Chapter 5 -Muling Pagkikita (Part 1)

41 5 0
                                    

Mag-uumaga na nang mga sandaling yaon. Pinagmasdan lamang nila Mang Roberto at Tina si Justin, habang unti-unti nitong lumingon sa kanila. Nakapikit pa rin ang mga mata ni Justin. Marahil ay dahil na rin sa tagal nito sa pagkakaidlip, at dahil na rin sa sobrang liwanag sa loob ng kwarto, na dala na rin ng mga ilaw na nakabukas.

"T.... tay...." ani Justin na animo'y paos na nagsalita.

Napakapit si Mang Roberto sa kaniyang anak-anakan. Maluha-luha niya itong kinumusta. "Anak... ako ito... Nandito na ako.... "

Hindi makapagsalita ng maayos si Justin sapagkat tuyot ang kaniyang lalamunan. Kaya naman humiling siya ng maiinom. "T... tubig..." aniya.

"Tubig?" Nanginginig na pagkakasabi ni Tina, na para bang hindi makapaniwalang gising na ang kaibigan. "S... sandali, Kukuha lang ako. Tatawagin ko lang rin ang nurse." Nanginginig niyang sinabi. Agad siyang lumabas at kumuha ng isang baso ng tubig.

"Yung medyo maligamgam yung kunin mo, iha!" Pakiusap ni Mang Roberto kay Tina habang ang huli ay papalabas. Muli niyang itinuon ang kaniyang atensiyon sa kaniyang anak-anakan. "Anak, ayos ka na ba, ha?"

Tumungo lamang ng dahan-dahan si Justin. Habang si Mang Roberto ay napahigpit ang hawak sa kamay niya. Hindi na niya napigilang maluha. "Mabuti na lang at gising ka na! Hindi ako halos makatulog sa kakaantay sa iyo sa bahay dahil wala ka pa. Alam mo bang aatakihin na ako sa puso nang malaman ko na nandito ka? Natakot talaga ako kasi akala ko hindi ka na magigising! Hay, Diyos ko! Salamat at nagising ka na, anak!"

Habang hindi matapos ang pagsasalita ni Mang Roberto, ay pumasok naman si Tina. Kasama rin niya ang nurse na may dalang baso at isang pitsel ng tubig na nasa tray.

"Tay, eto na po!" Inabot ni Tina kay Mang Roberto ang tray. Nilapag naman ito sa mesa. Tinulungan naman ng nurse si Justin na bumangon at maupo nang maayos sa kama. "Sandali lang po, tatawagin ko lang po ang doktor" Ang sabi ng nurse. Agad siyang umalis.

Unti-unting minulat ni Justin ang kaniyang mga mata. Malabo ang kaniyang nakikita. Ito ay sapagkat maliwanag ang buong kwarto, at hindi niya suot ang kaniyang salamin. Subalit sigurado siya na naaaninag niya ang kaniyang itay at si Tina.

Nilagyan ni Mang Roberto ang baso ng tubig. Inabot niya ito kay Justin. Subalit nahirapan siyang hawakang mabuti ang baso sapagkat may swero pang nakadikit sa kaniyang braso. Kaya naman inalalayan siya ng kaniyang tatay na uminom. Nang matapos niyang lagukin ang laman ng baso ay muli itong nilapag ni Mang Roberto sa mesa.

"O.... kumusta? Mas maginhawa ka na ba?" Tanong niya sa kaniyang anak.

Hindi umimik si Justin. May katagalan ang gayong katahimikan niya. Napapatingin na lang sina Tina at Mang Roberto sa isa't isa sapagkat hindi nila batid ang nasa isip ni Justin. Maya-maya pa ay tumulo ang mga luha sa mata ni Justin.

Nagtaka si Mang Roberto "A... anak.... bakit, may masakit ba sa iyo? Ayos ka lang ba? B - Bumalik ka na sa pagkakahiga, anak..."

Nagsalita si Justin. "P.... patawad po."

"B... bakit? Ano'ng nangyari? Bakit ka humihingi ng tawad? Hindi mo kasalanang nasaksak ka...."

Saka ipinagtapat ni Justin ang nangyari. "Tinanggal po ako sa trabaho..."

Hindi nakapagsalita si Mang Roberto sa sinabi ni Justin, sapagkat hindi nito maintihan kung ano ang nangyari sa kaniya. Maya maya pa ay napatingin niya kay Tina.

"Mang Roberto, magpapaliwanag po ako." ani Tina.

Nagsalitang muli si Justin, habang pinupunasan ang mga luhang tumutulo sa kaniyang mga mata. "H.... hindi ko po... nasabi sa inyo na... tinanggal nila ako.... Balak ko po sanang sabihin kaso... baka magalit po kayo sa mga katrabaho ko doon... Kaya po.... hindi ko na po pinaalam sa inyo. Naghanap po ako ng trabaho. T... tapos po, humingin rin po ako ng tulong kay Tina. Saka po... nakiusap po ako sa kaniya na... wag nang sabihin sa inyo. Hindi ko po kayang humarap sa inyo kasi alam ko na magiging pabigat ako sa inyo. Tapos, nangyari pa po ito. Kaya... kung pagagalitan niyo ako, sana po.... wag niyo na pong idamay si Tina..."

Nakatingin lamang sina tina at ang amain sa kaniya.

"Patawad po...."

Hindi alam ni Justin kung ano ang kaniyang gagawin nang mga panahong iyon. Hindi siya makatingin ng diretso sa kaniyang ama. Inakala niya na magagalit ito sapagkat siya ay naglihim. Subalit hindi niya inasahan ang sumunod na pangyayari.

Niyakap siya ng kaniyang amain.

"Ayos lang..." Aniya. "Hindi na mahalaga sa akin kung naglihim ka sa akin. Ang mahalaga, gising ka na..."

Bigla na lamang bumuhos ang emosyon ni Justin nang mga sandaling iyon. Nagpatuloy si Mang Roberto. "Mawalan ka man ng trabaho, kahit kailan, hindi ko inisip na pabigat ka.... Anak."

Habang yakap ni Mang Roberto si Justin, si Tina ay maluha-luhang pinagmamasadan ang dalawa. Unti-unting sumikat ang araw. Kasabay ng sariwa at malamig na hanging dumaloy sa bukas na bintana, ang sikat ng araw ay tumama sa loob ng kwarto, na siyang lalo pang nagbigay liwanag dito.

********************************************************

Abangan sa Part Two : Malalaman na ni Naomi ang pangalan ng taong nagligtas sa kaniya. Abangan yan!



Crazy True Love (thedrift1988)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon