TULA 18: Papalit-palit, Palipat-lipat

52 6 2
                                    

Ang mga awit

at himig

ng pag-ibig

Ang mga palabas

at aklat

tungkol sa pagmamahal

Pare-pareho lang

ang mga liriko

Paulit-ulit lang

ang kinukuwento


Magkakakilala

Iibigin ang isa't isa

Magkakaproblema

Magkakahiwalay

May makikilala uli

na bago


Pare-pareho

Wala nang bago

Pero

bakit ganoon?

Bakit ang pag-ibig ko sa kanya

hindi ko kayang itapon?


Nagkakilala kami

Inibig ang isa't isa

Nagkaproblema

Nagkahiwalay

Ngunit

hanggang ngayon

wala pa rin akong

nakikilalang bago


Sabi nila

ang sagot daw

sa sawing pag-ibig

ay bagong pag-ibig

Kaya

sinubukan kong hanapin

Nagdasal nang mataimtim

na sana'y matagpuan

ang pag-ibig na inaasam


Ilang beses na akong

papalit-palit

ng pag-ibig

Tulad ng mga tula

na sinulat sa papel

Kapag hindi magustuha'y

pinupunit

Ilang beses nang

palipat-lipat

ang puso ko

sa iba't ibang

uri ng pag-ibig

Tulad ng bubuyog

na sumisipsip

ng nektar

ng sari-saring bulaklak

Subalit

hindi ko nakita

ang pag-ibig

na nais

ng puso kong sawi


Pero

may nakalimutan ako

May isa pa palang

puwedeng mangyari

Kung walang

makikilalang

bago

maaari namang

magkabalikan

ang dalawang tao

na noon ay nagmamahalan

ng tunay at lubusan


Puwede ko pa palang

muling mahawakan

ang kanyang kamay

muling mayakap

siya nang mahigpit

muling mahalikan

ang kanyang mga labi


Siguro

kung pagbibigyan

ng pagkakataon

Kung pagbibigyan

ng tadhana

Ngunit

dapat pa ba

na ako'y umasa?



Paikot-ikot, Patingin-tingin [isang Tulaserye]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon