Pinagtagpo Ngunit Hindi Itinadhana (Ang Simula at Ang Wakas)

479 7 9
                                    


Pinagtagpo Ngunit Hindi Itinadhana

Written by: dadoock





Marami tayong mga ala-ala mula sa ating pagkabata. Madalas Masaya ngunit nandiyan din 'yung mga away-awayan. At hindi rin mawawala ang pagbitaw natin sa salitang "pangako". Isang salitang hindi dapat isantabi. 


Naalala ko tuloy ang aking mga kaibigan, sina Dave, Nika, Robbie, Kim, at ang itinuturing kong pinakamatalik kong kaibigan, si Babs. Oo, Babs nga, mataba kasi siya nung mga bata pa kami. At syempre, hindi 'yun magpapatalo sakin, kaya ang tawag niya naman sakin ay Yats, ang lalaking payat. Sa totoo lang, daig pa niya 'yung mga tunay kong kapatid. Pa'no ba naman, mas malapit pa siya sa akin. Hindi rin naman nakapagtataka dahil, malapit din ang mga pamilya namin sa isa't isa. Tila nga planado ang lahat, sabay kaming iniluwal dito sa mundo, sa ika-tatlumpo ng Setyembre. Matanda lang ako sa kanya ng tatlong oras. Sabay ding ginanap ang binyag naming dalawa, kaya ayun, ang mga pangalan namin, tila kambal na hindi mapaghihiwalay, ako si Christian, siya naman si Christina.



Bumalik tayo sa umpisa, kung saan nagsimula ang lahat, ang araw ng aming ika-pitong kaarawan. May usapan kaming magkakaibigan na magkikita-kita kami sa araw na 'yon. Natupad naman iyon, 'yun nga lang, nahuli ako sa kanila ng limang oras. Ayos lang naman sa mga kaibigan ko, maliban kay Babs, na animo'y tren na nag-iinusok sa galit. Ang hindi niya alam, may dahilan naman ako kung bakit ako nahuli. Nagpasama kasi ako sa ama ko para bumili ng regalo para kay Babs, isang malaking "Hello Kitty Stuffed toy", 'yun kasi ang paborito niya. Balak ko sana siyang sorpresahin pag-uwi namin mamaya. At dahil nga galit siya, hindi niya man lang ako kinakausap o binabati. 

Nagbiro tuloy itong si Dave, wika niya, "Ito talagang dalawang 'to! Sige nga, kaya niyo bang hindi magpansinan at mag-usap ng matagal?"

 At dahil nga mga musmos pa lang kami noon, dinadaan lang namin sa biruan ang lahat, kaya sumagot kami ni Babs ng, "Oo naman!" 

"Kahit hanggang maging tatlumpong taon na kayo?", tanong ni Dave. 

"Talagang-talaga!", may paninindigan naming winika.

 "Pangako?", muling tanong ni Dave. 

At sabay naming nabitiwan ang salitang, "Pangako." 




Sama-sama kaming tumakbo upang sana'y makauwi at makakain na sa bahay. Sinabi ko lang naman talaga 'yon para mas lalong masorpresa si Babs. Ngunit lahat pala kami ay masusurpresa dahil kay Dave. Habang tuwang-tuwa siyang nauuna sa amin at sumisigaw ng, "Hihintayin ko na lang kayo doon! Ang babagal niyo eh!" Hanggang sa kaniyang pagtawid sa daan, 'di alintana na may paparating na sasakyan. Nabigla kaming lima nang tumilapon ang aming kaibigan dulot ng pagbunggo sa kaniya ng sasakyan. Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo sa puntong iyon. Namalayan ko na lang na nakatitig kami ni Babs sa isa't isa. Iniisip ang mga salitang binitiwan. Ang pangakong dadalhin namin sa aming buhay.




Iyon nga ang araw na nawalan kami ng isang kaibigan. Bukod sa lungkot, takot ang namutawi sa aming damdamin. Kailangan nga ba naming panindigan ang aming pangako? O dapat naming itanong, kung kaya ba namin itong panindigan, at kung ano-ano ang maaaring idulot nito kung sakali mang hindi kami tumupad sa binitiwang pangako? Samakatuwid, ito din ang naging huling araw ng pag-uusap namin ni Babs. Naging kataka-taka man sa bawat pamilya namin ang aming mga ikinikilos, hindi rin naman naging mahirap ito, dahil ilang buwan lang ang lumipas, kinailangang lumisan ng pamilya ni Babs sa aming lugar. Wala kaming magawa, gustuhin man namin na pansinin at kausapin ang isa't isa, tila lagi na lamang may humahadlang.

Pinagtagpo Ngunit Hindi ItinadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon