Ang Huling Pagtanaw sa Araw

670 22 3
                                    

Disclaimer: Fictional. Batay ito sa imahinasyon ng awtor. Kung may hawig ang mga pangyayaring ito sa kasaysayan ay nagkakataon lamang (subalit ang parte ng liham ay may katotohanan).

***

"Ang Huling Pagtanaw sa Araw"

***

Dahan-dahang lumapit si Sor Clemencia sa isang nakahukot na anyo sa paanan ng hagdan ng kumbento. Walang imik ito, at ang mukha nito'y nakukubli ng mga tila nagsasayaw na anino.

Isa itong binata, isang dating kawal na naglingkod sa bayan sa karurukan ng digmaang Pilipino't Amerikano. Sa palagay ni Sor Clemencia, wala pang treinta anyos ang binata, walang asawa, walang anak. Wari ang laman ng puso't isipan nito ay ang kapakanan ng Filipinas.

Paalala ng Madre Superior na mag-ingat siya sa presensya ng binata. Sumailalim ito sa pamumuno ng nasawing Heneral Antonio Luna. Naging bihag ito ng Presidente Aguinaldo sa tanging dahilan na siya'y lumaban nang ito'y tinangkang puksain ng mga tauhan ni Kapitan Janolino.

Pilit na pinigil ni Sor Clemencia ang kanyang paggunita. Isa lang ang kanyang tungkulin kung bakit ipinadala siya ng Madre Superior sa harap ng lalaking ito.

May huling bilin ang Heneral Antonio Luna.

May haka-haka si Sor Clemencia na malamang hindi inaasahan ng Heneral na ang kanyang tapat na kapitan na si Eduardo Rusca ang magpapatupad sa bilin na ito.

Salungat sa kalooban ng mabuting madre ay naalala niya ang lahat ng kaganapan noong araw ng ika-lima ng Hunyo, mga ilang linggo na ang nakalipas.

Nandoon siya noong pinaslang ang Heneral.

Sa una'y abala siya sa kusina; katatapos lang mananghalian ang madla ng casa parroquial, nang nakarinig siya ng mga sigaw--isang umugong na putok ng riple, kasunod ang namamayaning galit na tinig ng Heneral. Lagi raw itong mainit ang ulo, laging ubos ang pasensya, at walang patid sa tahasang pag-iinsulto sa ilang mga taga-Kabite. Magaspang ang pananalita, marahas, mayabang...

Bahagyang namalas ang lahat na iyon ni Sor Clemencia. Habang nagsitaguan ang karamihan sa mga loobang sulok ng kumbento ay buong-tapang niyang inusisa ang mga pangyayari. Tila wala siya sa kanyang loob noong panahong iyon. Nagawa pa niyang dumungaw sa may patyo habang pinagbabaril at pinagtataga ang sinasabing walang pakundangang Heneral.

Naramdaman niya ang kanyang sakal na paghinga, ang paninikip ng kanyang dibdib, ngunit hindi nagawang bumaling si Sor Clemencia na palayo. Hindi siya nakaalis sa kanyang kinatatayuan. Duguan ang paligid. Nanlamig ang kanyang buong katawan. Hindi niya namalayan ang pagpatak ng luha sa kanyang mukha.

May napaslang, may pumaslang. Ganoong kapayak.

Kasama ng Heneral ang dalawa niyang tapat na alagad. Nasawi rin ang isa nitong Koronel--hindi na maalala ni Sor Clemencia ang pangalan nito. May isa pa itong kasamang kawal... ito'y lumaban, dinepensa ang sarili. Nagtamo ito ng pinsala: dagdag sa pagdaplis ng isang bala sa noo nito ay bigla lamang itong sinundan ng pagbabaril samantalang ito'y sumuko na't ginapusan. Nasugatan ito nang malubha. Nawalan ito ng malay.

Kay lalim ng poot ng mga tauhan ni Kapitan Janolino kay Heneral Luna at sa mga kasamahan nito.

Halos isang buwan na ang lumipas. Naghilom ang mga sugat ng dating Kapitan Eduardo Rusca. Tinanggalan ito ng ranggo. Isa na lamang itong hamak na mamamayan. Kung ito'y nanlukuksa ay hindi pa ito mabasa ni Sor Clemencia.

Ang Huling Pagtanaw Sa Araw (Heneral Luna fanfic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon