Liham

13 1 2
                                    

Pablo,

Kamusta ka na? Kumakain ka ba sa tamang oras? Inaalagaan mo ba ang sarili mo o baka naman nagpapakapagod ka masyado sa trabaho mo? Huwag mong aabusuhin ang katawan mo ha? Baka magkasakit ka. Kung sakaling magkasakit ka, ako pa rin kaya ang hahanapin mo para mag-alaga sayo?

Naaalala pa rin kita lalo na kapag nakikita ko ang mga litrato natin. Bumabalik sa akin yung pakiramdam nung magkasama pa tayo. Natatandaan mo ba nung una tayong nag-date doon sa tapat nung simbahan? Kumain tayo ng puto tapos sago't gulaman ang inumin natin. Binigyan mo pa ako ng gumamela tapos nilagay mo 'yon sa tenga ko. Saglit lang 'yun kasi tumakas lang ako kay Tatay ngunit naging masaya ako kasi nakasama kita. Kung sakali bang magkasama pa tayo, mauulit kaya natin iyon?

Naaalala ko yung pagkagulat ko nung nakita kita sa labas ng bahay namin. Sabi ko sayo umuwi ka kasi baka makita ka ni Tatay pero hindi ka umuwi. Gusto mo nang sabihin sa kanila na tayo na. Mas nagulat ako nung lumabas si Tatay at nakita tayo. Naku! Halos mahimatay ako. Nagpakilala ka sa kanya bilang boyfriend ko tapos seryoso niyang sinabi na mag-uusap kayong dalawa. Pumasok muna ako sa loob para kunyari ay hindi ako makikinig pero ang totoo nakinig ako. Nagsaing lang muna ako saglit tapos pumunta ako sa gilid ng bintana at umupo doon. Hindi palpak 'yon kahit patapos na pala kayo mag-usap. Ang narinig ko kasi ay yung sinabi mong 'Mahal ko po siya at hindi ko po siya sasaktan'. Kung sakali kayang maibabalik ang panahon, hindi mo kaya ako sasaktan?

Alam kong kakailanganin kong limutin ka. Alam kong kakailanganin kong ibaon ang pagmamahal ko sayo. Alam kong kakailanganin kong matutong mabuhay nang wala ka. Alam ko. Pero kung sakaling gusto mong bumalik, tatanggapin kita. Mahal kasi kita.

Natatandaan ko nung una't huli mo akong sinigawan. Hapon noon at palubog na ang araw. Nanonood tayo tapos bigla mo na lang sinabi na nagsasawa ka na. Sabi ko, "Ha?" Nagulat ako nung sinigaw mo ulit yung sinabi mo. Sabi mo pa di mo na ako kailangan. Sabi mo napapagod ka na. Sa lahat ng sinabi mo, ang pinakamasakit ay yung sinabi mong di mo na ako mahal. Dumagdag pa ang sakit nung umalis ka nang walang paalam. Ang pagsara ng pinto ay hudyat ng pag-alis mo nang tuluyan sa buhay ko. Kung sakaling kayang malaman mong naghihintay pa rin ako sayo, babalik ka ba?

Di ko kayang mabuhay nang wala ka eh. Kulang 'pag hindi kita kasama. Mahal na mahal kasi kita.

-Laura

Kung SakaliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon