A Daughter's Letter

2.9K 83 95
                                    

June 13, 2010

Dear Pa,

NAKAKAINIS KA TALAGA! Alam mo ba na iyan ang mga katagang gustung-gusto kong isumbat sa harap mo noon pa man! Binalak ko ngang sabihin iyang mga salitang iyan sa inyo dati pa ngunit sadyang wala akong lakas ng loob na gawin ito. Umuurong ang dila ko sa tuwing handa na akong ipamukha sa inyo ang nararamdaman kong inis sa inyo. Pasensya ka na po kung ito agad ang pambungad sa sulat ko para sa'yo. Alam kong nakakunot na iyang noo mo, salubong na ang mga kilay at gusto mo ng lukutin o 'di kaya’y punitin ang sulat na ito dahil sa mga nababasa mo pero hiling ko lang po sana’y ipagpatuloy mo ito hanggang sa huli. Pagpasensyahan mo na po ako kung napakagaspang ng pag-uugali ko rito pero sana tatandaan po ninyo palagi na kahit naiinis man ako sa inyo ay nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa inyo bilang isang anak.

Siguro nagtataka po kayo kung bakit ko kayo naisipang sulatan. Ako nga rin po’y nagtataka at tinatanong ang sarili ko kung bakit nga ba. Hindi ko naman ito gawain. Marahil ay napuno na rin ako at gusto kong mailabas 'tong saloobin ko. Wala naman akong ibang mapagsabihan dahil ang akala ng lahat ng taong nakapaligid sa akin ay ayos lang ako. Sino nga ba namang maniniwala na ang isang palabirong taong tulad ko ay may mabigat na problema palang kinikimkim sa loob ng maraming taon? Wala, 'di ba? Kaya dito ko na lang idadaan ang lahat ng himutok ko sa inyo. Unawain n’yo na lang po sana ang nagda-drama ninyong anak.

Alam n’yo po marami akong dahilan kaya naiinis ako sa inyo at iisa-isahin ko talaga 'yon dito.

Una. Simula pagkabata ko hanggang sa nagkolehiyo na ako, hindi tayo naging close. 'Yong tipong magkakamustahan tayo, magkukwentuhan o 'di kaya nama’y magbibiruan. Walang nangyaring gan’on! Ang natatandaan ko lang ay kakausapin mo 'ko kapag may hinahanap ka, kapag may iniuutos ka o 'di kaya nama’y kapag pinagsasabihan mo ako. Palagi kang seryoso. Istrikto. Bihira ka lang ngumiti. Sa kabilang banda, inintindi kita kasi ang sabi ko noon sa sarili ko, “Gano’n lang siguro si Papa. Hindi siya 'yong tipong barkada ang turing sa anak. Ginagampanan niya lang ang pagiging ama niya.” Pero alam n’yo po minsan hindi ko maiwasang mainggit sa iba kasi close sila sa mga tatay nila samantalang ako pakiramdam ko ang layo-layo ninyo sa akin kahit na lagi naman tayong nagkakasama. Naiinis tuloy ako sa 'yo!

Ikalawa. Sa tuwing tatanungin kita nang maayos, sinasagot mo ako ng pabalang habang nakabusangot pa ang iyong mukha na animo’y naaaburido ka pa sa 'kin. Iyon na nga lang ang ginagawa kong paraan para magkausap tayo.pero mukhang ayaw n’yo naman. Gustuhin ko man po kayong tanungin kung bakit ganyan kayo sa 'kin pero natatakot akong singhalan n’yo na naman ako kaya pinili ko na lang ang manahimik kasi sa isang matalim na salita mo pa lang ay nagsisimula nang mag-unahan ang mga luha sa mata ko. Alam n’yo po, kapag nakakapanood ako sa telebisyon na pinapayuhan ng tatay ang kanyang anak ay hindi ko maiwasang sabihin sa sarili ko na sana gano’n din tayo pero hindi. Naiinis tuloy ako sa 'yo!

Ikatlo. Sa loob ng labinlimang taong pag-aaral ko, ni isang beses ay hindi mo man lang pinaunlakan ang imbitasyon ng paaralang pinapasukan ko sa tuwing nagpapatawag sila ng parents’ meeting. Naiintindihan ko naman pong may trabaho kayo at pagod kayo galing rito kaya hindi kayo makapunta. Eh, may mga pagkakataon namang wala kang pasok pero si lola pa rin ang pinapapunta mo. Alam n’yo po kapag isinasama ako ni lola sa parents’ meeting pinagmamasdan ko 'yong ibang tatay na dumadalo. Natutuwa ako sa kanila dahil naisisingit pa rin nila sa abalang oras nila ang makadalo sa pagpupulong. Naiinis tuloy ako sa 'yo!

Ikaapat. Kahit anong gawin kong pagpupursigi sa pag-aaral ko, hindi ka pa rin makuntento sa mga nakukuha kong marka sa iba’t ibang asignatura sa tuwing pinapakita ko sa’yo ang kard ko. Alam n’yo po, nag-aaral akong mabuti para sa inyo. Gusto ko na maging proud ka sa 'kin. Pero pakiramdam ko, nakukulangan ka pa rin. Minsan nga tinatanong ko ang sarili ko. Bakit kaya 'yong ibang tatay malaman lang nila na nakapasa ang anak nila eh masaya na sila. Ayos lang kung palakol man ang grado basta pasado ang anak nila. Samantalang ako na sa tingin ko ay mataas na ay kulang pa rin para sa 'yo. Masyadong mataas ang pamantayan mo, Pa! Hindi kaya 'yon ng utak ko. Sumasakit sa sobrang pag-iisip pero hindi ko na lang sinasabi sa 'yo. Naiinis tuloy ako sa 'yo!

A Daughter's LetterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon