa aking muling pagbaybay sa daan pauwi ay napansin ko ang isang mag-anak na nakakumpol at bumibili ng mumurahing ice cream. Mapapansin mo sa kanilang pananamit na medyo salat sila sa pamumuhay pero hindi iyon mababakas sa kanilang mga mukha. Bawat isa ay mayroong mga ngiti sa kanilang mga labi. Ngiting mababakas din sa kanilang mga mata kahit pa sabihing nagsasalo lamang sa mumurahing ice cream ang mga ito. Ito sana ang nais ko; ang simpleng kaligayahan. Mahirap ba iyon? Nakakatuwang pagmasdan ang nagkakasiyahang mag-anak. Iba talaga pag buo ang pundasyon ng isang pamilya. Pag bawat isa'y napapanindigan ang pangakong sa hirap man o sa ginhawa, magkasama pa rin. Masaya ngang pagmasdan, nakakainggit naman kung iisipin. Sana ako rin. Sana kami rin: buo.
BINABASA MO ANG
Bagong Araw
Short StoryWrote this back in college as a requirement for my play-writing subject where each member of the class are to write in a piece of paper their deepest secrets, concerns and troubles then depositing it to a large box to draw upon; allowing someone els...