Kabanata 28 My Precious

11 1 0
                                    

Ika-13 ng Disyembre ng taong, 2009,  isa sa pinakamahalagang araw ng buhay ko pero hindi ko ito makitang rason upang magdiwang. Dapit-hapon na nga ay hindi pa rin ako natitinag sa pagsakay sa aking lumang duyan. Mas gugustuhin ko pang magmukmok sa tabing ito kaysa mag-celebrate ng aking kaarawan na wala miski anino ni Kuya Errol. Ang sabi ng mga kasamahan niya ay nasa part time job daw ito. Kaya naman pagkatapos ng klase ko kay Mrs. Morfe ay dito na ako namalagi. Kami na lang dalawa ni Kuya Errol ang magkasama tapos sa importanteng araw na ito ay wala pa siya.

Sana hindi na lang nauso ang selebrasyon ng birthday. Bakit nga ba kailangan pa itong bigyan ng kahulugan lalo't kalahati na rin ng buhay ko ang nawala? Dagdag pa rito, muntik na rin akong mabura sa mundong ito nang walang kahirap-hirap. Ano pa bang dapat kong rason? Dahil binuhay pa rin ako na dapat sana'y pareho na kaming nasa libingan ni Papa? Siguro... Iyon nga siguro ang dahilan ng nasa itaas.

Idinuyan ko ang aking sarili gamit ang mga maliliit kong paa na lumalapat sa lupa. Sa bawat pag-ugoy ko ng lumang duyang ito, ramdam ko ang malamig na hangin ng Disyembre. May dulot ding simpleng kasiyahan sa akin ang pagpatak ng mga dahong mula sa mga sangang gumagalaw sa bawat ugoy ko ng duyan. Natitipon na rin sa aking mukha ang ilang hibla ng mahaba kong buhok ngunit walang kaso ito sa akin. Gusto ko lang magpatianod sa kung anong nagaganap ngayon. Ang sarap sa pakiramdam na animo'y lumilipad ako sa ere. Walang paglagyan ang kaligayahan nito sa akin lalo na't hindi na limitado ang mga kilos ko sa tagpong ito. I just can't hide my childish giggles this time. Happiness is my home.

"Bakit ka nag-iisa Lala?"
Tumigil ako sa pagduyan dahil pinigilan ni Rigor ito. Mas lumapad ang ngiti niya nang nakatitig lang ako sa kanya at natameme na naman sa presensya niya. Bigla ko na lang naalala na sobra akong nalibang sa pagsakay sa see-saw kasama siya noong nakaraan. Siguro siya rin ang nakatakdang tao na makakasama ko ngayon sa aking kaarawan.

"Birthday mo di ba? Tapos narito ka lang at nag-iisa? Bakit hindi ka magsabi kay Allister na bilhan ka muna ng cake nang sa gayon ay makapag-celebrate na tayo?"

"Dito na lang ako..."

"Sige na! 'Wag ka ng mag-inarte pa tutal birthday mo naman at 'yon ang nararapat na gawin ngayon!"

Umiwas ako ng tingin at yumuko. Nakakasilaw ang kanyang ngiti na hindi ko kayang pantayan.
"Iwan mo na lang ako dito, kung pwede lang?"

"Tara na! Ang dami mo pang arte eh!"
Marahas niya akong hinigit dahilan kung bakit nakalas ang kapit ko sa magkabilang lubid ng duyan.

"Rigor! Ano ba?!"
Wala akong nagawa sa tahasan niyang paghigit sa akin. Tumatakbo kaming magkahawak kamay at paalis na sa likod bahay.

"Dapat maging masaya ka! Ngiti lang dapat!"
Aniya habang umiikot na kami sa kaliwang sulok ng likuran ng aming tahanan.

"Tama naman ako di ba?"
Maliwanag na maliwanag ang kanyang mukha. Di alintana ang kapaligirang unti-unti ng kinakain ng dilim. Ang sarap titigan ng kanyang mga matang nagniningning na sana ay matularan ko rin.

"Oo, tama ka..."
Tumigil kami sa pagtakbo dahil sa aking paghinto. Nakakataba ng puso ang effort niya gayong hindi ko naman siya kaanu-ano.

"Oh ano pa't tumigil pa tayo dito?"

"W-Wala lang... ah-eh... Salamat, Rigor."
Nahihiya akong tumitig sa kanyang mga mata. Magkagayunman, nagawa ko pa siyang yakapin nang napakahigpit. Gusto kong maiyak sa tuwa.

"Ano ba 'yan? Drama agad ay wala pa naman akong regalo sa'yo?"

Hindi ko rin mawari sa aking sarili kung bakit ganito ang inaasal ko kapag kaharap ko si Rigor. Hindi lang naman siya ang gumawa ng paraan para sa kaarawan ko pero naaantig ang puso ko sa mga ganoong bagay. Ramdam ko ang pagkukusa sa mga kilos niya at walang bahid na napipilitan lang siya. Gusto niyang i-celebrate ang birthday ko hindi dahil ipinag-utos ito ng aking kapatid kundi iyon ang sariling kagustuhan niya.

Get a GripTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon