NAPAKUNOT NG NOO SI ALLYDA nang sa pagpasok nito sa isang pasilyo ay agad nitong namataan ang nakatalikod at naglalakad na lalake. Pasipol-sipol pa ito na tila namamasyal lang sa Luneta.
Kinuha ng dalaga ang pito na nakasabit sa leeg at pinatunog ito na nagpahinto naman sa lalake. "Saan ka pupunta?" tanong agad nito nang makalapit dito na pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
Tiyak ni Allyda na isa sa mga bilanggo ang sinitang binata dahil sa suot nitong orange na damit na may malaking letra pa ng 'P' sa likuran.
"Witwewwww!"
"Aba't bastos ka, ah?!" iniamba nito ang hawak na batuta.
"Ipinagmamalaki mo na 'yan? Mas malaki pa nga d'yan ang kargada ko!"
Sinundan ng mga mata ni Allyda ang itinuro ng tingin ng antipatikong lalake. At halos mamula ang buong mukha ng dalaga nang makita na ang tinutukoy ng maangas na bilanggo ay ang bukol sa loob ng suot nitong pantalon. Mabilis itong umiwas, "Saan ka pupunta? Wala kang bantay, wala kang posas! Ano ka dito? Bisita?!"
Humakbang palapit ang lalake na agad namang nagpaatras kay Allyda hanggang mapasandal ito sa dingding. "Kapag lumaya na ako, balak kong magbakasyon sa Boracay. Puwede ba kitang isama?"
Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Hindi nito napansin ang pagbilis ng hininga dahil sa halos pagkakadikit ng mukha ng bilanggo sa kanya.
"Masarap akong magmahal," pabulong nito. "'Yung tipong mahirap kalimutan! Baka nga hindi mo na mai-AHHHHH!"
Diniinan ni Allyda ang pagkakapiga sa maselang bahagi ng katawan ng preskong lalake. "Sa susunod, pipili ka ng taong babastusin! Hindi papasa sa akin ang tulad mong maangas kahit malaki pa ang kargada mo!"
"Malaki nga?" naitanong nito kahit nakangiwi sa sakit ng mala-bakal na kamay na nakahawak sa kanyang pagkalalake.
Pinakawalan muna ng dalaga ang isa pang malakas na piga sa kaselanan ng kaharap bago ito binitiwan at mabilis nang tumalikod. Lakad-takbo nitong tinahak ang direksyon ng CR. Matapos makapasok dito at maisara ang pinto ay pinakalma muna nito ang sarili dahil sa inis na nararamdaman. "Antipatiko! Presko! Hambog! Saksakan ng yabang!"
Tinungo ni Allyda ang lavatory at makailang ulit na naghugas ng kamay dito. Gumamit pa ito ng liquid soap upang mawala ang tila init na nakakapit sa kanyang palad.
Makalipas ang ilang sandali ay napagpasyahan ng dalaga na ipagpatuloy na ang pagroronda, ngunit sa pagbukas nito ng pinto ay halos mapasigaw ito nang bumungad sa kanya ang nakangiting bilanggo na mukhang kanina pa naghihintay sa kanya.
"Nice to see you again, beautiful!" sabay kindat nito sa dalaga.
Mabilis na kinuha ni Allyda ang posas na nakasukbit sa tagiliran. Nalaglag nga lang ito sa kanyang pagkakahawak dahil sa panginginig ng kamay sa galit.
"Para sa akin ba 'to?" tanong ng lalake nang damputin ang posas. Ito na ang naglagay nito sa sarili. "O, hayan! Tinulungan na kita," sabay taas ng nakaposas na mga kamay. "Wala man lang bang 'salamat' o kahit kiss na lang?"
Iniamba ng dalaga ang hawak na batuta sa mukha ng bilanggo, "Lakad!"
"Magdi-date tayo?"
"Dadalhin kita kay Warden para maturuan ka ng leksyon!"
----
NAPAANGAT NG MUKHA SI MATTIAS nang matapos tugunin ang malalakas na katok ay marahas na bumukas ang pinto kung saan ay agad na bumungad sa kanyang paningin ang isa sa mga bilanggo ng Munti na malapad na nakangiti sa kabila ng pagkakaposas nito. Mahigpit itong nakukuwelyuhan at natututukan ng batuta ng kilala niyang matapang na lady jailguard sa kasaysayan ng pagiging warden niya.
"Sir, nakita ko itong palakad-lakad sa hallway na dinaig pa ang turista sa Mall of Asia!"
"Teka! Ayoko doon, masyadong matao! Gusto ko 'yung pribadong lugar na puwede kitang paamuhin," sabay kindat nito.
Nag-init na naman ang mukha ng dalaga. Tiyak niyang kahit hindi siya humarap sa salamin ay pulang-pula na ito sa sobrang inis at galit.
"Iwan mo na lang muna siya dito, Allyda!" utos ni Mattias.
"Ah, Allyda pala ang pangalan mo. Bagay na bagay sa kagandahan mo! Opium..." inilahad nito ang dalawang kamay na parehong napoposasan.
Gigil na hinigpitan ng dalaga ang pagkakahawak sa kuwelyo ng aroganteng preso. Puwersahan niya itong itinulak at marahas na pinaupo sa harap ng warden. "Ako ang susundo sa'yo mamaya, idi-deretso kita sa bartolina para matuto ka ng tamang asal! Sir..." itinuro nito ang nakasukbit sa beywang na walkie-talkie, "tawagan mo lang po ako kapag tapos ka na sa kanya!"
Tumango lang si Mattias na nagpalipat-lipat ang tingin sa dalawa.
"Huwag ka lang maiinip sa paghihintay, labs. Hindi kami masyadong magtatagal ni Warden. Mag-iinuman at mag-uusap lang kami tungkol sa presyo ng galunggong ngayon!"
Hindi na pinansin ni Allyda ang hambog na binata. Lumabas na ito ng silid bago pa man lalong uminit ang ulo niya at kumulo ang kanyang dugo.
----
"GANYAN KA BA TALAGA?"
Pinukol ng matalim na tingin ni Allyda ang antipatikong bilanggo na deretso na niyang dinala sa bartolina matapos itong sunduin sa opisina ni Warden Mattias.
"Wala ka man lang TOUCH OF CARE..."
"At ano naman ang gusto mong itrato ko sa kriminal at walang modong tulad mo?"
"Uy! Hindi lahat ng nakakulong dito ay kriminal. At lalong hindi lahat ng guwapo ay walang modo!"
"Huh?! Wala akong sinabing guwapo ka!"
"Wala ba? Pero, nakikita ko sa mga titig mo na parang gusto mo akong pagnasaan!"
"Ganyan ba kayong mga lalake? MAKAKAPAL ANG MUKHA!"
"Epekto ba 'yan ng pagkakapiga mo sa kargada ko?"
Pinilit mang iwasan ng dalaga ay nakuha pa ring sulyapan ng kanyang mga mata ang bukol sa harapan ng pantalon ni Opium.
"Sinasabi ko na nga ba, may side-effect ang ginawa mo kanina."
"Tumahimik ka kung ayaw mong dagdagan ko ang araw ng pamamalagi mo dito!"
Tila walang narinig na pagbabanta ang binata. "Okay lang naman sa akin kung uulitin mo, basta lagyan mo ng kaunting lambing..."
"Dalawang araw!"
Bingi pa rin si Opium. "Samahan mo ng banayad na haplos, tamang ritmo, at nakaka-"
"Wala kang pagkain at tubig sa loob ng dalawang araw!" Tumalikod na ito at pakalampag na isinara ang pintuang-bakal ng bartolina.
"Uy, teka! Wala ka bang balak na tanggalin 'tong posas ko?"
Napangisi si Allyda habang nakatitig sa mga matang nakasilip sa maliit na bintana ng pinto. Iniangat nito ang hawak na susi ng posas sa harap, inihagis paitaas sa ere at saka hinataw ng hawak na batuta palayo.
BINABASA MO ANG
PAANO BA ANG IBIGIN KA? (BOOK 2: RANCHO DE APOLLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceNagmahal siya ng higit sa kanyang sarili, nagpadala sa matatamis na pangako. Inakala niyang ang lalaking minamahal ay ang itinakda ng tadhana na makakasama niya habangbuhay, ngunit isa palang pagkakamali ang ibigin ito. Nang magdalang-tao si ALLYDA...