Masaya akong naghuhugas ng pinggan sa kusina habang nakikinig sa magandang himig ng isang musika mula sa radyo. Hindi ko inalintana ang makulimlim na panahon kaya pakanta-kanta pa 'ko. Mahilig akong kumanta kahit na hindi ako nabiyayaan ng talento pagdating dito. Napatigil akong bigla sa pagkanta dahil naalala ko 'yung g'wapong lalaki kanina sa may bukana ng simbahan.
"Juness, masyado ka yatang masaya ngayon?" bungad ni Ate Aprilyn, ang nakatatanda kong kapatid.
"Naku Ate, ang g'wapo kasi kanina no'ng lalaki ro'n sa may simbahan. Alam mo naman, bihirang makakita ng g'wapo rito sa atin," turan ko. Hindi matanggal ang aking ngiti sa labi sa tuwing nakikita ko ang maamong nitong mukha sa aking imahinasiyon.
Lumapit sa akin si Ate at kumuha ng isang baso mula sa aking nahugasan at siya'y tumungo sa may ref upang punan ito nang malamig na tubig.
"Hindi naman masamang mamangha ka sa isang g'wapong nilalang pero dapat kontrolado mo ang feelings mo. Minsan kasi, sa sobrang paghanga na ibinibigay mo rito, nag-oover expect ka na makapiling mo siya. Mahirap na, lalo na sa panahon ngayon, maraming manloloko," pahayag ni Ate Aprilyn matapos lumagok ng tubig.
"Alam ko naman iyon, Ate. Masyado lang akong natuwa sa kaniya kasi nga 'di ba matagal na akong naghahanap ng inspirasiyon kaso wala akong matipuhan. Ngayon lang ulit ako ginanahan sa isang lalaki," ani ko habang binabanlawan ang mga kutsarang katatapos lang masabon.
"Basta ako, narito lang ako para suportahan ka sa nais mo. Siya nga pala, ipakikilala ko sa inyo sa susunod na araw ang boyfriend ko," hirit pa niya habang inaayos-ayos ang kaniyang buhok. Napatigil tuloy akong bigla sa ginagawa ko dahil sa tinuran ni Ate.
"Talaga, Ate? Ipapakilala mo na sa amin si Kuya Benj?" masaya kong sambit.
Matagal ko na siyang gustong makilala dahil sa mga magagandang bagay na naikukuwento ni Ate patungkol dito. Tiyak na matutuwa si Mama at ang bunso kong kapatid kapag nalaman nila 'to. Napakabait kasi talaga ni Kuya Benj, mantakin mo ba naman, lagi siyang may pasalubong sa amin sa tuwing aalis sila ni Ate. Sabi nga ni Mama, masuwerte si Ate sa boyfriend niyang 'to lalo pa't laging may pakimkim sa amin.
Iyon nga lang, medyo nahihiya pa si Kuya Benj na pumunta rito sa bahay. Mahiyain daw kasi talaga iyon sabi ni Ate Aprilyn. Nakita naman na namin siya sa litrato kaso iba pa rin talaga kapag nasilayan mo 'to nang lubusan. Masaya talaga ako para kay Ate dahil sa edad niyang twenty two, mukhang natagpuan niya na ang taong magkakasama niya pang habambuhay.
E ako? Ang daming beses ko ng hinanap si 'The One' pero wala talaga, e. At saka sabi rin ng kaibigan kong si Rosanna, 'Ang pag-ibig ay hindi hinahanap, kusa iyang darating.' Kaya naman itinimo ko na muna iyon sa aking isipan.
"Ate Juness, nag-text sa akin si Mama. Gagabihin daw siya ng uwi kaya kayo na muna raw ang bahala rito. Magluto na lang daw kayo ni Ate Aprilyn ng sopas para sa hapunan natin," pagsingit ng bunso kong kapatid. Nakabihis siya ng jersey at halatang maglalaro na naman 'to ng basketball.
"Ate, ikaw na ang magluto. Ako na lang ang maghihiwa ng mga gagamiting sangkap," sambit ko. Nagpupunas na ako ng kamay dahil tapos ko ng gawin ang aking gawain. Pagtingin ko kay Ate, abalang-abala naman siya sa kaka-text kay Kuya Benj. Hindi niya yata narinig ang aking sinabi.
Mabait naman akong anak kaya ako na lang din siguro ang magluluto. Disi-otso naman na ako kaya kailangan kong matutunan ang lahat ng gawaing bahay lalo na kapag nag-asawa na ako soon. Nakakahiya pa kay Mr. Right kung wala akong alam sa kusina.
Isa pang nakatutuwa rito ay nakatutok sa amin si Mama kahit abala siya sa trabaho. Nakalulungkot nga lang dahil wala na si Papa, inatake siya sa puso noong nakaraang taon. Medyo sariwa pa sa amin ang pagkawala ni Papa pero nagpapakatatag pa rin naman kami.
"Ate Aprilyn, Ate Juness, aalis na muna ako," paalam ng kapatid ko matapos makapagsapatos.
"Sige, Januarius. Kailangan bago mag-alas siyete, nandito ka na sa bahay," paalala ko.
Napahalukipkip na lamang ako habang nagpapahinga sa may upuan.
"Oo naman," tugon nito bago tuluyang lumabas ng bahay.
Ang kulit ng kapatid kong iyan, marami ring kalokohan sa buhay. Hindi-hindi maipagkakaila na nagmana siya kay Papa dahil nakuha niya ang pagkakuwela nito. Sa tuwing tahimik o 'di kaya'y seryoso kaming lahat dito sa bahay, nagpapatawa pa iyan at nagkukuwento ng kung anu-anong katakaan. Sa edad niyang katorse, masasabi kong malawak na talaga ang kaniyang pag-iisip.
"Oo nga pala, Juness. May tatapusin kaming report kina Marissa. Deadline na namin bukas kay boss, e. Ikaw na muna ang bahala rito. Huwag kang aalis ng bahay," ani Ate habang naglalagay ng pulbos sa kaniyang mukha.
"Sige, Ate. Wala naman akong magagawa," saad ko.
"Salamat! Sige, aalis na 'ko," aniya.
Naiwan na naman akong mag-isa rito sa bahay. Nakakaburyo lang lalo pa't linggo, nakakasawang manuod ng telebisiyon. Hindi naman ako puwedeng magliwaliw dahil walang maiiwan dito, kailangan ko pa palang magluto ng sopas para sa hapunan kaya minabuti ko na lang na iyon ang pagkaabalahan.
May mga sangkap naman na kami rito sa bahay dahil tuwing sabado, namimili na si Mama ng mga kakailanganin namin sa pang-araw-araw na buhay. Mabuti nga't nagtatrabaho sina Mama at Ate Aprilyn kaya nakaluluwag naman kami kahit papaano.
Nagpakulo na ako ng tubig para mapalambutan ang manok na gagamiting pang sahog. Naghihiwa na ako ngayon ng repolyo nang bigla namang mag-ring ang cellphone ko. Agad ko naman iyong kinuha at nang makita ko kung sino ang tumatawag, si Rosanna lang pala.
"Hello?" bungad ko.
"Mabuti naman at sinagot mo ang tawag ko, Madam. Alam mo na ba ang balita?" aniya.
"Anong balita ba iyan?" tanong ko.
"Ano ang gusto mong mauna? Good news o bad news?" ligalig niyang tanong.
"S'yempre, good news na muna tapos isunod mo agad ang bad news," tugon ko. Nilapitan ko ang pinalalambutan kong manok, nang matiyak kong okay na 'to, saka ko pinatay ang kalan.
"Wala tayong pasok sa huwebes at biyernes dahil may seminar ang mga prof. Ang masaklap nga lang, malapit na ang midterm exam," paliwanag niya sa pamamagitan ng malungkot na boses.
"Mahaba-habang bakasyon din pala, masaya 'yon. Kung midterm exam ang kinalulungkot mo, e 'di mag-review tayo nang makapasa," saad ko. Ipinagpatuloy ko na ang aking ginagawa at ni-loud speaker ko na lamang iyon para patuloy pa rin kaming makapag-usap.
"Ano pa nga bang magagawa natin? Hala na, may chika nga pala ako sa 'yo," pag-iiba niya ng usapan.
"Ayan ka na naman. Ano na naman ba iyan?" giit ko.
"Nakita namin ni Gela noong isang araw si Martin," pahayag niya.
Naumid akong bigla nang marinig ko ang pangalan ng lalaking unang bumihag sa aking puso...
BINABASA MO ANG
In the Dark Night
General FictionMarami kang pagsubok na kahaharapin. Problema, higit ka nitong dudumugin. Ikaw ba'y lulupaypay na lamang? Sa kalsada, katawa'y isasalangsang? Bumangon ka, may pag-asa pa.