NAPABALIKWAS MULA SA pagkakahimbing si Allyda nang may maramdaman itong kakaiba sa sikmura. Mabilis nitong itinakip ang isang palad sa bibig at agad na bumaba ng higaan.
Patakbong tinungo ng dalaga ang banyo at dito ay sunud-sunod na nagduwal. Halos umikot ang paningin nito, pawisan at nangangatal ang buong katawan. Nanghihina itong napasandal sa dingding, ipinikit ang mga mata at pinakalma ang sarili.
Tatlong araw na rin niyang nararanasan ang ganoong pakiramdam na tila halos bumaliktad ang kanyang sikmura. Nagsusuka siya, pero wala naman siyang inilalabas maliban sa tubig o malapot na likido.
Gustuhin man niyang magpatingin sa doktor, ngunit ang perang hawak niya na ipinadala sa kanya ng mga magulang mula sa probinsiya ay nakalaan sa kanyang tuition fee.
"Okay ka lang?"
Napadilat si Allyda nang marinig ang tinig ng kanyang kaibigan. Sa apartment muna siya nito pansamantalang nanunuluyan, ilang buwan na rin kasi siyang hindi nakakabayad sa kanyang boarding house kaya pinaalis na siya ng kasera kahit idinaan na niya ito sa pakiusap. "Medyo humilab lang ang sikmura ko, napasukan yata ng lamig!"
Sinundan ni Anne ang kaibigan. "Noong isang araw pa kitang naririnig na nagkakaganyan. Buntis ka ba?"
Napahinto sa paghakbang ang dalaga na pabalik sana ng higaan. Nagtayuan ang balahibo nito sa narinig na tanong ng kasama.
"May nangyari na ba sainyo ni Daniel?"
Mabilis na napalingon si Allyda. Bumakas sa mukha nito ang magkahalong takot at pangamba.
"Hindi ako nagkulang ng paalala sa'yo, Al. Daniel is nothing, but a good player and pretender. Maraming babae na ang dumaan sa buhay niya and he loves collecting women. Tanga ka ba para hindi mo maramdaman 'yun?"
"Anne, wala pang nangyayari sa amin ni Daniel. Malaki ang respeto niya sa akin, mahal niya ako!"
"Then, good to hear it. Ayoko lang malalaman na isa ka sa mga nagpaloko sa kanya dahil baka kalimutan ko ang pagkakaibigan natin. Sige na, matulog ka na uli. Tatapusin ko lang 'yung thesis ko..."
Hatid-tanaw ni Allyda ang paglayo ng kaibigan hanggang mawala ito sa kanyang paningin. Nanginginig na tinungo nito ang higaan at pabagsak na naupo dito.
Pigil ng dalaga ang pagpatak ng mga luha. Halos ilang buwan na rin nang may namagitan sa kanila ng nobyong si Daniel. At naulit ito noong nakaraang linggo lamang. Buntis nga ba siya? Hindi maaari. Isang taon na lang ay magtatapos na siya sa kolehiyo. Hindi niya dapat na biguin ang kanyang mga magulang na nagsikap at naghirap upang maibigay sa kanya ang magandang edukasyon. Paano nga kaya kung nagdadalang-tao siya?
Napasapo si Allyda sa tiyan nito. Kung nagbunga man ang naging pagtatalik nila ni Daniel, kailangang panagutan siya ng nobyo.
----
"WHAT?!"
"Buntis ako, Daniel!" pag-uulit ni Allyda.
Kasalukuyang nasa loob ng isang motel ang magkasintahan. Dito dinala ang dalaga ng nobyo nang magyaya ito na lumabas sila.
"Paanong nangyari 'yun?"
"Anong klaseng tanong 'yan?"
"Sinong ama?"
Napatayo sa kinauupuan si Allyda, nanlisik ang mga mata nito. "How dare you!" sabay tulak sa binata. "Alam mong ikaw ang nakauna sa 'kin, tapos itatanong mo 'yan?!"
"Ako nga ang nakauna, pero sigurado akong may mga sumunod!"
Magkabilang sampal ang pinawalan ng dalaga sa pisngi ni Daniel. "Paano mong nasabi 'yan? Malinis at matino akong babae, Daniel..."
"Kung talagang malinis at matino ka, hindi ka basta-basta bibigay!"
"Hayop ka!" pinagbabayo nito ang binata. "Pagkatapos kong magtiwala sa'yo, pagkatapos kitang mahalin, ito pa ang igaganti mo? Pananagutan mo ako dahil anak mo ang nasa sinapupunan ko!"
Marahas na pinigilan ni Daniel ang dalawang kamay ng dalaga at pinanggigilan ito, "Maingat ako pagdating sa kama kaya huwag mong ipipilit sa akin ang isang bagay na iniiwasan kong mangyari!" sabay tulak dito na muntikang ikabagsak ni Allyda kung hindi ito nakakapit sa upuan. "I still enjoy life, so don't throw me such responsibility!"
"Daniel, please?" Luhaang lumuhod si Allyda, "Alam mong mahirap lang ang pamilya ko. Hindi ko kakayanin ang pag-"
"Shut up! Pera ba ang dahilan kaya nagpabuntis ka? At ako ang gusto mong umako ng batang 'yan?" tingin-duro nito sa tiyan ng nobya.
"Wala akong ibang lalakeng sinamahan. Ikaw lang ang minahal ko, Daniel. Nagtiwala ako sa mga pangako mo!"
"Don't fool me!"
"Kung gusto mo, ipa-DNA mo ang magiging anak natin para makasiguro ka. Nagsasabi ako ng totoo, Daniel. Please..." paluhod itong lumapit sa nobyo at yumakap sa mga binti nito. "Mahal na mahal kita!"
"Get lost!"
"Daniel, please?"
"Mula sa araw na ito, wala na tayong relasyon!" muli nitong itinulak palayo ang dalaga.
"Nakikipaghiwalay ka sa akin?"
Sa halip na sumagot si Daniel ay dinukot nito ang pitaka at hinugot dito ang ilang pirasong perang papel, "Umuwi ka na sa probinsiya ninyo!" sabay pahagis na ibinato sa dalaga ang pera. "Ayokong guguluhin mo ako kung ayaw mong idemanda kita!"
Tigalgal si Allyda habang nakasunod ng tingin sa pagtalikod ng nobyo at paglabas nito ng silid.
Napagulhol ang dalaga. Gusto nitong sumigaw sa galit, ngunit tila inabandona na rin siya ng kanyang tinig. She was badly ruined. Huli na para magsisi. Sinira na ang buhay at kinabukasan niya ng lalakeng pinag-alayan niya ng lahat.
----
"TITIGIL KA SA PAG-AARAL?"
Nanatiling nakayuko si Allyda na abala sa pagtutupi ng mga damit. "Kailangan ko nang tumulong kina Imang at Amang," pagsisinungaling nito.
"Pero isang taon na lang ay magkakaroon ka na ng tsapa, magiging ganap ka ng pulis!"
Napakagat-labi ang dalaga, pinigilan nito ang nagbabantang pagpatak ng mga luha. Ayaw niyang kaawaan siya ng kaibigan o ng ibang tao, "Mas kailangan ko ngayon ang pera kaysa sa tsapa."
Hindi na kumibo pa si Anne. Naupo ito sa tabi ng kaibigan at sandali munang pinalipas ang katahimikan. "Kung 'yan ang desisyon mo, ikaw ang bahala. Wala din naman akong maitutulong dahil alam mo namang hikahos din ang pamilya ko."
"Naiintindihan ko. Salamat!"
Napabuntong-hininga ng malalim si Anne. "Siyanga pala, nagbabalak na kami ni Andrew na magsama."
Napahinto sa ginagawa si Allyda, napapikit ito kasabay na pag-usal na sana ay huwag nang madagdagan pa ang dinadala niyang problema.
"Ayaw niyang may kasama sa bahay..."
Lihim na pumatak ang mga luha sa mata ng dalaga, ngunit mabilis din niya itong pinahid.
"I'm sorry, Al. Alam kong kailangan mo ng matitirahan, pero ayoko din naman na pag-awayan namin ito ni Andrew."
"Ano ka ba? Okay lang!" Matapos pasimpleng tuyuin ang magkabilang pisngi ay nakangiti itong humarap sa kaibigan, "Marami namang paupahan d'yan!"
"Salamat."
"Bigyan mo lang ako ng kaunting panahon na makahanap ng malilipatan."
"Walang problema. Teka, tatawagan ko lang si Andrew."
Tumango lang si Allyda. Hinintay muna nitong makaalis ang kaibigan bago muling pinakawalan ang mga luha.
BINABASA MO ANG
PAANO BA ANG IBIGIN KA? (BOOK 2: RANCHO DE APOLLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceNagmahal siya ng higit sa kanyang sarili, nagpadala sa matatamis na pangako. Inakala niyang ang lalaking minamahal ay ang itinakda ng tadhana na makakasama niya habangbuhay, ngunit isa palang pagkakamali ang ibigin ito. Nang magdalang-tao si ALLYDA...