Nakita ko siya
sa silid-aklatan
Nagbabasa ng libro
Nagsusulat sa kuwaderno
Pasulyap-sulyap
ako sa kanya
Aking tinatakpan
ng hawak kong aklat
ang aking mukha
kapag akmang
titingin siya
sa aking kinauupuan
Kami ay magkatapat
Bagamat
may dalawang mesa
na pumapagitna
sa aming dalawa
Hindi ko alam
kung ano ang gagawin
sa tulad niya
na isang napakagandang tanawin
Lalapitan ko ba siya?
Mamaya na
Gusto ko muna
na pagmasdan siya
Siya ang una kong napansin
sa mga bulaklak
na naggagandahan
sa malawak na hardin
Kinunan siya ng larawan
ng puso ko
na hindi maipaliwanag
kung ano
ang nararamdaman
Parang kontento na ako
na pagmasdan lang siya
Ayaw kong ihiwalay sa kanya
ang aking mga mata
Para siyang bituin
sa umagang madilim
Wala kasi ang araw
na ngumingiti sa umaga
Pinalitan niya
Nang lumabas siya
sa silid-aklatan
kaagad ko siyang sinundan
Nilapitan
Kanyang daraanan
ay aking hinarangan
"Excuse me."
Nag-angat siya ng mukha
Tumingin sa akin
Tumambad
ang kanyang ganda
Ako'y napatulala
Nang siya ay ngumiti
ang isip ko ay bumalik
mula sa paglalakbay
sa napakagandang langit
Pagkatapos magpakilala
ay tinanong ko naman
ang kanyang pangalan
Nang aking malaman
kaagad na naukit iyon
sa aking isipan
Kaagad na gumaan
ang loob ko sa kanya
Iba't ibang bagay
ang aming napag-usapan
Oras ay hindi namin namalayan
Tila walang pakialam
Hanggang sa pumatak ang ulan
Binuklat niya
ang payong niyang dala
Pinasukob niya ako
Mabilis kaming humakbang
Lakad-takbo
Ang ulan ay palakas nang palakas
Tulad ng pagtibok
ng aking puso
na sa sobrang saya
ay parang puputok
Ipinagpatuloy namin
ang aming usapan
sa waiting shed
na aming pinagsilungan
sa labas ng pamantasan
Nais kong aminin
ang tunay na laman
ng aking damdamin
Subalit
ang mga salita
ay hindi maibigkas
Ang aking dila
ay umaatras
Paligoy-ligoy
habang ang aking puso'y
animo'y
bolang tumatalbog
kumakabog-kabog
Nag-iipon
ng lakas ng loob
upang sa kanya'y
sabihin
ang kakaibang damdamin
Ano ba ang mayroon siya
na wala sa iba
na hindi taglay ng iba?
Marami naman akong nakilala
na mas higit pa sa kanya
Subalit
bakit
kahit
hindi ko pa siya kilala
binubulong ng puso ko
na siya na?
Siya na
Sana
BINABASA MO ANG
Paikot-ikot, Patingin-tingin [isang Tulaserye]
PoetryIsang Tulaserye, serye ng tulang pasalaysay [narrative poetry].