Muli ay nagising na naman siya na tila iba ang pakiramdam. Narinig niya ng tinawag siya ng kanyang ina at doon ay bumangon siya sa papag na kanyang hinihigaan. Kakaiba ang sayang nararamdaman niya matapos makalayo ang kanyang kaibigan. Isang kaibigan na kailanman ay hindi niya makakasama oras-oras. Masakit mang isipin pero iyon ang katotohanan, kailanman ay hanggang panaginip na lang ang kasiyahang kanyang nararamdaman.
Pababa pa lang siya ng kanilang hagdan ay rinig niya na ang sigawan ng dalawa niyang nakababatang kapatid na umaalingawngaw sa buong bahay nila na niluma na ng panahon. Pagod siyang naglakad pababa at tila nawala ng parang bula ang kasiyahang kanyang nararamdaman.
"Anak, ikaw ba yan? Paki-saway mo nga muna iyang mga kapatid mo," magalang na utos ng kanyang nanay sa kanya pagkarinig ng mga yapak niya. Sanay na siya at pagod na. Sa bawat araw na ginawa ng Diyos ay lagi na lang pasakit ang kanyang nararanasan sa kanyang pamilya.
"Eric, tigilan mo nga si Amber," may tono ng pagbabanta ang lumabas sa kanyang bibig. Inulit niya pa ang mga katagang iyon ng mas malakas dahil parang walang naririnig ang kanyang kapatid.
Nang nakalimang saway na siya ay hindi niya na napigilan pa ang sarili at marahas na hinablot ang braso ni Eric at kinuha ang laruang Barbie ng nakababatang kapatid. Nakatungtong ito sa sofa habang inaangat ang laruan para hindi maabot ng nakababatang kapatid na nasa tatlong taong gulang pa lang.
"Hanggang kailan ko ba sasabihin sayo na tigilan mo iyang pagloloko mo? Araw-araw na lang, Eric. Wala kang tinag," galit niyang sambit at mas lalo niya pang hinigpitan ang kapit sa braso ni Eric na nasa limang taon pa lang. Naging dahilan ito upang lumukot ang mukha nito at nagsimulang magngangawa. Ito na naman sila, lalabas ang kanilang nanay mula sa kusina at papagalitan siya.
"Kiko, ano ba? Bitawan mo nga iyang kapatid mo," sigaw ng kanilang ina sa kanya.
Bakas sa boses nito ang pagod na nararamdaman pero hindi nito pinahalata. Lumapit ito sa nakababatang kapatid. At saka binuhat upang patahanin.
"Walang kwenta," bulong ni Kiko sa kanyang sarili at saka pumuntang kusina upang kumain. Simula ng iwan sila ng kanilang tatay ay ganito na ang nangyari sa kanila. Sumama ito sa ibang babae para sa kayamanan. Hindi niya lubos maisip na ang lalaking dating hinahangaan niya noong bata pa lang siya ay isa pa lang artista na kapag may camera lang mabait.
Umupo siya sa kanilang hapag na may apat na silya, sakto para sa kanilang lahat. Tamad niyang tinignan ang almusal. Walang pinagbago! Lagi na lang tuyo at sinangag. Pero kahit anong reklamo niya ay hindi niya pa rin magawang hindi iyon kainin lalo na't siya na lang ang nakakaintindi sa kalagayan nila. Kailangan niyang kainin iyon dahil siguradong wala na naman siyang baon pambili ng miryenda sa kanilang paaralan.
---
Kasalukuyan siyang naglalakad papunta sa kanilang paaralan. Kahit malayo ang kanilang bahay mula rito ay wala siyang magawa kundi ang maglakad dahil kung magmatigas siya ay wala rin siyang mapapala. Sa gilid ng kanyang dinadaanan ay ang highway na papunta sa kanilang paaralan. Segu-segundo ay nakakatanaw siya ng mga sasakyang may sakay na estudyante at prenteng nakaupo at hindi dama ang paghihirap. Minsan niya ng hiniling ang bagay na iyon, isang hiling na alam niyang hindi matutupad.
