Mga Pahina

63 1 0
                                    


Para akong isang bukas na libro,

Na bukas ang kwento sa lahat ng tao.

Hinuhusgahan lagi ang pabalat nito,

Na wala man lang basehan kung tama ba sila o ano.


Isa akong librong may lenggwaheng madaling maintindihan,

Mangilan-ngilan ang naaaliw kapag ako'y sinimulan.

Ngunit hindi lahat ng tao'y kaya akong pagpasensyahan,

Kung kaya't madali lang para sa kanila na ako ay iwan.


Ang ilang pahina'y kanya ng sinulatan,

Sinulatan ng mga Mathematical problems na hindi masagutan,

Ginuhitan ng mga linyang hindi ko maunawaan,

Kasing labo ng eksplanasyon niya kung bakit niya ako iniwanan.


Ni hindi man nga lang niya napansin ang paunang salita,

Ni hindi man nga lang niya binigyang pansin ang pasasalamat sa madla.

Tinapos at isinara niya na lang ang libro,

Katulad ng pagtapos at pagsara niya sa aming kwento.


Isa akong lumang libro na kayang iwan kung saan-saan,

Kung minsan pa nga'y punit na kapag natagpuan.

Tulad lang iyan ng pag-abandona niya sa akin,

Na binabalikan lamang kapag kanyang kakailanganin.


Isa akong lumang librong pinabayaan at kinalimutan,

Matapos basahin, sinira at itinapon lang sa kawalan.

Kung ako kaya'y iyong matatagpuan,

Pupulutin mo pa kaya ako't muling aalagaan?


Mga Tula ni BTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon