"Temats" (Dagli)

61 0 0
                                    

"Temats"

Alas-siyete ng gabi. Ngayon pa lang ako babangon sa aking higaan para harapin ang araw na ito, at katulad ng mga nagdaang araw, wala nanamang pakinabang sakin ang mundo. Lalabas ako ng bahay, maglalakad lakad at maghahanap ng maha-hassle sa kalye. Nanginginig na naman ako, hindi dahil sa gutom. Putsa! Kailangan ko ng 'temats'. Yung 'yellowish'. Yung panalo ang pagkakatarya. Kaya lang, may utang pa ako kay Estong, hindi ako bibigyan ng gagong tulak na 'yon. Baka nga patayin pa ko kapag nakita ako 'non.

Nagsisindi ako ng yosi nang may lumapit sa aking lalaki. "Tol. Tara batak tayo". Sabi sakin ni tarantado e ngayon ko lang nakita sa lugar namin 'to. Lamang lang ng konting linis at kaputian ang lalaki sa isang taong grasa. Mahaba ang buhok at malago ang balbas na namumuo na, at tila hindi nabasa ng tubig sa loob ng ilang buwan, o isang taon. Madumi, mabaho, at mukhang mamamatay na bukas. "Teka. Sino ka ba?"

Nakatitig lang sakin si baho. Nakangisi. Nang bigla kong napansin yung magkabila niyang tattoo sa mga braso. "Amelia" sa kaliwa, at disenyong "Taurus" sa kanan. "Bakit pareho tayo? huwag mong sabihin Taurus ka din at Amelia pangalan ng nanay mo."

– Tangina tol. Ambilis mo namang makalimot. Hindi mo ba kilala ang ngiting 'to? Sabagay, ang adik droga agad ang naaalala sa tuwing gigising sila. Pero sa loob lamang ng ilang buwan o isang taon, nakakalimutan na nila ang lahat-lahat. Ultimo mga sarili nila.

Biglang balikwas ko sa higaan. Panaginip lang pala. Ngayon ang huling araw ko dito sa rehab. At ipinapangako ko sa sarili ko, paglabas ko ng pagamutang ito, mapapakinabangan na 'ko ng mundo...

-Juan Bautista

http://juanbautistastories.com/

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 07, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

TematsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon