PAGPATAK NG ALAS diyes ng gabi ay nagdesisyon na si Gretchen na ayain si Andres na umuwi. Ito na marahil ang pinakamakabuluhang pamamasyal para kay Gretchen. Ayaw man niyang isipin ay itinuturing niya itong date, pero siyempre lingid iyon sa kaalaman ni Andres. Hindi man niya tanungin ay bakas sa mukha ng supremo na ang buong maghapon nila sa Luneta ay nagdulot ng hindi malilimutang alaala. Higit sa dalisay at nakakaaliw na musika at pagsayaw ng mga ilaw at tubig, nagdulot ito kay Andres ng maningning na pag-asang hindi mapapasawala ang kanilang mga ipinaglalaban.
LULAN NG JEEPNEY pabalik ng Monumento ay tahimik na magkatabi sina Andres at Gretchen. Kaniya-kaniya sila ng iniisip. Si Gretchen, iniisip kung saan niya ulit patutulugin si Andres. Okay lang kung gumastos ulit siya sa hotel pero mas mainam sana kung mas makatitipid siya dahil mukhang magtatagal pa ng mga ilang araw ang supremo sa panahong ito. Nahihiya naman siyang patuluyin ito at ipaubaya kay Mang Berto, pero mas nakakahiya kung iuuwi niya ito sa bahay nila. Sa huli, napagdesisyunan ni Gretchen na patuluyin na lang muna si Andres sa pinakamurang hotel sa Monumento. Magastos man ito ay mas makabubuti na rin, maliit na sakripisyo lang naman ito kumpara sa pagbubuwis nila ng buhay para sa pamanang kasarinlan.
Palibhasa ay sa harapan ng jeep nakaupo ang dalawa at si Andres ay nasa gawing malapit sa pintuan, libang na libang ito sa pagtanaw ng kanilang mga nadaraanan. Bagama’t noong una ay nag-aalala ito sa hindi pangkaraniwang bilis ng sasakyan na hindi niya nakasanayan sa kanilang panahon ay napanatag din naman ito kalaunan. Para kay Andres ay talaga namang napakamakabuluhan ng araw na ito. Sino ba naman kasing mag-aakala na ang isang nilalang na dapat sana’y pinag-aaralan lamang sa libro ng kasaysayan ay heto at pilit na nakikibagay at nakikisalamuha sa mga nasa kasalukuyan. Bukod sa sariling monumento ay nakita niya rin ang kay Dr. Jose Rizal, hindi niya naging hangarin noon ang alalahanin at tingalain tulad ni Dr. Rizal pero iyon ang nangyari. Nakita niya rin ang rebulto ni Lapu-Lapu na binansagang “Sentinel of Freedom” sa Luneta. Noong una ay pinagkamalan niya itong si Bernardo Carpio, kung hindi pa sana ipinakilala ni Gretchen ay hindi niya malalamang si Lapu-Lapu ito.
Dahil nga sa nasa harapan ng jeep si Andres ay hindi nakaligtas sa kaniyang mata ang lahat ng puwedeng madaanan. Nakita niya ang napakaraming depekto ng bansa.
Nagmumurahang mga tao sa lansangan, mga nanlilimahig na batang nakikipagpatintero sa mga sasakyan na sinasabayan ng pamamalimos, mga pamilyang natutulog sa kalye, mga walang tahanan na sa basurahan kumukuha ng lamang tiyan, mga naglipanang pulis na pagkalaki-laki ng mga tiyan, at mga menor de edad na naglalambutsingan sa kalsada na halos wala nang kaibahan ang pananamit sa mga babaeng nagbebenta ng laman sa masukal na kalyeng kanilang nadaanan. Ito ang kanser ng bayan, ang kanser na tila hindi na magagamot. Ang kanser na masahol pa sa nauna noong panahon ng kastila. Mas masahol dahil tila binalewala nito ang sarili nitong kasaysayan daang taon na ang nakalipas, ang mga natutunghayan niya ngayon na nababatid niyang pangkaraniwan na lamang sa panahong ito, ay masahol pa sa rebelasyong inilantad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Kung makikita ni Dr. Rizal ang lahat ng ito, sasabihin niya marahil na tila mas lumala ang kanser ng bayang ito. Hindi kayang ilahad, isaad, o talakayin sa isa, hanggang dalawang nobela ang mga suliranin ng kapanahunang ito. Malala na ang sakit na tila wala nang lunas, kung mayroon man ay mahirap nang asahan lalo’t tila tinanggap na rin ng sikmura ng marami ang nakasanayan nitong kalakaran.
Sa gitna ng dismayadong damdamin ni Andres ay minasdan niya si Gretchen, ngumiti ito sa kaniya. Minasdan niya rin ang driver na abala sa pagmamaneho, at mula sa mahabang salamin sa gawing itaas ay sinulyapan niya ang mga pasahero sa loob. Ang ilan ay tulog, habang ang ilan ay gising at nagkakalkal ng cellphone na hindi alam ni Andres kung para saan at paano ginagamit. Matiwasay naman ang kanilang biyahe nang bigla na lamang nakarinig ng pagsabog si Andres, kasabay nito ay ang pagsabog din ng liwanag na wala pang isang segundo ay nawala rin bigla, parang kislap ng kidlat. Malakas ang pagsabog pero walang sigawan ng mga tao ang maririnig. Pagdilat ni Andres ay tila nakapagtataka ang naging tagpo. Nakaupo pa rin siya sa loob ng jeep, sinuyod ng mata ang buong paligid pero wala na ang lahat ng tao, maging si Gretchen. Para silang mga naglahong bula. Nakahinto na at patay na ang ilaw ng mga sasakyan. Sa kalsada ay ganoon din ang eksena ng ibang mga jeep at kotse. Wala nang mga tao maliban kay Andres, at walang ano mang pinanggagalingan ng liwanag maliban sa buwan.
Naging larawan ng isang abandonanong siyudad ang paligid. Nagtataka si Andres kung ano ang nangyari. Hindi na siya nakatagal sa ginagawa niyang pakikiramdam, bumaba na siya ng jeep at bagama’t madilim ay napagtanto niyang malapit na sila sa Monumento sa Caloocan. Alam niya iyon dahil mula sa kaniyang kinatatayuan ay natanaw niya ang kaniyang bantayog.
Pinasya niya na maglakad papunta roon sa pagbabaka-sakaling naroon si Mang Berto, pero nang makarating siya sa tapat ng isang Mall ay natigilan siya matapos bumukas ang mga ilaw sa paligid ng kaniyang bantayog, sa pagkakataong ito, tanging bantayog niya lang ang may liwanag. Ipinagpatuloy ni Andres ang kaniyang paglalakad patungo sa sariling bantayog. Nasisiguro niya sa kaniyang sarili na may tao roon. Ilang hakbang mula sa bakod ng kaniyang bantayog ay muli siyang napatigil matapos na magpakita ang lalaking nakaitim sa loob ng bakuran, nakatingin ito sa kaniya. Mayamaya pa ay naglakad papunta sa likuran ng kaniyang monumento.“Hoy! Sandali! Bumalik ka rito!” sigaw ni Andres sa lalaking nakaitim.
Nagmadali siya sa pagsampa sa bakod ng kaniyang bantayog, tinunton niya ang likuran ng sementong kinatatayuan ng mga rebulto. Doon tumakbo ang lalaki at kailangan niyang mahagilap ito. Batid niya na ito ang may kinalaman sa lahat ng kababalaghang nangyayari sa kaniya. Pagdating niya sa likuran ay wala roon ang lalaki. Nanatiling tahimik ang buong paligid at nagmamasid siya.
“Lumabas ka, magpakita ka sa ‘kin!” sigaw ni Andres sa gitna ng katahimikan.
May mahinang ihip ng hangin sa buong kapaligiran, tanging mga bagay na tinatangay nito ang pinagmumulan ng mahinang ingay. Tanaw mula sa kinatatayuan ni Andres ang malaking LED screen ng hypermarket na nasa gawing likod ng kaniyang bantayog. Nakita niya itong nagliwanag, parang TV na magulo ang signal at lumilikha ito ng malakas na ingay. Magkahalong mangha at pagtataka ang makikita sa mukha ni Andres. Mayamaya ay naging maayos ang screen at lumabas dito ang mukha ng lalaking nakaitim.
“Andres Bonifacio,” wika nito.
Natahimik lamang si Andres nang makita ang lalaki sa LED screen, nakatitig siya rito at nakikinig sa kaniyang mga sasabihin.
“Kumusta ka na, Supremo? Kumusta ang pakikipamuhay sa mga modernong indio? Masaya ba sa piling nila? Masaya ba sa kanilang panahon? Maganda ba ang kanilang kalagayan? Malaki ba ang pagkakaiba ng noon at ngayon? O baka mas tamang itanong na malaki ba ang pagkakapareho ng noon sa ngayon? Ito ang panahong malaya na sila. Ngayon, sa pamamagitan ng iyong mga nasaksihan, sabihin mo sa akin kung malaya na nga ba sila,” wika ng lalaki kay Andres.
“Alam kong ikaw ang nagdala sa akin dito. Bakit gusto mong makita ko ang lahat ng mayroon sa panahong ito?” sagot naman ni Andres.
“Hindi mo ba naunawaan? Gusto kong makita mo na ang mga ipinaglalaban ninyo sa inyong panahon ay hindi pinapahalagahan ng siyang mga tumatamasa nito,” panunuya pa ng lalaki.
“Nagkakamali ka. Magkaiba tayo ng nakikita. May mga ilan pa rin na nagpapahalaga rito at namumuhay nang tama. Kagaya ni Gretchen, ganoon din si Mang Berto na mapait man ang dinanas ay hindi nagpakita ng kahinaan at patuloy pa rin na lumalaban,” wika ni Andres.
“Patuloy na lumalaban? Magkaiba nga tayo ng nakikita. Nakikita mo ang patuloy nilang pakikipaglaban subalit ako ay nakikita ko na ang pakikipaglaban nila ay walang katapusan at walang pinatutunguhan. Hindi pa sapat ang iyong mga nakita, hayaan mong ilantad ko sa iyo ang mga pinakapangit pang peklat ng bansang ito!”
Biglang namatay ang LED screen, kasabay nito ay ang mabilis din na paglitaw ng lalaking nakaitim sa likuran ni Andres, at sa pagharap ni Andres dito ay iba na ang tagpo na kaniyang nasaksihan.
BINABASA MO ANG
Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi (Self-Published)
Ficción históricaNatatala sa kasaysayan ng Pilipinas ang madilim nitong kabanata na sa mahabang panahon ay tinakpan ng mapanlinlang na kabayanihan. Ang yugto kung saan ang rebolusyon laban sa kolonyalismo ay pinilay ng mismong mga kakampi na dapat sana'y kasamang l...