Ang Aking Paglisan
Ilang taon na rin ang nakalipas.
Pinayagan ako ng aking ama't ina na lumuwas ng Maynila at sumama kay Ate Elena upang doon maipagpatuloy ang aking pag-aaral. Isang bakasyunistang taga-Maynila ang nakilala at napangasawa ni Ate Elena, at nangako siyang tutulungan niya ako sa aking pag-aaral sa kolehiyo.
Nang una ay ayaw pumayag ng aking mga magulang dahil sa nag-iisa lamang ako at babae pa kung kaya at 'di nila nais na ako'y lumayo. Ngunit mabuti at naintindihan rin nila sa huli na ako ay isang taong nangangarap din, kung kaya at sa masinsinang pag-uusap ay sila ay aking napapayag.
Nangako rin ang Ate Elena na ako ay kanyang aalagaang mabuti at 'di pababayaan. Alam ko na kaya niyang tuparin ang kanyang mga sinabi, dahil mula ako ay nagkamalay ay silangg tatlo ang aking nakasama. Si Ate Elena, Kuya Abel at Ate Sonia. Sila ang tatlong batang kakaiba ang nag-aruga sa akin katuwang ng aking ama't ina kung kaya at panatag ang loob ko sa pagsama sa kanya.
Malungkot nga lang na iwan ang aking mga magulang ngunit, para naman ito sa aking kinabukasan. At ang isa ko pa ring dahilan?
Ay ang pagtakas sa kakaibang mundong ginagalawan..
Ni minsan ay 'di sumagi sa isip ko ang maging tagapag-mana ng kakayahan ng aking mga magulang. Alam naman ng lahat na ang aking ama ay isang aswang, at ang aking ina ay isang batikang manggagamot at lumaki rin ako sa piling ng mga 'di ordinaryong mga bata. Isang batang bulag na nakikita si kamatayan sa kanyang kaliwang mata at dalawang magagaling na mambabarang, kung kaya at ano pa ang aasahan ko sa aking sarili?
Ngunit 'di ko iyon ipinako sa aking isipan kahit kailan, sapagkat nais kong maging normal ang lahat sa akin.
Ayoko makakita ng mga kaluluwa at ayoko ring labasan ng mga pangil at managpang ng tao. Gusto ko maging ako..
Ako si Luisa..
Ang nag-iisang anak ng apo ng manggagamot at ng isang tagapamunong aswang.
Pilit kong inililihis ang aking daan patungo sa isang normal na pamumuhay, at hindi katigasan ng ulo ang tawag dito, kung'di pangarap. Sa Maynila ay pipilitin kong ayusin ang lahat.
Sa ngayon ay umabot na ako sa edad na disi- siyete at wala pang nararanasang kahit anong kababalaghan. Ngunit ayon sa kuwento ng aking mga magulang ay may isang araw din sa aking pagkabata noon na sinabi ko sa aking ina na kinakamusta raw siya ng kanyang lola, ngunit 'di ko na iyon matandaan pa. Ngunit aking panalangin, na sana ay iyon na ang una't huli kong karanasan pagdating sa kaluluwa.
Ngunit kahit anong gawin kong iwas ay wala rin palang magagawa, dahil ito ang dugong dumadaloy sa akin.
At kahit pilit ang aking paglayo..
Ay siyang mas lapit nito..
***Aking Bagong Buhay
Pagdating namin sa Maynila ay sa isang maliit, ngunit marangyang bahay kami tumuloy. Pag-aari ni Kuya Jigs na asawa ni Ate Elena ito. At kahit paano ay masasabi kong may sinasabi siya sa buhay. Ang kanyang bahay at ang sasakyang nakaparada ay isa lamang sa mga patunay na siya ay may pera. Ngunit ako ay humanga rin sa kanya dahil sa kabila ng lahat ay si Ate Elena ang napili niyang mapangasawa. Si Ate Elena, na isa sa pinakamabagsik na mambabarang sa kanilang angkan.
BINABASA MO ANG
Nakatagong Mata Ni Luisa
HorrorPaano kung ang ayaw mong akaping kakayahan ay siyang dumadaloy sa dugo mo? Magawa mo kayang pigilan ang pagdating nito? Paano kung mismong sila na ang lumalapit upang ito ay iyong kamulatan? Magbubulag bulagan ka pa rin ba? Samahan nating tuklasin n...