"Kiko," masayang tawag ng kanyang kaibigang babae pagkarating niya sa gate ng kanilang paaralan. Nginitian niya ito at saka sumabay na sa pagpasok sa kanilang classroom. Pareho sila ng section at magkaibigan sila simula noong elementary pa lang. Maykaya ito sa buhay kaya hindi niya lubos akalain na magiging kaibigan niya ito. Lagi siya nitong nililibre at sinasagot ang mga gastos sa project. Gustuhin man nitong tulungan siya pagdating sa pang-araw-araw na gastusin ay ayaw niya dahil alam niyang sosobra na siya sa limitasyon ng pagiging magkaibigan nila.
"Daan muna tayo sa canteen, bibili lang akong pagkain," masiglang sambit ng dalaga habang nauunang maglakad dahil sa sobrang kasiyahan. Nang maramdaman niyang hindi nasunod ang kanyang kaibigan ay huminto ito at saka tinignan ang binata. Bakas sa mga mata nito ang kalungkutan na naging dahilan upang mag-iba ang mood ng dalaga. Heto na naman siya!
"Come on, Kiko. Magsaya ka naman," inis na may halong pag-aalala ang nararamdaman ng dalaga mula sa kanyang kaibigan. Nais niyang magsaya ang kaibigan kahit dito man lang sa kanilang paaralan. Nais niyang makalimutan muna nito sandali ang problemang kinahaharap ng binata.
"Hindi ka ba nag-almusal?" naguguluhang tanong ni Kiko sa dalaga. Naging dahilan iyon upang iiwas nito ang tingin sa kanya.
"Nawalan ako ng gana," iwas ang tingin ng dalaga habang sinasabi ang mga katagang iyon. Maski siya ay may problemang kinahaharap pero hangga't maaari ay kinakalimutan niyo iyon para mapasaya ang kanyang kaibigan.
"Andrea, may problema ka ba? Pwede mo akong sabihan," may pag-aalalang tanong ni Kiko at saka hinawakan ang balikat ng dalaga.
"No, wala akong problema," pilit ang ngiti ni Andrea habang tinatanggi ang lahat, "gusto lang kitang makasamang kumain, sure akong gutom ka matapos ang mahaba mong paglalakad."
"Busog pa ako, Andrea," nakangiting sambit ni Kiko sa kanyang kaibigan. Gusto man niyang sabihin na 'wag siyang kaawaan nito ay hindi niya magawa dahil nagmamalasakit lang naman ang dalaga.
"Sigurado ka ba diyan? May longsilog doon, yung paborito mo," paninigurado ng dalaga habang ang dalawang kilay ay paulit-ulit na nagtataas-baba.
"Busog pa talaga ako eh," tanggi ni Kiko sa alok ng dalaga na naging dahilan upang bumagsak ang mga balikat nito sa pagkadismaya.
"Sige, sabi mo eh," malungkot na sambit ni Andrea at saka nagsimula nang maglakad habang nakayuko. Umaasang magbabago ang isip ng kaibigan.
"Sige na nga," sigaw ni Kiko.
Napahinto ang dalaga at sumilay ang malapad na ngiti sa kanyang mga labi. Masigla niyang hinarap ang binata at saka masayang kinaladkad. Hindi niya mapigilang mapangisi dahil kahit kailan ay hindi siya kayang tanggihan ng kaibigan.
BINABASA MO ANG
D. R. E. A. M.
Fantasy“Sa mundo kung saan ang pamumuhay ay kasing saklap ng iyong inaasahan, gustuhin mo mang makalayo rito ay hindi mo magawa. Gustuhin mo mang permanenteng mawala ang paghihirap na iyon ay wala kang magawa. Dahil ang lahat ng kasiyahang iyong nararansan...