Nobena sa Ina ng Laging Saklolo

18.3K 49 7
                                    

-CREDITS TO THE OWNER-

Pambungad na Awit

Inang Sakdal Linis

Inang sakdal linis
Kami ay ihingi
Sa Diyos Ama namin
Awang minimithi

Ave, Ave, Ave Maria
Ave, Ave, Ave Maria

Bayang tinubua'y ipinagdarasal
At kapayapaan nitong sanglibutan

Ave, Ave, Ave Maria
Ave, Ave, Ave Maria

Pambungad na Panalangin

Pari: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Lahat: Amen
Pari: Mga kapatid, bilang mga anak ng ating Banal na Ina ay nagtipon tipon tayo sa harap ng kanyang mapaghimalang larawan upang parangalan siya at humingi ng lahat ng ating kailangan. Dahil sa tayo ay di karapat-dapat na mga anak, humihingi muna tayo sa Diyos ng awa at patawad.
Lahat: Mahabaging Ama* sinugo mo sa lupa ang iyong Banal na Anak * upang tubusin at iligtas kami * sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay * at upang bigyan kami ng bagong buhay. Sa pamamagitan nito * ginawa Mo kaming Iyong mga anak * upang magmahalan kami * tulad ng pagmamahal ni Kristo sa amin. * Anong limit naming malimutan * ang dakila naming karangalang ito. * Nagkasala kami sa aming mga kapatid * nagkasala kami sa Iyo. * Mahabaging Ama, * patawarin Mo kami. * Tapat naming pinagsisihan ang aming mga kasalanan. * Kahabagan Mo kami, maawaing Ama. * Lagi nawa kaming mabuhay * bilang matapat mong mga anak.

Babasahang Kahilingan at Pasasalamat
(umupo) Maikling Sermon

Birhen Maria, Tala sa Umaga

Birhen Maria, Tala sa Umaga,
Noon pa man ay itinangi ka,
Ang 'yong liwanag
ang takdang lulupig
Kay satanas, tao'y ililigtas.
Ref.
Iyong tunghan kaming nanambitan
At ang lupang iyong tinapakan.
Tulong mo'y ilawit sa 'min, Maria Ngayon at sa aming kamatayan.
Ang kalinisan mo'y iginagalang

Naming mahina't makasalanan.
Awa ng Diyos
ang aming kahilingan
Birhen Maria, Kami'y tulungan.

Panalangin sa Nobena (lumuhod)
Mahal na Ina ng Laging Saklolo, * buhat sa krus ibinigay ka sa amin ni Jesus * upang maging Ina namin. * Ikaw ang pinakamabait, * pinakamasintahin sa lahat ng mga ina. * Buong giliw mong tunghayan * kaming iyong mga anak * na ngayon ay humihingi ng iyong tulong * sa lahat ng aming pangangailangan * lalung-lalo na ang biyayang ito ...

(tumigil at sabihin ang inyong mga hangarin)
Noong ikaw ay nasa lupa, minamahal na Ina, * ikaw ay buong pusong nakiramay * sa paghihirap ng iyong Anak. * sa tulong ng iyong pananalig * at pagtitiwala sa maka-Amang pagmamahal ng Diyos * tinanggap mo ang Kanyang mahiwagang kalooban. Mayroon din kaming mga krus * at mga tiisin sa buhay. Kung minsan ang mga ito'y * parang hindi na naming kayang pasanin. * Pinakamamahal na Ina * bahaginan mo kami ng iyong malaking pagtitiwala sa Diyos. * Ipaunawa mo na walang katapusan * ang pagmamahal ng Diyos sa amin * at tinutugon Niya ang lahat ng aming panalangin * sa paraang makabubuti sa amin. * Palakasin mo ang aming loob sa pagpapasan ng krus * tulad ng iyong Banal na Anak. * Tulungan mong maunawaan namin * na sinumang nakikibahagi sa krus ni Kristo * ay tiyak na makakabahagi rin * ng kanyang muling pagkabuhay. Pinakamamahal na Ina * habang kami ay nababahala sa sarili naming mga suliranin * huwag sana naming malimutan ang mga pangangailangan ng iba * Mahal na mahal mo sila * tulungan mong maging ganito rin * ang aming pagmamahal sa kanila. * Samantalang dinadalangin namin ang aming mga adhikain * at mga adhikain ng lahat ng naririto ngayon * mataimtin sa loob na hinihiling namin sa iyo, aming Ina, * tulungan mo kaming makapagdulot * ng aliw at ginhawa sa mga maysakit * at sa mga malapit ang sumakabilang buhay * magpahilom ng sugat ng mga pusong wasak * magpagaan ng tinitiis ng mga inaapi, * at turuan ng katarungan * ang mga sa kanila'y nangaapi * at ibalik sa Diyos ang lahat * ng mga nagkasala sa Kanya. Pinakamamahal na Ina, * tulungan mo kaming umiwas sa kasalanan * na naglalayo sa amin sa aming Ama sa langit * at sa isa't- isa. * Buong tiwala naming isinasalalay * ang aming sarili sa iyong pagkalinga * at lubos na umaasang kami'y iyong tulungan.

Nobena sa Ina ng Laging SakloloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon