"'Tol may naghahanap sa'yo sa lobby," wika ng kabahay ko pagbukas pa lamang niya ng pinto ng kwarto namin. Agad naman akong napahinto sa pagmememorya ng mga terms para sa exam namin bukas at napatingin sa kanya.
"Si Lorena?" Tanong ko.
Nakapagtatakang dalawin pa niya ako ngayon eh heto ngang naghahabol kami ng mga ipapasang projects at research papers. Simula na rin ng exams bukas kaya talagang kailangang mag-double time. Kung pwede nga lang naming hatiin ang mga katawan namin sa bawat subject na meron kami eh.
"Ulol kilala ko girlfriend mo. Sasabihin ko naman kung siya 'yung nasa labas," maangas na bwelta nito sa'kin sabay hagis ng bag sa kama niya.
"Eh sino?"
"Ewan. Maganda tapos maputi. Baka pinsan mo."
Pinsan? Lahat ng pinsan ko nasa probinsya. Ano namang gagawin nila rito? Atyaka pwede namang i-text bakit kailangan pang lumuwas? Magpapasabi naman siguro 'yung mga 'yun kung papasyal sila rito.
Hindi na ako nagtanong pa sa kabahay ko't baka mabato pa niya 'ko ng kung ano sa inis. Naghahabol din kasi 'yun dahil delikado sa isang subject niya.
Itinigil ko muna ang mga ginagawa ko at bumaba saglit. Nasa seventh floor pa kami ng dorm kaya nag-elevator na lang ako para mas madali at hindi nakakapagod. Pagkababa ko sa lobby agad kong hinanap 'yung maganda tapos maputing sinasabi nung kabahay ko. Hindi naman na ako nahirapan sa paghahanap kasi nakita ko kaagad siya.
Napatayo siya nang makita ako. Maluha-luha ang mga mata niyang nakatitig sa'kin. Sana pala mas pina-describe ko siyang maigi para nalaman ko kaagad at hindi na ako nagsayang pa ng oras bumaba. Gusto ko sanang bumalik na lang sa itaas pero nakita na niya ako eh. Nandito na ako.
Naglakad ako palapit sa kanya. Habang papalapit ako ng papalapit mas lalo kong napansin 'yung mga nagbago sa kanya. Mas pumuti pa siya lalo tapos nagkaroon ng konting freckles sa mukha. Nakapusod ang mahaba niyang buhok kaya angat na angat ang mga mata niya. Dati ayaw niyang mag-ponytail kasi naco-conscious siya sa noo niya. Naka-sky blue siyang long-sleeved dress at naka-puting stiletto. Kung ako pa rin 'yung dating ako nung high school mai-in love ulit ako sa kanya.
Sa tantya ko limang hakbang na lang ang pagitan naming dalawa. Nakatingin pa rin siya sa'kin habang tumutulo ang mga luha niya. Nakakatuwa kasi hanggang ngayon hindi pa rin siya natutong mag-make up o baka alam na niya pero pinili niyang hindi maglagay ngayon dahil alam niyang maiiyak siya.
Sinenyasan ko siyang umupo sa sofa. Dahan-dahan siyang umupo run nang hindi pa rin inaalis sa'kin ang tingin niya. Umupo ako sa kaharap na sofa nun at hinintay siyang ibuka ang bibig niya. Nahalata niya sigurong naghihintay ako kasi dumukot siya ng panyo sa purse niya at pinunasan ang mga luha niya. Huminga siya ng malalim at pinilit ngumiti.
"Kumusta ka na?" Una niyang tanong.
"Okay lang," mabilis kong sagot. "Kailan ka pa dumating?"
"Ngayong week lang."
Bumalik ulit ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Siguro parehas lang kaming nabigla kaya hindi kami agad makapagsalita. Wala rin naman akong nakikitang dahilan para magkita o magusap pa kami eh. Maga-apat na taon na rin nung huli kaming nagkita. Akala ko 'yun na ang huling beses. Actually, ipinagdasal ko talagang sana 'yun na ang huli.
"I'm sorry, really. I tried to reach out to you pero 'yung mga numbers na binigay sa'kin ng mga dati nating kaklase hindi ko matawagan. Sinubukan ko ring hanapin ka sa Facebook pero wala rin," pahayag niya. Rinig na rinig ko ang pagkalungkot sa boses niya. Dati punong-puno ng energy 'yun kapag kausap niya ako pero ngayon parang nahihiya siya.
BINABASA MO ANG
After Forever
Short Story[ one shot ] - Totoong may forever. 'Yun nga lang, natatapos din.