NAKALUKOT na ang mukha ni Lirika habang nakatayo sa harap ng Reception Area. Ilang minuto na rin siya ditong naghihintay dahil abala ang Front Desk Personnel sa pakikipag-usap nito sa telepono.
Napasulyap sa suot na relo ang dalaga. Kalahating oras na lang ang natitira para sa susunod niyang klase. Malapit lang naman ang unibersidad na pinapasukan niya sa hotel na pansamantalang tinutuluyan ng kapatid, pero ayaw pa rin niyang mahuli dahil pamantayan na niya bilang estudyante ang pagiging maaga at on-time sa lahat ng bagay.
Walang paalam nang tumalikod si Lirika at mabilis na tinungo ang direksyon ng elevator. Maliit lang naman ang hotel kaya agad nitong nahanap ang silid ng kapatid. "Room 25." Sinipat nito ang hawak na maliit na papel kung saan ay nakasulat dito ang numerong binanggit.
Kumatok ang dalaga na sinabayan ng pagtawag, ngunit walang tumugon dito. Pinihit nito ang seradura na agad namang bumigay. Marahil ay nakalimutan itong i-lock.
"Ate?"
Nanatiling tahimik ang paligid hanggang marinig ni Lirika ang lagaslas ng tubig sa loob ng banyo. Baka naliligo ang kanyang kapatid. Marahan nitong isinara ang pinto at nagpalakad-lakad muna sa loob ng silid habang naghihintay.
Biglang naagaw ang pansin ng dalaga sa mga damit na nakalatag sa malambot na higaan; faded denim jeans, collared-black polo shirt at brief.
Napaisip ito. Hindi naman nagsusuot ng panlalake ang kanyang kapatid. At sa pagkakaalala niya ay malaking tao ang ipinakilala nitong Opium Saturnino. Maliban na lang kung ang nagmamay-ari ng silid na 'yun ay ang binatang nagpakulo ng dugo niya kahapon.
Aktong lalabas na sana ng silid si Lirika nang maulinigan nito ang pagbukas ng pinto ng banyo. Napalingon ito, "Ahhhhhh!"
"Ahhhhhhh!" sumabay sa sigaw ng dalaga ang nagulat na si Nathan. At dahil sa pagkataranta ay nabitiwan nito ang ibinubuhol sanang tuwalya na nakatapis sa ibabang bahagi ng katawan.
"Ahhhhhh!" muli nitong sigaw na sa halip pumikit ay lumaki ang mga birhen nitong mata na napatitig sa nakahantad na grasya.
"Ahhhhhh!" segunda ng binata na tumakbo pabalik ng banyo nang hindi na pinulot ang tuwalya.
Tigalgal na naiwan si Lirika. Natauhan lamang ito at kumaripas ng takbo nang makarinig ng mamalakas na mura.
----
MULING nagkasalubong ang mata nina Nathan at Lirika nang mapasulyap na naman sila sa rearview mirror kung saan ay nakaupo sa frontseat ang binata habang magkatabi sa likuran ang magkapatid.
"Gusto ni Apollo na nakaharap ang kuwarto sa kalsada kaya nakipagpalit kami kay Nathaniel," paliwanag ni Allyda. "Puro kasi kabayo ang nasa rancho, madalang lang makakita ng sasakyan doon."
Napatingin si Lirika sa bata. Sinundo pa ito kahapon sa Pangasinan matapos nilang mag-usap ng kapatid. Naisip niyang baka mapalambot nito ang puso ng kanilang ama. At tama naman ang naging estratehiya nila dahil gusto na itong makilala ng buong pamilya.
"Tita, kamatis ka po ba?"
"Bakit?"
"Pulang-pula po kasi ang mukha mo," tugon ni Apollo na nakakalong sa ina.
Nadagdagan na naman ang nararamdamang pagkapahiya ng dalaga. Gusto na nitong lumubog sa kinauupuan.
"Huwag kasing basta-basta papasok nang hindi kumakatok," pasimpleng batikos ni Nathan.
"Kumatok ako!" asik nito. "Hindi ka lang talaga marunong magsara ng pinto!"
"Tama na 'yan!" saway ni Opium na nasa harap ng manibela. "Wala naman sigurong nangyari sa loob, 'di ba?"
BINABASA MO ANG
AWIT NG PAG-IBIG (Book 3: Rancho de Apollo) by: Lorna Tulisana
RomansaIisa lang ang pangarap ni LIRIKA sa buhay, ito ay ang makapagpatayo ng gusali na papantay o hihigit sa katanyagan ng Eiffel at Paris Tower. Nagtapos siya sa kursong Civil Engineering as Summa Cum Laude at tumanggap ng mga parangal bilang pagkilala s...