Kunwari Lang

23.9K 1.1K 275
                                    

Maglaro tayo, Sierra. Kunwari lang.

Kunwari matagal na akong may gusto sayo. Nung una pa lang kitang makita, nung lumipat ka galing private school nung grade 3, at ngumiti ka sa klase with matching dimple sa kaliwa mong pisngi, napansin na kita. Kunwari hindi mo halata, pero palihim kitang tinititigan kapag recess, sobrang nagagandahan sayo. Nung magbago ang seating arrangement nung Third Grading, kunwari kinabahan ako. Kunwari, naging katabi kita.

Madaling lang to. Kunwari lang naman.

Kunwari dahil sa naging magkatabi tayo, naging ka-close mo ako. Laging ako ang kasama mo, tumatakbo sa kung saan habang hawak-hawak mo ang kamay ko. Inaasar tayo na parang mag-boypren, pero hindi ka nakinig sa kanila. Hindi ka bumitaw sa akin. Sinabi mong wala kang pakialam sa mga pang-aasar nila. Kunwari kasi gusto mo kong makasama. Kunwari ganun din ako.

Sige na.  Kunwari lang.

Kunwari tumuntong na tayo ng highschool at gaya pa rin tayo ng dati. Napuno na ako kaya sinabi ko na sayong mahal kita. Natawa ka pa nga nung una, akala mo nagbibiro ako. Natahimik ka na lang nung sinabi kong seryoso yun. Seryoso ka rin nung sinabi mo sa akin na hindi ka pa handa para sa ganun. Pinisil mo ang kamay ko at hiniling na manatili muna tayong magkaibigan. Kunwari naman, naintindihan kita.  

Wag ka nang mahiya. Kunwari lang to.  

Kunwari inabot hanggang mag-college tayo na nakabitin yung tanong ko sayo. Sobrang tagal, akala ko nakalimutan mo na. Mahabang panahon ang inabot bago ko naisip na siguro ayaw mo lang talaga sa akin. Kunwari kasi nakahanap ka ng ibang lalaki na gusto ka at gusto mo rin. Nung magtapat siya sayo, kunwari imbes na matawa, natuwa ka. Bayolente siya, basagulero, masama ang ugali,  pero kunwari hindi mo pinansin yun. Sinagot mo siya nang walang ano-ano. Kunwari nasaktan ako.

Pero kunwari lang yun.  

Kunwari naging kayo nung lalaking gusto mo. Hindi siya mabuting tao. Araw-araw ka niyang sinasaktan sa pagtatalo niyo. Alam ng lahat ang ginagawa niya, pero itinatanggi mo. Iniisip mong walang taong makakatulong sayo. Kunwari andun ako, pero hindi mo ko napansin. 

Saglit lang. Kunwari lang naman to.

Kunwari isang araw nakita kita sa likod ng building pagkatapos ng klase. Umiiyak ka habang hawak-hawak yung kaliwang braso mong may pasa kasi napadiin na naman ang hawak niya sayo. Kunwari tumakbo ako papunta sayo. Tinawag ko ang pangalan mo, inilahad ang mga braso ko. Kunwari tinanggap mo ang mga ito at yumakap ka sa akin. Saka ko inulit yung mga salitang sinabi ko na nuon pero kunwari nakalimutan mo, “Mahal kita, andito ako.” Kunwari, sa wakas,  narinig mo na ako.

Nakikinig ka ba? Kunwari lang to.

Kunwari tinulungan kitang hiwalayan yung lalaking kasama mo. Hindi naging madali, pero kunwari pinaglaban kita. Sinalo ko lahat ng suntok na nanggaling sa kanya, para sayo. Maga ang mata at putok ang labi, kunwari lumapit ka sa akin at nagpasalamat. Kunwari hinalikan mo yung duguang labi ko. Kunwari naisip mo na rin sa wakas na ako talaga yung mahal mo. Kunwari naging tayo, at hindi na muling naghiwalay. Kunwari nakahawak ka na ulit sa kamay ko, tulad nung grade 3 pa tayo, at hindi ka na ulit bumitaw. Kunwari naging masaya na tayo habang buhay.

Kunwari lang naman lahat ng yun.

Ito ang totoo.

Kahit kailan hindi mo ako naging katabi.

Kahit kailan hindi mo hinawakan ang kamay ko.

Kahit kailan hindi mo nalaman na mahal kita.

Kahit kailan, hindi kita ipinaglaban sa kanya.

Kahit kailan, hindi tayo nabuhay nang masaya.

Ito ang totoo.

Nakaupo ako ngayon sa damuhan, dala-dala ang isang basket ng bulaklak na alam kong magugustuhan mo. Taimtim lang na nakatitig sa kapirasong parisukat na marmol kung saan nakaukit ang pangalang Sierra Baldeviso, kasama ng araw ng kapanganakan at kamatayan na dulot sayo nung lalaking kunwari mahal ka at minahal mo rin. Basa at namamaga ang mga mata ko para sa mga kunwaring mananatiling kunwari na lang ngayon.

Gaya na lang ng kunwari masaya ako. Ng kunwari nandito ka pa.

Ano na, Sierra, maglalaro na ba? Pagbigyan mo na ko. Kunwari lang naman eh.

_END 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Ipagpaumanhin ang pagka-Tourette's Syndrome ng akdang to. Pagbigyan niyo na. Tutal kunwari lang naman. :D 

 **The cover and the multimedia are gifts from thoughtful readers. Maraming salamat, YourOxygenTaker. Maraming salamat, BlackVirile.  <3**

Kunwari LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon