Pocket Full of Posies

333 13 6
                                    

Malumanay ang himig na nagmumula sa plauta ng manlalakbay.  Nangingibabaw ang kulay dugo nitong buhok na sumasaliw sa bawat kumpas ng hangin.  Ang porselana nitong kutis ay kataka-takang hindi nagbabago sa kabila ng kanyang di mabilang na paglalakbay mula Tsina hanggang Europa.  Ang mumunti niyang mga alaga na nakasunod sa kanyang likuran ay pawang maiitim at nagsisihabaan ang mga buntot. 

Ang huling pag-ihip niya sa plauta ay hudyat na tapos na ang musika, ngayon nag-iisa na lamang siya.

----
Sa Florence, isang bayan sa Italia, ay kumalat ang epidemyang nagmula sa Asya.  Mabilis itong kumain ng lampas sa kalahati populasyon ng buong Europa.  Dahil sa kahirapan sa pagkontrol sa bilang ng mga namatay ay sama sama na lamang inililibing ang mga yumao at kung minsan pa'y sinusunog na lamang ito.  Ang dating mayamang lungsod ngayon ay binago ng panahon.
Nakakasulasok ang amoy ng mga nabubulok na bangkay sa paligid ng plaza.  Itim na itim na ang mga namamaga at bilugang lipoma na dati ay rosas.  Matamang nakatayo ang isang binatang itim ang lahat ng kasuotan na animo'y isa siyang simbolismo ng isang kamatayan.  Kakatwa siyang tingnan dahil siya lamang ang naiibang kasuotan sa lahat ng taong naroon sa plaza.  Ang ilan ay humahangos dahil sa pagkamatay ng kaanak, ang ilan ay inaayos ang pagkakasalansan ng mga bangkay at ihahanda ito sa pagsusunog, at ang mga pesante na sakay na kanilang karwahe na puno ng mga namatay dulot ng epidemya. 

Ginala pa ng binata ang kanyang mga mata at humuli ng atensyon niya ang isang lalaki na dugo ang kulay ng buhok, hindi ito mukang pesante dahil sa makinis at porselana niyang balat, sakay nito sa kanyang karwahe ang kumpol ng mga namatay na bata.  Wala pa sa matyuridad ang lipoma kaya kulay rosas ang mga ito.  Nagtama ang ginintuang mata ng pula at mata ng itim.  

"May pinagsisisihan pala si payaso..."  ani ng binata sa kanyang isip.

Nagtuloy tuloy sa pagtakbo ang karwahe at walang anu-ano'y sinundan siya ng binata.  Mula sa malayo nakatanaw ang kanyang anino saan man siya magpunta.

Lumipas ang mga araw at nagsimulang kumalat sa lahat ng dako ng mundo ang balita ng epidemya sa europa.  Kinuha ng epidemya ang buhay ng kalahati ng populasyon ng europa.  Maraming pagsasaliksik ang ginawa ngunit maging ang nga eksperto ay walang makuhang sulosyon.  Sumpa raw ito ng kalikasan.  Marami rin ang nagsasabing malapit na ang katapusan ng daigdig.  Ngunit hindi ang manlalakbay, noong una pa lang ay alam na niya ang mangyayari at wala siyang pakialam kahit maubos ang lahat ng mga nakikita niya.  Hindi malinaw kung ano ang takbo ng isipan niya sa ngayon at wala siyang balak na pagurin ang sarili at mag-aksaya ng panahon para sa mga nilalang na ito. 

Marami na siyang napuntahan pero may isang bayan siyang binabalikbalikan, para iyong isang parte niya na di niya kayang takasan.  Pero sa tuwing naroroon siya ay gusto niyang magalit; minsan pa nga'y naisip na niyang sunugin o burahin ma lang sa mapa ang pobreng bayan.  Masukal ang gubat na dinaan ng manunugtog upang marating ang bario ng Hamelin na katabi lang ng masaganang ilog ng Weser, dulo ito ng estado kaya laging huli sa balita ang mga tao doon, iilan lang ang mga dayuhang nadadako roon at minsan naliligaw pa. 

Unang tapak pa lamang ng kanyang mga paa sa bario ay tumambad agad sa kaniya ang mga mamamayan na may mga lipomang rosas.  Ito ang pinakalikuran ng bario.  Makikita ang kahirapan nito dahil sa estado ng kabahayan at ng mga mamamayan.  Ipinagbibili ang mga alagang hayop at sinusunog ang kahoy mula sa kanilang bahay upang sila ay mainitan.  Batid ang kahirapan at kalungkutan.  Sa kabila ng naghaharing emosyon ay hungkag pa ring nakatayo ang manunugtog, isa lang ang sa kanyang isipan ngayon.  Ang magpatuloy sa kabila ng kanyang pagsisisi. 

"Ginoo!  Tulungan mo ako.  Ginoo, ginoo walang nais tumulong sa akin maaari mo ba akong tulungan?"  Ani ng isang batang puno ng lipomang rosas sa leeg.  Nasa edad walo ang bata.  Di kagaya ng mga tao dito, walang sakit ang manlalakbay; hindi siya nahahawaan ng anumang uri ng pisikal na sakit.  Tanging puso niya lang na nagdurugo ang gusto niyang gamutin pero dahil sa sitwasyong nakikita niya mas lalo pa siyang nahihirapan.  Malinaw pa rin sa isang sulok ng kanyang isipin kung pano siya natakasan ng pag-asa.  Buhay siya ngunit patay, nagdurusa at napapagal. Gusto na niya magpahinga ngunit bawal.

The Red PiperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon