Betty was a fourth year civil engineering student. Sa susunod na taon ay magtatapos na siya at kailangan na makapag-practicum siya ngayong summer. Lahat ng mga kaklase niya ay meron ng nahanap. Siya na lamang ang wala pa. Buti na lang may isang kakilala na nagrekominda sa kanya sa isang kumpanya na nagde-develop ng isang dating sakahan na lupain para maging industrial area. Nagtatayo ito ng mga warehouse na ibebenta sa mga pribadong kumpanya.
Unang araw niya sa training ay medyo nakaramdam siya ng pagkailang. Palibhasa, siya lamang ang nag-iisang babae sa field.
'Kaya mo yan, Betty. Mababait naman silang lahat. Nakatingin lang sila sa akin, hehe! Biruin mo may kasama na silang babae sa gitna ng bukid. Sabi nga, nag-iisang bulaklak sa gitna ng mga talahib,' sa isip ni Betty.Ang supervisor niya ay si Engr. Leo Fabian. Kapatid ito nung contractor at dalawang unit na warehouse ang hawak nilang proyekto. Hindi naman mahirap ang trabaho sa field dahil observing lang ang madalas na gawin at horizontal building lang ang project. Ang kalaban lang doon ay ang init ng araw. Nakabilad sila sa arawan dahil sa gitna nga ng bukid ang lokasyon. Wala ni isang puno na masisilungan. Ang bukod tanging may lilim ay ang barracks ng mga trabahador doon na mula pa sa malayong lugar. At ang bodega ng mga construction materials. Ang bodega ay kadugtong ng barracks. Ito na rin ang pinaka-opisina sa site.
Mapagbiro si Engr. Fabian. Makwento. Sa pisikal na aspeto, hindi mo masasabing gwapo at hindi rin pangit. Sabi nga, ayos lang. Matangkad at katamtaman lang ang laki ng katawan. Dahil sa klase ng trabaho ay maitim ang kulay ng balat nito. Nasa kwarenta na ang edad ngunit wala pa ring asawa.
Kapag bakanteng oras ay nakakakwentuhan niya ang kanyang supervisor. Nasa barracks sila noon nang nakwento nito 'yung panahon na nag-aaral pa ito. Maloko daw ang supervisor noong nag-aaral pa ito. Mahilig sumama sa mga gulo. Buti na lang daw mabait ang kuya nito. At tinulungan itong magtino. Nagka-girlfriend na raw ito noon kaya lang hindi sila nagkatuluyan dahil nag-abroad 'yung babae. Nagkita nga raw sila kailan lang at gustong makipagbalikan ng ex-gf nito. Ngunit ayaw na raw ng supervisor.
"O, bakit ayaw mo, engineer, eh, ayan na. Siya na ang lumalapit?!" nagtataka niyang tanong dito. "Hindi mo na ba siya mahal?"
"Ayoko na sa kanya. Kasi kulubot na ang balat niya," sagot nito sa kanya.
Natawa siya sa sinabi nito habang pinagmamasdan ang lalaki. Tinitingnan niya kung totoo ba ang sinabi o nagbibiro lang. Tumatawa rin kasi ito. 'Kung makapintas naman si engineer, kala mo hindi pa kulubot ang balat niya,' naisip niya. Sa maikling panahon na nakasama niya ang supervisor sa trabaho ay naging close sila. Para na silang magkabarkada na magkaedad lang.
"Alam mo Betty, matchmaker ako!" sabi ni Engr. Fabian. "Lahat ng mga naging trainee ko, nakapag-aasawa. Ako ang nagpakilala sa mga iyon sa isa't isa. Tulad nung huli kong nahawakan na trainee dun sa main office. Napangasawa niya yung isang empleyado namin sa office namin," kwento nito.
"Ha? Sa tingin ko engineer. Hindi tatalab ngayon ang pagiging matchmaker mo," bara niya sa lalaki. Naisip niyang siya ang plano nitong isunod na i-match sa kung sino. Hindi niya gusto ang ganoon.
Natawa ang lalaki. "Tingnan natin!" malokong tumingin ito sa kanya. "Gusto mo pustahan tayo," hamon nito sa kanya.
'Aba, mukhang hinahamon ako ng mokong,' sa isip ko. "Sige. Kapag ako ang nanalo ite-treat mo ako, ha!" birong kagat niya sa hamon nito.
" 'Yun lang pala, eh! Kapag ako naman ang nanalo," tumingin ito sa bubong ng barracks na walang kisame at hinawak ang isang kamay sa baba na tila nag-isip pa ito ng premyo. Biglang nagliwanag ang mukha nito. "Gagawin mo akong bestman sa kasal ninyo!" maluwang ang ngiting pahayag nito.
"Ha? Kasal, agad-agad?" malakas na bulalas niya. Nabigla siya sa kundisyon nito. Para kasing hindi fair 'yung pustahan.
"Wala nang atrasan. Naka-oo ka na," paalala nito.