Handog

41 3 5
                                    

Written: September 13, 2015


~~


"Maganda iyang ibigay sa kaibigan mo iho. Magugustuhan niya iyan," saad ni Aling Gengeng sabay abot nang isang pagkaganda-gandang kwintas. "Hindi ba ay kaarawan na niya bukas? A e 'di ano pang hinihintay mo! Bagay na bagay sa kaniya iyan. Siguradong magkakagusto na din 'yun sa'yo"

"Aling Geng naman!" Pulang-pula ang buong mukha ng kinse años na si Dominic habang sinisipat ang palamuting nagniningning sa kaniyang mga palad.

"Maganda nga ito," bulong niya sa kaniyang sarili. "Sakto ito sa mala gatas niyang kulay, mapupungay na mga mata, at mahabang buhok."

At isang pagkatamis-tamis na ngiti ang kaniyang naipamalas bago ibigay sa ale ang bayad at agad na lumisan para maka-uwi.

Isang maaliwalas na hapon ang bumungad sa mukha ng lalaki pagkalabas sa silong ng maliit na tianggeng nabuo sa gitna ng kanilang plaza. Mainit at malagkit ang singaw ng lupa't hangin na siyang naghatid sa kaniyang mga paa sa tapat ng isang batang lalaking nagtitinda ng mga palamig at ice candy.

"Bata, pabili nga isa." Sabi niya sabay kapa sa kaniyang bulsa upang kumuha ng maibabayad sa tindero. Lingid sa kaalaman niya ay naroroon pala si Martha sa kaniyang likuran at pabirong kiniliti ang binata na dahilan upang mapatuwid ang kaniyang pagkakatayo.

"Martha! Papatayin mo ata ako sa gulat." Tinawanan lamang siya ng magandang dllag at agad na hinablot ang ice candy sa bata bago tumakbo palayo. "Salamat dito Nic!"

"Aba't!" iniabot niya ang bayad at agad na hinabol si Martha. Para silang mga bata na naghahabulan sa gitna ng plaza. Tuwang-tuwa at naghahagikhikan silang nagpaikot-ikot sa mga pasikot-sikot ng tiangge.

Hingal na naupo ang dalawa sa isang mahabang upuan matapos ang nakakapagod nilang laro. "Martha, may utang ka sa akin! Kinuha mo 'yung ice candy ko."

"Sus. Ice candy lang, nginangawaan mo pa? Ano ka bata?" sabay tawa ng dalawa. Matagal-tagal din silang nag-usap tungkol sa kung anu-anong bagay. Mapa-eskwela, tsimis, showbiz at kung anu-ano pa. Nag-usap sila na tila wala ng bukas.

Ngunit biglang lumamlam ang mukha ni Martha na siyang ikinabahala ni Dominic.

"O, anong nangyari sa'yo? Para kang namatayan d'yan."

"Nic, masakit ba kapag nawalan ka ng isang mahal sa buhay?" malungkot ang mga mata ni Martha.

Nagtataka man, sinagot pa rin ni Dominic ang katanungan ng dalaga. "Oo. Siyempre naman. Bakit, may nangyari ba?"

"Wala." Pinunasan ng babae ang mga luha sa kaniyang mata 'tsaka yumuko. "Tanong ko sa'yo Nic, takot ka bang mamatay?"

"Martha! 'Wag ka ngang magsalita ng ganiyan. Nag-aalala tuloy ako."

"Sige, babaguhin ko ang tanong. Natatakot ka ba sa kamatayan?" nakayuko pa rin ang babae habang hindi mapakali ang mga kamay nito na pinaglalaruan ang singsing na ibinigay sa kaniya ni Dominic noong nakaraang pasko na tanda ng pagiging magkaibigan nila ng binata.

Napaisip saglit ang lalaki at sumandal sa upuan. Tumingala at huminga ng malalim bago sumagot muli sa tanong ni Martha. "Ewan ko. Pakiramdam ko'y, oo. Pero kapag iniisip ko, parang hindi."

"Sabi kasi sa akin ng lola ko, natural lamang sa tao ang makaramdam ng takot. Bahagi na daw iyon ng pagiging tao natin at mahalagang parte din iyon ng buhay. Walang mali sa pagkakaroon ng takot. Ngunit nagiging mali lang ito sa pagkakataong nilamon ka na ng takot. Sa puntong nagpasakop ka sa takot." Pagpapatuloy niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 13, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Paper Cuts:Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon