@yagami_ryuzaki's POV
Bisita
Itago mo nalang ako sa pangalang 'Mae'. Nasa dalawa hanggang tatlong buwang pagbubuntis pa ako noon. Sa mga panahon ding iyon ay di pa ako iniwan ng nobyo ko o sabihin nating nililinlang palang niya ako noon na pananagutan niya ang magiging anak namin.
Noong hindi pa umuuwi ng Mindanao ang nobyo ko na itatago ko nalang sa pangalan na 'Reynan', madalas niya akong dalawin tuwing gabi kasi abala siya sa kanyang trabaho sa umaga. Habang hinihintay ko ang pagbisita niya sa akin, tumatambay ako sa balkonahe ng bahay ng lola ko. Sa bahay ng lola ko kasi ako natutulog gabi-gabi mula nung mamatay si lolo. Mula sa balkonahe ay matatanaw ang gate at kalsada. Bale open kasi ang balkonahe nina lola. Sa tapat naman ng gate ay may poste ng ilaw. Ibig sabihin, kitang-kita mo kung may dadaan o papasok sa gate.
Nung unang mga gabi, wala naman akong mga nakikitang kakaiba. Sabi nila, masama daw sa buntis ang manatili sa labas kapag gabi kasi maaakit ko daw ang mga ibang nilalang. Mabango daw kasi sa pang-amoy ng mga nilalang na iyon ang amoy ng isang di pa naisisilang na sanggol. Syempre, di ako naniwala dahil kahit kailan ay di ako naka experience na makakita ng mga kakaibang nilalang.
Isang gabi, tulad ng dati, hinintay ko ang pagbisita ng aking nobyo. Para di ako mainip, parati kong tinitext si Reynan kung kelan siya dadating.
"Mayamaya pa. Busy pa ako eh." Reply niya.
Ilang sandali pa ay may nakakuha ng atensyon ko at dumako ang mga mata ko sa harap ng gate. Bukas pa ang gate noon kasi maaga pa naman at doon ko nakita ang hindi ko inaasahang bisita.
Sa may gilid ng gate, may nakita akong bulto ng tao. Di ko nakita ang mukha niya dahil madilim sa bandang kinatatayuan niya pero nakakasiguro ako na lalake iyon. Nakatayo lang siya sa may gate na tila ba nakatingin sa direksyon ko. Di ko naman ininda ang pamamalagi niya doon kasi sa isip ko, baka napadaan lang o may hinihintay.
Pero hindi. Ilang gabi rin naulit ang pagpapakita niya sa may gate. Laging sa bandang madilim ito nakatayo at ganun parin, parang nakatingin ito sa akin. Kahit nakakaramdam na ako ng kaba at kilabot dahil na rin sa buntis ako ay pilit ko pa ring binalewala ang itim na bulto. At ang mas malala? Wala akong pinagsasabihan kasi baka walang maniwala. Natigil din naman ang pagpapakita ng bulto.
Akala ko tumigil na. Hanggang sa isang gabi, muling nagpakita ang itim na bulto. This time, gumalaw na ito mula sa kinatatayuan niya! Nangilabot ako pero kahit natatakot, pasikreto kong sinundan ang paglakad ng bulto papasok ng gate nina lola. Bago siya tuluyang makadaan ay may lalagpasan pa siyang mga halamang may kataasan. Hinintay ko na makalagpas siya sa mga halaman pero nanlaki nalang ang mata ko nang walang dumaan!
Mula noon ay hindi na ako tumatambay sa balkonahe ni lola. At kung tumatambay man ako, sinisigurado ko na may kasama ako. Hindi ko na din nakita pa ang itim na bulto ng lalake pero palaisipan pa rin sa akin kung ano iyong nakita ko. Sa tingin niyo, guni guni ko lang ba yun o isa talaga iyong masamang nilalang na naakit sa amoy ng dinadala ko?
_END_
BINABASA MO ANG
Nginig! (Compilation Of Horror Stories) KILABOT part 3! [ON GOING]
HorrorIhanda na ang sariling matakot at kilabutan dahil dito sa pangatlong yugto ng Nginig, sisiguraduhin kong manlalamig ka. Sisiguraduhin kong pagpapawisan ka. At sisiguraduhin kong pagkatapos mong basahin ito... MANINIWALA KA NANG TOTOO SILA!