NAMASUKAN ako bilang katulong kay Doktora Precy, isang matandang doktora na naninirahan sa isang barangay na sakop ng San Rafael. Bagaman luma na, malaki ang bahay para sa tatatlong tao na naninirahan doon. Stay in ako sa kanilang bahay at ako ang nakatokang magluto ng pagkain, maglaba ng damit, at maglinis ng bahay. Ang isang kasama namin sa bahay ay si Hilda, ang pamangking matandang dalaga ni Doktora Precy.
Noong una, ang alam ko ay retirado na sa pagpa-practice ng kanyang propesyon si Doktora Precy bilang isang obstetrician-gynecologist dahil seventy-five years old na siya. Hindi pa pala. May mga pasyente akong nakikita na naghahanap sa kanya na ini-entertain namin sa isang silid na nakikita kong palaging nakakandado. Nagsisilbing assistant niya rito si Hilda.
Isang araw, nagpaalam si Hilda kay Doktora Precy na uuwi muna siya sa Bacolod at dadalaw sa mga kaanak niya roon. Pinayagan naman siya ni Doktora subalit pagkalipas ng dalawang linggo ay hindi pa siya nagbabalik. Kaya ako ang pansamantalang inatasan ni Doktora na tumanggap ng mga pasyenteng nagpupunta sa kanya. Dahil doon, nagawa kong marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito, tulad ng lalaki at babaeng naging bisita niya isang umaga.“Itutuloy pa ba natin ang balak mo? Natatakot ako, Dennis,” dinig kong sabi ng babae sa kasama niyang lalaki.
“Hindi pa ako handa. Patitigilin ako sa pag-aaral ng mga parents ko kapag nalaman nila ang tungkol diyan.”
May kasamang dalagita ang dalawa. Madalas ko siyang nakikita na nagpupunta roon na may kasamang mga pasyente na sa wari ko ay siya ring guide at nagtururo sa bahay ni Doktora. Nang lumabas si Doktora ay pinaalis na ako. Agad naman akong tumalima para magtungo kunwari sa kusina pero ang totoo, nagkubli lang ako sa gilid ng pinto at nakinig sa kanilang pag-uusap.
“Magkano ho ba?” dinig kong tanong ng lalaki kay Doktora.
“Kung tatlong buwan na, bale nuwebe mil.”
“Ang mahal ho pala.”
“Tatlong libo kasi ang singil ko kada buwan ng ipinagbubuntis ng babae. Nagbibigay pa ako ng porsiyento sa ahente.”
Nasilip ko na nagbayad ang lalaki kay Doktora bago pinapasok ang dalawa sa silid. Pagkalipas ng mahaba-haba ring oras, lumabas ang babae na kasama ang lalaki. Kasunod ng mga ito si Doktora. Parang wala namang nangyari sa babae.
Noong naroon pa si Hilda, siya ang nakikita kong naglilinis at nagbibitbit ng mga basura na gating sa loob ng silid na pinapasok ng mga pasyente. Itinatapon niya iyon sa isang lumang balon sa likod ng bahay. Kapag nagagawi ako roon, ni hindi ko malapitan ang balon dahil pinaninindigan ako ng balahibo kahit hindi naman ako nag-iisip ng maaari kong katakutan sa lugar na iyon. Kakatwa at iba ang pakiramdam ko sa paligid niyon na may mga nakatanim na malalaking puno. Pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa kapag gumagawi ako roon. Tila may mga matang nagmamasid sa akin at pinanonood ako. Maski nga galaw ng mga dahon sa sanga ng mga puno ay nakakatakot dahil gumagawa iyon ng pag-ingit kapag nahihipan ng hangin. Nakakarinig din ako ng parang sutsot sa akin kapag ako ay paalis na gayong wala namang tao sa paligid.
Nang gabing iyon, bigla akong nagising sa aking naulinigang ingay na tila tinatangay ng hangin mula sa bintana. Mga matitinis at maliliit na tinig ang mga iyon na naghahagikgikan. Parang mga bata iyon na naglalaro at nagkakatuwaan.