Chapter 1 - Potion 101

740 96 245
                                    

Faye Anne's POV - Present day

I shall have what I want... tonight!

Hindi masungit si Camille. Siya pa nga ang isa sa mga regulars na sumusuporta sa mga SPED students na katulad ko pero talagang ayaw ko lang sa kanya. Sabihin na nating masama ang ugali ko. Gagawin kong miserable ang buhay ni Anna Camille Racsag. After tonight, hindi na siya titingnan ng crush kong si Adam.

I laughed my evil laugh. At least, I tried... Pero hindi ko narinig ang boses ko.

Sinipat ko ang sarili ko. Mapagkakamalan akong lalaki. Nakaitim akong hooded na jacket at medyo maluwang na pantalon.

Tiningnan ko ang oras sa cellphone ko. 6 pm na. Malapit nang mag-umpisa ang pageant para sa mga muse. Si Camille ang pinakamaganda sa eskwelahan namin. Siya na ang inaasahang mananalo ng lahat. 'Yun ang akala nila...

Mayamaya pa ay dumating na ang partner ko - si Em-Em. Sa bakuran ng San Luis Academy kami nagkita ni Em-Em. Sa madilim na bahagi. Pawis na pawis si Em-Em. Tumakas lang sa kanila. As always, gusgusin pa rin ito sa suot na lumang pantalon at oversized na T-shirt. Mukhang hindi pa rin naghahapunan.

Heto ang sandwich na tira ko, I tried to tell her with my sign language. Pero katulad ng karamihan sa mga ignoranteng tao sa mundo, (no offense!), hindi rin marunong ng deaf-mute language si Em-Em...

Pipi nga pala ako kaya kasama ako sa SPED, Special Education School. Karaniwang bingi rin ang isang pipi. Pero selective raw ang mutism ko. Ewan!

Nakaririnig ako kahit hindi ako nakapagsasalita. Nalalabuan pa rin ako sa kapansanan ko. Pero feeling ko, may sumumpa sa akin.

Na-realize ko na pwedeng mangyari 'yun kasi kaya ko ring gumawa ng sumpa!

Kinain ni Em-Em ang tira kong tinapay nang gutom na gutom. Ibinigay ko na rin ang tira kong softdrink.

Kapitbahay ko si Em-Em. Ten years old. Fourteen ako. Mas matanda ako nang apat na taon sa kanya. Pero malaking bulas si Em-Em. I stand five feet. Konti lang ang itinaas ko kay Em-Em. Medyo mahilig kasing kumain si Em-Em.

So, okay medyo chubby siya!

Mahaba ang itim at sabukot na buhok ni Em-Em. Taliwas sa medyo singkit na mga mata ko, mabibilog ang mga mata niya. Tipong alerto at marami laging tanong.

Mary Magdalene ang buong pangalan ni Em-Em. Isinunod sa pangalan ng isang santa. Pero para sa akin, galit lang ang lola ni Em-Em na isinilang siya sa mundo kaya binigyan siya ng ga'nung pangalan. Ayon sa Bible, si Magdalene ay babaeng mababa ang lipad.

Anak kasi sa pagkadalaga si Em-Em. Pinalaki ng relihiyosang lola ang nanay ni Em-Em pero nadisgrasya ito. Ang masama, nang namatay sa panganganak sa kanya ang ina, siya ang sinisi ng lola niya. May sa demonyo raw si Em-Em. Akalain bang makapag-isip ng ga'nun ang lola niya?

Minamaltrato si Em-Em ng lola Minerva nito. Pinapag-aral naman, binibihisan at pinakakain. Pero, ibinilang sa mga katulong. Kung may sasama siguro sa ugali ko, ay si Lola Minerva na 'yun!

"Faye, huwag mo na sigurong gawin," sabi Em-Em sa akin.

Napataas-kilay ako. Muli kong ikinumpas ang mga kamay. Matapos mong ubusin ang pagkain ko?!

Hindi nakuha ni Em-Em ang sign language ko. Pero na-gets niya ang matigas kong pagtanggi nang sumimangot ako.

"Basta ililibre mo ako sa loob ng isang linggo ha? Deal na 'yun."

Mamihan ang negosyo ni Tita Olga - guardian ko. Mami ang ipinangako ko kay Em-Em.

Nag-thumbs up ako matapos ko uli siyang taasan ng kilay. At kinuha na namin ang ginawa kong potion sa aking backpack.

Nasa maliit na garapa iyon - pinong pulbos, kulay berde. Gagawin nitong pangit si Camille forever!

Weird talaga. Naisip ko lang ang mga ingredient ng potion. Alam ko ang tamang sukat at ang tamang pag-pe-prepare. Nahirapan lang akong hanapin ang mga sangkap. Pero alam ko kung saan dapat hanapin ang ito. Alam ko rin ang mga tamang salita na sasabihin para gumana ang spell. Ang problema hindi ako makakapagsalita.

Si Em-em ang gagawa 'nun para sa akin.

Walang silbi ang potion kung wala ang salita ng magic!

Hawak ang garapa, inilabas ko na rin ang mga maskara namin ni Em-Em. Mga gomang maskara iyon na pang-Halloween.

"Nakakatakot naman ang mga 'yan. Mga mukhang witch na maskara?"

Binili ko pa ang mga 'yan, huwag kang maarte! Kumurba na pasigaw ang bibig ko. Natural na walang boses ang lumabas.

Hindi na nakapagreklamo pa si Em-Em nang isaklob ko na ang maskara sa ulo nito.

Pumasok na kami ni Em-Em ng eskwelahan. Walang katau-tao sa pasilyo. Nasa conference room na ang lahat nang gabing iyon. Six thirty na. Seven ng gabi magsisimula ang beauty pageant.

Napagplanuhan na namin ni Em-Em ang gagawin. Pupuntahan namin si Camille sa waiting room ng mga contestants, suot ang mga maskara namin. Then, isasaboy ko kay Camille ang laman ng garapa. Kasabay noon, isisigaw ni Em-Em ang mga kakaibang salitang ipinasaulo ko sa kanya.

Nasubukan na namin ni Em-Em ang potion sa isang makinis at batang puno ng saging sa San Luis Park. Naging effective iyon, sa loob lamang ng limang segundo, nangulubot ang puno. Ga'nun ang mangyayari kay Camille!

Ginulat namin ang mga contestants as planned. Natakot kasi sa mga maskara namin. Naibato ko na rin ang garapa ng potion sa sumisigaw na si Camille. Sobrang ganda nito sa kulay pink na gown. Parang prinsesa...

Hinintay kong isigaw ni Em-Em ang inkantasyon. Para itong naging yelo. Parang natakot din sa mga tumitiling estudyante. Then, nagsalita ito... pautal-utal, muffled sa ilalim ng maskara nito. It was all wrong...

Nakita ko kung papaanong mabilis na nag-evaporate sa kawalan ang mga particles ng potion. Senyales iyon na palyado ang mahika.

Muli akong kumuha ng potion sa bag. May isa pa akong ekstra. Sinenyasan ko si Em-Em na uulitin namin.

"TOBULUGNAM RA OYAK!" muling sigaw ni Em-Em. Mas klaro sa ilalim ng maskara nito.

Noon dumulas sa aking kamay ang garapa ng potion. Nabasag ito sa aking paanan at sumabog sa akin ang berdeng pulbos.

Tsss... Nabuhusan ako ng aking potion!

Natigilan si Em-Em. Nahawakan pa ang parte ng maskara kung saan nakaposisyon ang bibig nito. Sure ako! Nakanganga si Em-Em sa likod ng maskara nito. Alam na kasi nito ang mangyayari sa akin.

Tumakbo na kami ni Em-Em palabas ng kuwarto. Nagsimula ng gumapang sa aking katawan ang matinding kirot na epekto ng mahika...

_____________

sweet_phoenix35 092015

Si Miss No SpeakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon