Lababo

1.4K 20 27
                                    

Mahirap talaga pag mag-isa sa bahay. Walang magawa kundi mag-movie marathon araw-araw at gabi-gabi. Kung bakit ba naman kasi ako ang ginawang caretaker dito sa bahay ng tita ko porket tambay lang ako habang sila eh nagpapasarap sa Boracay.

Pero ayos lang. Marami naman silang pirated DVD na clear copy kaya solb na 'ko. Hilata mode. Wala namang kailangang linisin dahil iniwan naman malinis 'to. Isa pa, di naman ako katulong. Nakiusap lang sila na ako muna ang pansamantalang tatao sa bahay nila habang wala sila ng tatlong araw.

Nagma-marathon ako ng mga pelikula sa gabi pero di ako nagpupuyat. Alas diyes lang, naghahanda na ako para matulog. Mahirap na, baka mapansin ng masasamang loob itong 52 inch LCD flatscreen. Yari ako.

9:30 na. May 30 minutes pa bago ang curfew. Katatapos ko lang panuorin ang Drag Me To Hell. Ibang klase talaga si Sam Raimi. Pambihira yung pagkakagawa ng istorya.

Naaastigan pa rin ako sa pelikula habang nagliligpit na ako sa sala. Hanggang sa naligo na ako at nagsipilyo, may ngiti pa rin ako sa labi at hindi pa tinatamaan ng antok.

Ilang minuto rin akong naglinis ng ngipin sa lababong may half-body na salamin. Sa sobrang hyper ko, sumayaw pa 'ko. Walang baso kaya sa gripo ako nagmumog. Pag-angat ng mukha ko para tingnan kung may toothpaste pa sa bibig, parang di na hyper yung reflection ko. Antok na siguro ako at pagod.

Pero nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang biglang gumalaw ng kusa ang sarili ko sa salamin. Pinaghahampas ng reflection ko ang mukha niya sa lababo. Tumalsik ang dugo sa paulit-ulit na pagkakaumpog sa porselana. Tila may ibang pwersa na humahawak sa ulo ng reflection ko at ipinupukpok sa lababo na parang martilyo.

Duguan na ang reflection ko at wasak na ang mukha. Umangat ang mukha na para bang may nakasabunot dito. Dumilat ang luwang mata at tumitig sakin. Mabilis akong napaatras sa takot. Tumama ang likod ko sa pader at aksidenteng napatay ko ang ilaw. Dumilim, nawala ang reflection. Kinapa ko ang pintuan at nagmadaling lumabas ng banyo.

Pero nakaharang ang duguan kong katawan na reflection lang kanina. Harap-harapan ko nang nakita ang sira-sira kong mukha. Kahit halos maihi na ako sa takot, nagawa ko pang tanungin kung sino siya at anong kailangan niya sakin. Nang hindi siya sumagot, bumwelo ako at tumakbo palabas sa gilid niya.

Tumagos ako sa balikat ng sarili kong multo. Di pa 'ko nakakalayo, naramdaman kong may sumabunot sa basa ko pang buhok. Dumulas ako sa impact at lumagapak sa sahig. Sumakit ang anit ko at naramdaman kong umaandar ako. Walang kahit ano sa likuran ko maliban sa nakataas na kumpol ng buhok ko. Hindi na ako makatayo dahil masakit ang balakang at anit ko, at hinila na ako pabalik ng banyo. Walang nagawa ang pagpupumiglas ko.

Pagbitaw sa buhok ko, may pwersang sumakal naman sakin at pilit akong pinatayo. Pagharap sa lababo, nakita ko ang sarili ko hawak ng isang reflection na halos di ko na makilala.

Sinabunutan ulit niya ako at hinila patingala ang ulo ko. Pinakita niya sakin na binuksan niya ang ilaw para makita ko ang mga mangyayari. Pero bwelo lang pala niya yun. Halos mahilo ako sa bilis ng pagkakayuko niya sakin. Tumama ang ilong ko sa gilid ng lababo.

Isa pa ulit. Humampas naman ang noo ko. At isa pa. Kanang mata naman ang napuruhan. Paulit-ulit. Buong mukha. Nalalasahan ko na ang dugo. Barado na rin ang ilong ko ng dugo. Nanlalabo na rin ang paningin ko. Sa pag-angat-baba ng mukha ko, nasulyapan ko sa salamin na duguan na rin ako at nagiging kahawig na ang multong reflection.

Wala akong mahawakan kahit iwagayway ko pa ang mga kamay ko. Wala akong pagkakataong makahingi ng tulong. Wala na 'kong maalala. Nakalog na ang utak ko. Ang huli kong nakita ay dalawang ngipin na nahulog sa lababo at nagbara sa drainage. Bumukas ang gripo at pilit hinulog ng tubig ang ngipin sa butas. Napapikit ako sa malamig na talsik ng tubig sa mukha ko sa bawat paghampas ko sa lababo at di na muling mumulat...

Lumakas ang agos ng tubig. Mahapdi na nag balat ko. Narinig kong sumigaw ang multo.

"Hoy Angelita! Bumangon ka na diyan! Ang kalat kalat ng bahay, sa sofa ka pa natulog! Nakanganga ka pa!"

Bigla akong napatayo sa gulat at nahulog ang mga tipak ng yelong binuhos sakin ng tita ko. Umaga na. Andito na sila. Nagkalat pa sa mesa ang mga DVD at pinagkainan ko kagabi. Nakakahiya.

Gininaw ako sa iced water kaya gusto kong maihi. Papunta na sana ako sa banyo para hilamusan na rin ang tumulo kong laway, pero wag na lang.

LababoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon