Eroplanong Papel (Short Story)

1.2K 37 15
                                    

"Calling the attention of Mr. Ronald de Castro of flight 5J693, please proceed to gate 4."

Hindi ko na tiningnan ang oras. Nang marinig ko ang aking pangalan ay dali-dali akong tumungo sa check-in counter ng airport na iyon upang ipacheck-in ang dala kong malaking maleta. Matapos ng ilang aberya ay muli akong tinawag ng announcer upang tumungo na sa eroplano na aking sasakyan pabalik ng Maynila.

"May 10 minutes pa po kayo sir," paalala sa akin ng babae na nagcheck-in ng aking mga bagahe.

"Ah salamat," sagot ko naman.

Dali-dali akong tumakbo sa escalator upang umakyat, ako na nga lang talaga ang hinihintay ng eroplanong iyon. Kahit nakakahiya ay nginitian ko na lamang ang dalawang flight attendant na naghihintay sa akin. Animo'y isang espesyal na bisita ang turing nila habang ako ay dinadala sa aking upuan. Inis naman ang mababakas sa mukha ng bawat pasahero ng eroplanong iyon. Hindi ko na lamang sila pinansin, ninamnam ko na lamang ang malungkot na sandali ng aking paglisan sa napakagandang lugar na iyon.

'Welcome to Davao.' Naaaninag ko pa ang mga letrang iyon sa labas ng airport. Sa pagkakataong iyon ay hindi na ako sinasalubong ng lugar na ito. Ako ay mamamaalam na, ngunit hanggang sa pagkakataong ito ay hindi ko pa rin alam kung kailangan ko nga bang mamaalam sa lugar na nagbigay sa akin ng parehong pakiramdam ng kasiyahan at kalungkutan. Napangiti na lamang ako habang sinusulyapan ang mga letra na iyon na unti-unting lumalabo at nawawala sa aking paningin. Pumikit na lamang ako at sinubukang iwaksi ang lahat, ngunit habang ginagawa ko iyon ay lalong bumabalik ang masaya ngunit mapait na alaala na aking iniwan.

"Wala kang iniwan, wala kang iniwan dahil nandito lang ako palagi."

Hinawakan niya ang aking dibdib. Lumuluha siya nang mga panahong iyon na ako ay lilisan na matapos ang ilang araw. Hinawakan ko lamang ang kanyang kamay at hinalikan iyon. Matapos noon ay hinawakan ko din ang kanyang malambot na pisngi. Gusto ko man siyang halikan ay hindi ko na ginawa. Binitawan ko ang kanyang kamay at ang kanyang malambot na pisngi at saka tumalikod. May pait sa aking dibdib na hindi maialis sa pagkakataong iyon. Pilit ko na lamang iyong nilulunok upang mawala ngunit muli itong lulutang sa tuwing maaalala ko ang masasaya naming karanasan. Piping saksi ang liwanag ng buwan nang mga panahon na iyon habang kami ay naglalakad sa dalampasigan. Hindi ko na siya nilingon pa. Alam kong mas masasaktan lang siya kapag muli akong lumingon sa kanyang kinatatayuan. Isa lamang akong dayuhan, isang dayuhan sa lugar na ito na umibig at sinubukang nakawin ang yaman na nakatago dito.

"Sir seatbelt po natin," saway ng isang flight attendant.

"Ay sorry."

Ipinulupot ko sa aking baywang ang seatbelt na nakakabit sa aking upuan. Sa labis na pag-iisip ay halos makalimutan ko na paangat na pala ang eroplanong iyon. Napakapit na lamang ako sa aking hita nang maramdaman ko ang paghatak ng aking katawan na para bang ako'y nahuhulog. Matapos ng ilang sandali ay tila naging kalmado na ang lahat. Saka ko lamang naalala ang mga panahon na kausap ko pa ang aking kaibigan bago ako umalis patungo sa napakagandang lugar na ito.

Tahimik kaming umiinom ng kape noon sa isang café. Bumagsak na ang lahat ng lungkot sa kanyang mukha habang siya ay aking pinagmamasdan. Alam niya ang problema na bitbit ko nang mga panahong iyon.

"Bakit nga ba tayo lumalayo kung masaya naman tayo?" tanong niya.

"Masaya nga ba? O pinipilit na lang na maging masaya para sa iba?" sagot ko sabay higop ng kape.

"Kaya ka ba pupunta ng Davao?" hindi iyon isang tanong kundi isang sagot. Ganyan kami mag-usap ng kaibigan ko. Ang mga sagot ay nasa katanungan na mismo. Bakit nga ba nagtatanong ang bawat tao kung alam naman nila ang sagot? Bakit nga ba kailangan kong iwan ang kung ano man ang mayroon ako sa Maynila?

Eroplanong Papel (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon