Sino ka, nasaan tayo?
Tila umiikot ang mundo
Na tayo lang ang nandirito
Lumapit ka, ibulong mo
Mga sikretong iyong tinatago
Ikaw lang, ako lang
Sa saliw ng hangin at sa ihip ng buhay
Tayo'y sumayaw at makibagay.
Sino ka, ba't ka nandirito?
Bakit mukha mo'y tatak sa puso?
Lumapit ka't yakapin ako
Dama ko ang init ng damdaming bigo
Dinig mo ba ang ritmo
Ng dalawang pusong sumasamo?
Tayo na't hilumin natin
Mga puso nating nagdurugo.
Nasaan ka, paano tayo?
Bakit mga yabag mo'y tila papalayo?
Saan ka nga ba ulit tutungo?
Bahid na ng luha ang pag ibig
Na kahapon lamang ay tila bago.
Mga halik na kay lamig
At ang iyong tinig na dinig ko na sa malayo.
Halika't sumayaw tayo
Sa saliw ng pag-ibig at pagsamo
Aking mga kamay ay hawakan mo
Sasabay tayo sa pag-ikot ng mundo
Damdamin ma'y tuluyang maglaho
Tatak ang ngiti mo sa isipan ko.
Halika't sumayaw tayo
Sa saliw ng dusa't luhang tutulo
Hagkan mo ako
Sa kabila ng mga bigong pangako.