Third sex. Pero mas nanaisin nilang tawaging bakla, tomboy at bisexual. Bakit? E wala naman kasi dapat tayong ranking pagdating sa kasarian at pagkatao. Pantay-pantay tayo, hindi ba? Ibig bang sabihin, kung ituturing natin silang third sex, sino ang first at second sex sa babae at lalaki? Tila mahaba-habang usapan pa ‘yan. Basta, tawagin na lamang natin silang ibang kasarian.
“Salot sa lipunan.”
“Ugat ng kahalayan.”
“Masamang halimbawa sa kabataan.”
“Walang-kwentang anak.”
“Kahihiyan sa angkan.”
Iyan ang ilan sa mga komento o masasabi na rin nating masasakit na panghuhusga sa kanilang pagkatao ng lipunang itinuring nilang bahagi na ng pagkatao nila. Bakit ganun? Sila, tanggap nila na may mga addict,rapist, drug lord, pusher, magnanakaw, kidnapper, tsismosa, at kung ano-ano pang masasama sa lipunan. Pero bakit sila hindi kayang tanggapin? Isa lang naman ang hinihiling nila. Iyon bang malaya silang makakagalaw sa mundo ng walang bahid ng panghuhusga hangga’t hindi sila nakikilala ng lubusan. Madali lang naman ‘di ba? Pero bakit ang hirap para sa atin ang tanggapin kung ano sila talaga?
Bakla. Ipinanganak na lalaki ngunit di naglaon ay nagkaroon ng damdamin ng isang babae. Nagmamahal at humahanga ng isang lalaki, gaya ng babae. Binibigay ang lahat para sa taong mahal, gaya ng babae. Niloloko at pinapaasa sa pag-ibig, gaya ng babae. Nasasaktan kapag nabibigo, gaya ng babae.
Pero mali nga ba talaga kapag ang bakla na ang nagmamahal? Hindi ba’t mas mali iyong babaeng hinahayaang lokohin ng kasintahan niya ang baklang kasintahan din nito at pineperahan nito para lang may ipang-date sa kanya?
Minsan kapag may nakikita tayong bakla at babaeng nag-aaway sa lansangan, isa lang ang mas nangingibabaw sa utak ng mga saksi. “Kawawa ang babae.”
Nasasabi na natin iyon samantalang wala pa tayong katibayan na ang bakla nga ang masama sa kwento kaya sila humantong sa ganoon.
Tomboy. Isinilang na babae ngunit nagkaroon ng pagnanasang maging isang lalaki. Natutong makipaglaro kasama ng mga lalaki. Natutong magmahal ng isang babae, gaya ng isang lalaki.
Minsan mas mabuti nga daw magmahal ng tomboy kaysa lalaki, ayon na rin sa aking ilang kaibigan. Bakit? Simple lang naman. Kasi mas naiintindihan ng mga ito ang pangangailangan ng babae dahil na rin sa aminin man nila o hindi, may parte pa rin ng pagkatao nila ang nagsasabi kung paano maging babae. At doon nila hinuhugot ang damdamin ng babae sa isang sitwasyon kaya’t nakukuha din nila kung ano ang makakapagpasaya dito.
Pero kapag nakakita tayo ng isang pareha ng magkasintahang parehong babae, nandidiri tayo, hindi ba? Madalas ang sinasabi pa natin, “Grabe, sayang ang ganda pa naman nung babae. Bakit sa tomboy lang siya pumatol?”
Bakit? Dahil ba sa hindi lang siya lalaki at wala siya nung ipinagmamalaki ng lalaki e kalabisan ng magkaroon siya ng kasintahan at maganda pa? Hindi ba dapat mas humanga pa nga tayo dahil sa ginanda ng babaeng kasama niya, wala man lang itong nakitang matinong lalaking magmamahal sa kanya di gaya ng tomboy na minamaliit natin?
Bisexual. Sila ang mas nahihirapang tanggapin ng lipunan. Nagkakagusto kasi sila sa parehong babae at lalaki. Sila ang mas pinandidirihan dahil doble-kara kung bansagan sila. Pero hindi ba natin naisip na nahihirapan din silang tanggapin at unawain minsan ang sarili nila?
Bakla, tomboy at bisexual. Lahat sila may malaking naiambag sa lipunan natin, sa iba’t ibang larangan. At hindi lang basta-bastang ambag, kundi malalaking parangal pa dahilan para matulungan din nila tayong ipakilala sa buong mundo kung gaano kahuhusay ang mga Pilipino.
Ang hirap mang aminin pero marami pa rin ang makikitid ang utak sa ating lipunan. Nagagawang pakisamahan ng maayos at irespeto ang isang tiwaling buwaya sa munisipyo pero ang mga bakla at tomboy e halos hindi nila magawang makausap ng kahit maikling sandali man lang ng walang panlalait sa isipan.
Minsan may mga pagbabagong hindi na natin dapat pang hingan ng eksplenasyon kung bakit dapat natin itong intindihin. Minsan sapat ng tanggapin na lang natin ito kahit wala kang maunawaang magandang dahilan. At minsan sapat ng batayan ang salitang respeto para tanggapin natin ang isa’t isa. Sana ang pagtanggap natin sa kanila ay kagaya ng pagtanggap natin na may mga taong sadyang mabubuti at masasama sa mundong ginagalawan natin.
Ang pagtanggap sa kanila ay sapat na para malaman nilang malaya din silang tao at lahat tayo ay pantay-pantay. Sa mata ng batas, sa mata ng lipunan at sa mata ng Diyos.