#DiaryNiMrL
ENTRY # 14
Nagtataka ako ngayon DD...
May kakaiba ba siyang nakain? May sumapi ba sa kanyang mabait na espiritu at naging mabait na siya sa akin ngayon? Nag-iba kasi ang ihip ng hangin eh... May pagka-Rhodora X ba siya?
Simula ng malaman ko ang kagimbal-gimbal na dapat kong malaman tungkol sa pagkakaroon ng girlfriend ni Red, medyo naging malungkutin ako at parang laging wala sa sarili. (Lagi ka namang wala sa sarili. Hahahaha!), Laging nasa tabi ko na si Zeus.
Lagi na siyang sumasama sa akin sa kahit saan man ako magpunta. Pinababayaan ko na lamang siya na sumama sa akin dahil kahit papaano'y, nararamdaman ko pa rin na may kasama ako sa pinagdadaanan ko ngayon. Uy! Hindi ko siya ginagamit DD huh kaya huwag mong isipin iyon... Saka hindi ko naman siya pinilit na sumama-sama sa akin, kusa lang siyang lumapit sa akin at sumama kaya pinabayaan ko na lang. Kahit na nandyan sila Patrick at Dale, still, may sarili rin namang buhay ang mga iyon at hindi naman pwedeng huminto ang mga buhay nila dahil sa pagiging malungkot ko. Ok lang naman sa akin iyon dahil naiintindihan ko naman.
Nakakapagtaka lamang kasi dahil sobrang bait ni Zeus sa akin. 'Yung tipong lagi siyang nagbibiro para kahit papaano'y mapatawa niya ako. Siya rin iyong parang nag-aalaga sa akin dahil sa siya ang bumibili ng pagkain ko at pinipilit akong pakainin kahit na alam niyang wala akong gana kumain ng marami. Basta, napakabait niya ngayon at marami siyang ginagawang kakaiba para sa akin at hindi ako sanay na ganun siya.
Kaya hindi na niya tuloy ngayon ginagawa 'yung pagpapapansin sa lahat kasi nasa akin na ang buong atensyon niya. Ewan ko ba doon... Alam niya kaya na may crush ako kay Red at alam rin ba niya na nasasaktan ako ngayon dahil rito kaya ito... para siyang superhero na laging to the rescue para sa akin? Ewan... Hindi ko alam.
Sa lagi niyang pagsama-sama sa akin... Doon ay unti-unti ko siyang nakilala. Talagang inopen niya ang kwento ng buhay niya kahit na sa tingin niya ay hindi ako nakikinig sa kanya. Pero ang totoo huh, nakikinig ako. Tingin lang niya na hindi talaga ako nakikinig.
Nalaman ko na only child lang siya. Maykaya ang pamilya sa mother's side. Half Filipino, Half Korean pala siya. Korean ang kanyang ama na bigla na lamang silang iniwan ng kanyang ina nung siya'y 3 years old pa lamang habang ang kanyang ina ay pure Filipino. Bale, simula pagkabata nito, ang ina na ang siyang nag-alaga at tumaguyod sa kanya kasama ang Lola at Lolo niya na ina at ama ng kanyang ina. Wala na silang naging balita sa kanyang ama at wala na rin naman silang pakielam kung ano man ang meron sa buhay nito ngayon.
Lumaki si Zeus na masayahin, pilyo at palabirong tao. Lahat ng problema ay dinadaan na lamang sa biro dahil kung hindi niya iyon gagawin, magiging masalimuot ang buhay niya. Kailangan na maging masaya at chill lang ang buhay para sa kanya para maging masaya rin ang mga taong nakapaligid sa kanya. Sabihin man ng iba na parang itinatago lamang niya ang lungkot at problema sa pamamagitan ng pagiging masayahin at palabiro, ok lang... Iyon na rin siguro ang escape niya para kahit papaano'y makalimutan niya ang malulungkot na nangyari sa nakaraan.
Sa tingin ko ngayon kay Zeus, mabait naman siyang tao. Minsan nga lang bwisit talaga dahil hindi pa rin nawawala rito ang pagiging mapang-asar. Pero ok lang naman iyon... Ganun na siya eh. Hindi niya kailangan magbago para ma-please lang ang tao na pakisamahan siya. Kung ano siya talaga, iyon ang ipinapakita niya. Kaya eto, kahit papaano'y nasasanay na rin ako sa ugaling meron siya.
Hay DD! Sa totoo lang, nandyan man ngayon si Zeus na laging nasa tabi ko at pinapasaya ako, Hindi pa rin talaga ako lubusang nagiging masaya. Sa tuwing maaalala ko si Red, nalulungkot ako kasi naiisip ko pa rin ang katotohanang may nagmamay-ari ng iba sa kanya. Mas lalo pa akong nalulungkot dahil sa tuwing makikita ko siya sa garden kasama ang girlfriend nito, masakit. Kitang-kita kasi sa dalawang iyon ang tinatawag na tamis ng pag-ibig. Nakakapagtaka lamang kung bakit lagi eh sa garden yata sila nagtatagpo. Ah siguro, special sa kanila ang lugar na iyon. Kunsabagay, maganda naman kasi ang garden ng school, punong-puno ng halaman at bulaklak, may isang malaking puno ng mangga sa gitna na siyang nagsisilbing bubong ng buong garden. Ang ganda nga pagmasdan ng punong iyon kapag tatamaan ng sinag ng araw. Malamig at presko pa ang simoy ng hangin kaya maganda talaga na maging tagpuan ng magkakasintahan ang lugar na iyon. How I wish na sana, iyon rin ang maging tagpuan namin ni Red.
O siya! Tama na nga ang pag-iilusyon! Huwag ng umasa dahil wala naman talagang pag-asa.
-Law Adrian Mendoza
BINABASA MO ANG
DIARY NI MR. L [BOYXBOY DIARY FORMAT SERIES]
HumorTARA NA'T BASAHIN NATIN ANG NILALAMAN NG DIARY NI MR. L... "DIARY NI MR.L" BOYXBOY DIARY FORMAT SERIES DATE STARTED: SEPTEMBER 26,2015 (SATURDAY) DATE FINISHED: OCTOBER 24,2015 (SATURDAY) A FRANCIS ALFARO'S ORIGINAL SERIES ALL RIGHTS RESERVE, 2015 C...