Chapter 6
Napangiti sina Clear at Bloom sa isa't-isa nang matapos silang magkiss. Nanatili ang mahigpit na yakap ng binata sa kanya. Ilang kanta na ang nag-play pero nagpatuloy lang sila sa pagsasayaw.
"Sa tingin ko, kailangan na nating matulog. Maaga pa ang biyahe natin bukas pauwi." untag ni Clear sa kanya.
Namula si Bloom at natigilan siya sa kanyang narinig.
"M-Matutulog?" napalunok niyang wika.
Ngumiti ng pilyo si Clear sa kanya at kumindat.
"Oo, matutulog. Huwag kang mag-alala, wala akong gagawing anuman. Ikaw ah kung gusto mo akong pagsamantalahan. Di ako tatanggi."
Natatawa siya na naaasar sa sinabi nito.
"Sorry ka na lang. Hindi ako marunong." sagot niya.
Tumawa ito ng mahina.
"Alam mo, gusto kong gawin ang bagay na ito para ipakita sa iyo na puwede mo akong mapagkatiwalaan. Una ko kasing natutunan sa training ang tiwala. Hindi kami magkakakilala ng lubos ng mga comrades ko dati... Pero kailangan naming ibigay ang tiwala namin ng buo dahil kami ang magkakakampi. Buhay ang katumbas ng aming pagtitiwala at gusto kong matutunan mo iyon sa akin. Ano, may tiwala ka?"
Sandaling nag-isip si Bloom.
"Sige, susubukan kong magtiwala."
Inakay siya ni Clear papasok sa loob ng silid. Kahit na sinabi nito na wala itong gagawin ay kinakabahan siya at nate-tense. Kulang nalang ay lumabas sa dibdib niya ang puso niya. Alam niyang namumula siya dahil mainit na mainit ang pakiramdam ng kanyang pagmumukha. Nauna nang naupo sa kama si Clear at nanatili siyang nakatingin dito. Tumingin ito pabalik sa kanya.
"Scared? I won't bite... Arhm!" umarte si Clear na parang may kakagatin.
Napaatras siya at natuliro. Hindi na niya tuloy alam ang kanyang gagawin kasi bigla siyang nagpanic. Isang mahinang tawa ang narinig niya mula sa binata.
"Relax ka lang at magtiwala sa akin."
Yamot siyang napatingin dito.
"Paano naman ako magrerelax at magtitiwala sa'yo eh tinatakot mo na ako?!" reklamo niya.
Ngumiti ito ng maluwang sa kanya at napailing ng bahagya. Pumuwesto na ito at nahiga.
"Ano, matutulog ka?" untag pa nito sa kanya.
Hindi siya makasagot kasi hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Bakit ba kasi pumayag pa siya sa kalokohan nito?! Tumalikod siya dito at ilang beses na naglakad-lakad na parang pusa na hindi mapaanak. Muli siyang humarap sa lalaki. Nakatagilid na ito at mukhang natutulog na. Huminga siya ng malalim. Tiwala... Kailangan niyang magtiwala. Marahan siyang naupo sa kama at ilang beses na bumuntung-hininga. Hindi pa siya natetense ng ganito.
"Relax..." mahina niyang wika.
Wala naman siyang dapat na katakutan kasi nangako naman si Clear sa kanya na wala itong kalokohang gagawin. At kailangan niyang magtiwala doon. Humiga na siya sa kama kasi nararamdaman na niya ang tama ng alcohol sa utak niya. Napatingin siya sa kisame at nakita niyang umiikot na iyon sa kanyang paningin. Pumikit siya dahil nakakaramdam na siya ng hilo. Ang paligid naman niya ngayon ang umiikot... Pakiramdam niya ay umaandar ang kamang hinihigaan niya. Muli siyang nagmulat at nakita niya ulit ang umiikot na kisame. Wala siyang choice kundi ang mapapikit. Pero kasabay noon ang pakikiramdam niya sa kanyang katabi. Tahimik lang ito at hindi gumagalaw. Mukhang nasa dreamland na.
BINABASA MO ANG
MEN IN ACTION 6: CLEAR IMPERIAL
RomansaNaholdap si Bloom at blessing in disguise na iniligtas siya ng isang guwapo at tisoy na Taxi driver na si Clear Imperial... Iyon nga lang, duda siya kung totoo ba talagang taxi driver ito?