Manong

563 3 1
                                    

Manong guard. Chief. Kuya.  Ilan lang ito sa karaniwang tinatawag kay Cris ng mga empleyado sa call center na pinapasukan niya.  Ilang buwan pa lang siyang nadedestino sa kompanyang iyon pero nagustuhan na niya kaagad ang trabaho.  Hindi tulad ng mga kasamahan niyang guwardiya, gusto niya ang graveyard shift.  Wala naman kasi siyang pamilya kaya ayos lang kung umaga na siya umuwi.  Nasanay na rin siya sa puyatan dahil sa bangko siya dati nagbabantay.  Ang maganda nga lang sa call center, magaan at ligtas ang trabaho.  Hindi tulad sa bangko na kailangan kang laging alerto.  Masasabi ring nakataya ang buhay mo tuwing magdu-duty ka.  Sa call center, lalo na kapag graveyard, walang masyadong ginagawa.  Safe na safe pa.

Tahimik na tao lang si Cris.  Walang bisyo at hindi mahilig lumabas-labas.  Masaya na siya kahit mag-isa lang.  Kaya siguro hanggang ngayon ay binata pa siya.

Sa trabaho, tahimik lang siyang nakaupo sa kanyang desk na nasa elevator lobby sa 18thfloor ng pinapasukang call center.  Tinitingnan ang lahat ng papasok kung may ID at i-checheck ang mga bag ng lahat ng lalabas.  Kapag wala namang tao ay nakaupo lang siya at gumuguhit ng mga disenyo ng mga bahay. Pangarap kasi niyang maging isang arkitekto ngunit dahil sa kahirapan ay hindi siya nakatapos ng college.

Minsan, habang nakaupo sa kanyang desk ay kinausap siya ni Jerry, ang guard na ni-releave  niya.  Pauwi na ito at dala-dala sa likod ang malaking backpack.

“Uy, wala ka na namang kibo diyan.  Mapapanis lang ang laway mo,” sabi ni Jeric.

Ngiti lang ang isinagot ni Cris.

“Ano ba yang ginagawa mo?” tanong ni Jerry ng makitang tinatakpan ni Cris ng mga kamay niya ang isang pirasong papel.

“Wala,” ang mabilis na sagot ni Cris.

“Anong wala?  Patingin nga ako niyan!”

Mabilis na inagaw ni Jerry ang papel na hawak ni Cris.

“Hoy, ibalik mo yan!” galit na sabi ni Cris.

“Wow!  Ang ganda nito ah,” sabi ni Jerry ng makita ang nakaguhit na bahay sa kapirasong papel na hawak niya.  “Arkitekto ka pala, eh.”

“Sabi na ibalik mo yan, eh!”  Tumayo si Cris at mabilis na lumapit kay Jerry.  Kinuha niya ang papel mula kay Jerry, na nakangiting ibinalik ito sa kanya.

“Maganda yan.  Huwag mo itago.  Buti ka nga may galing sa pagguhit.  Eh ako, talagang pag-sesecurity guard lang ang alam,” nakangiting sabi ni Jerry.

Hindi naman sumagot si Cris.  Kinuyumos niya ang hawak na papel at itinapon sa trash can sa tabi ng kanyang desk.  Natawa lang si Jerry sa ginawa ni Cris.

“Ga’no ka na ba katagal dito?” tanong ni Jerry.

Itinaas ni Cris ang kanyang mukha at tiningnan ang katrabaho.  “Apat na buwan pa lang.”

“Buti hindi ka nahihirapan.  Lagi kang nasa graveyard shift.  Pwede ka naman magrequest nang morning o kaya midshift ah.”

Umiling si Cris.  “Graveyard talaga ang gusto ko.  Tahimik kasi, mas nakakapag-isip ako.”

“Bago ka pa kasi kaya gusto mo sa graveyard.  Pero pag nakita mo si lolo…” mahiwagang sabi ni Jerry.

Tinitigan ni Cris si Jerry, nagtataka sa sinabi ng katrabaho.  Hindi ito nakatingin sa kanya, kundi sa lapag.  Para bang malalim ang iniisip.

“Sinong lolo?” tanong ni Cris.

“W-Wala,” ang nakangiti ngunit halatang nababagabag na si Jerry.  Pinindot niya ang Down button ng elevator at mabilis namang nagbukas ang isa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 16, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ManongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon