♫ “Di mo alam dahil sayo ako’y di makakain. Di rin makatulog buhat ng iyong lokohin…” ♫
“Tatay ko po!! Ang ingay naman!!!” sigaw ni Gelo habang tinataktapan ng unan ang mukha.
“Yan, magtakip ka nalang ng unan. Minsan lang magbeerday si kumpadreng Mando. Pagbigyan mo na anak.” Sagot ni Mang Leo.
“Ingay talaga! Sintonado pa!”
“Anak! Tulog na. Wag na manglait pa! Pumikit kana kasi.”
“Tay”
“ Nak?”
“Ba’t butas po ang kumot natin?”
“Para libre aircon. Lusot agad ang hangin.”
“Tay, mahal ba ang aircon?”
“Gelo! tulog na!”
Habang nagpupumilit pumikit ang anak, tinititigan ni Leo ang mga mata ni Gelo at yumakap ito ng mahigpit sa kanya. Kay bilis ng panahon, ang sanggol na noo’y bitbit niya lang sa kanyang mga brasong magaspang ay ngayo’y isang makulit at matalinong bata na hindi nauubusan ng tanong. Sabado naman bukas pero maagang pinatulog ni Leo ang anak upang makabawi naman ito ng lakas dahil kakatapos lang ng Periodical Test ng mga Grade 3 kaninang hapon. Kampante at nakangiting abot-tenga ang sinalubong ni Gelo sa kanya mula sa Gate ng paaralan, humihiyaw dahil sigurado raw siya na tama ang lahat ng sagot niya sa pagsusulit.
“Tay! Lahat ng tinuro mo sakin ay lumabas po sa exam! Yung fractions at yung mga adverbs! Tama lahat ng tinuro mo sakin tay! Apir!!”
Nahawa na rin siya sa abot-tengang ngiti ng anak kaya habang angkas niya ito sa bike ay nakangiti rin siya dahil sa kasipagan ng anak sa pag-aaral, sana nga lang ay madala niya ito hanggang sa paglaki. Mula kinder hanggang Grade 2 ay Top1 at Best in Math ito kaya kinagigiliwan siya ng kanyang mga guro at maging mga magulang ng kanyang mga kaklase. Marami siyang napapansin sa paligid kaya marami siyang tanong at parang matanda na kung mag-isip. Kagaya noong nakaraang linggo ay nakapanayam niya ang Ina ng kaklase niyang si Isidra.
“Hello po tita Grace! Wala pa po si Tatay, pwede po ba ako magtanong?”
“Oo naman Gelo. Ano ba yang tanong mo? Baka pang-Ms. Universe naman yan at hindi ako makasagot.”
“Ok lang po yun, maganda ka naman po, sayo nagmana si Ising. Tita, Bakit po Yellow ang Kulay ng Pedestrian Lane?”
“Baka dahil sa matingkad ito sa dilim at makikita ng mga tao.”
“Galing! Eee, Tita Grace bakit po baliktad yung AMBULANCE sa mga sasakyan sa Ospital?”
“Para pagtinignan ng mamang drayber sa side-mirror niya mababasa niya na may ambulansya sa likod niya at dapat niya itong padaanin.”
“Ang galing! Tita, Bakit kayo po ang naghahatid-sundo kay Ising? Nasaan po ang tatay niya?”
“May trabaho kasi ang papa ni Ising kaya ako ang naghahatid-sundo at tungkulin ko yun na alagaan si Ising kasi ako ang mama niya. Ikaw nak, nasaan ang mama mo? Bakit ang Papa mo ang naghahatid-sundo sayo?”
“Samin po baliktad, Si Tatay po ang nag-aalaga sakin pero nagtratrabaho rin po siya. Si Nanay, sabi ni Tatay ay nagtratrabaho raw po sa barko. Tatlong taon pa lang po ako ng sinimulang magtrabaho si Nanay kaya sabi ni Tatay mag-aral daw po ako ng mabuti para tumigil na sa pagtratrabaho si Nanay at umuwi na siya.”
Kinaumagahan ay maagang gumising si Gelo at binulabog na niya si Mang Leo. Sinipa niya ang Karton na nagsisilbong pintuan ng barong-barong nila sa ilalim ng isang tulay sa Maynila. May kalamigan ang simoy ng hangin ng Enero at sa tansya ni Gelo ay alas-kwatro pasado palang. Dumukot ang bata ng barya mula sa luma at gusot na pantalon ng Ama. Nakita niya na may nakaipit na benteng papel sa Helmet ng Ama na ginagamit nito araw-araw sa Construction Site. Sa kinse pesos ay nakabili siya ng pandesal at isang pakete ng Milo kung saan ay hati na silang mag-ama, may tubig pa naman sa thermos at pwede ng pagtyagaan. Linagay niya ang pandesal sa lapag at inayos ang mga susuotin ng kanyang tatay pagpasok sa trabaho. Nakita niyang lumabas ang kanyang tatay dala ang mga timba upang mag-igib sa pinakamalapit na poso. Sabado at linggo lang ang mga araw na makakabawi siya sa amang nag-aruga sa kanya sa mahabang panahon ng pagkawala ng kanyang Ina.