Gunita

101 1 0
                                    

Gunita

Naalimpungatan ako, tumigil bigla ang bus. Tumayo ako mula sa aking kinauupuan para tignan kung nasaan na, nagdidilim na ang paligid, wala pa din ako sa Bataan. Medyo mabigat na ang pakiramdam ko dahil siguro walang aircon, mainit kaya bumaba muna ako. Wala ang drayber at konduktor nito, mukhang nasiraan ang bus, siguro ay tatawagin naman nila ang mga bababa kung sakaling maayos na ito. Wala ako masyadong makita sa paligid, parang napakamalas naman yata ng nasakyan kong bus at dito pa nahinto parang walang malapit na talyer. Nakakatakot, dahil may sementeryo akong natatanaw, hindi kalayuan sa kung saan ako. Sa tabi ng bus, may nadampot akong dilaw na ipit pangbabae, ribbon ang disenyo. Pamilyar ang itsura nito, hindi ko maalala kaya pinulot ko. Hindi na ako masyadong nagpakalayo dahil nagtakipsilim na. Ganito rin ang dilim ng paligid nang una kong nakilala si Daniela. Sa bahay namin noon sa Bataan, kaarawan ng aking nakababatang kapatid na si Baneng. Uso pa noon ang Baylehan, dose anyos lang ako nang nakahiligan ko ang sumayaw. Sa indak ko, biglang nawala ang kuryente, ako'y nagtatatakbo sa pagkaduwag sa dilim. Nauntog ako. Isang batang may mahabang buhok ang nakapa. Tumakbo ulit ako. Lumiwanag na ang paligid. "Nanay! Yung buhok ko!!!", bulalas ng isang batang nakaluhod patalikod sa gilid. Uminom na lang ako ng tubig sa pagod ko. "Nay! May batang bumangga sakin kanina!", hiyaw ng batang humiyaw din siguro kanina. Natigilan ako, mga paru-paro yata ang nainom ko pagdaan niya sa harap ko. Unang pagkakataon ko iyon na makakita ng magandang batang babae sa lugar namin, madalas kasi dugyuting mga batang inuuhog pa ang mga nag-lulutu-lutuan doon. Lumapit ang aking kapatid at inusisa kung ano ang nangyari, kaibigan pala niya ang batang iyon na nagwawala dahil nagulo ang kanyang buhok. Bagong lipat pala sila ng pamilya niya dito sa aming lugar, ang wirdo lang dahil napakaputi niya, malamang mayaman siya pero bakit nandito siya sa liblib na lugar? Napakamot na lang ako sa nagmamantika ko ng buhok.  

"Teka? Nabangga?", na-tangang tanong ko sa sarili. Hindi kaya siya yung may mahabang buhok na nakapa ko kanina? "Naku..naku...naku...nakakahiya!" 

Nilapitan ko ang batang iyon para sana mag-sorry dahil ako yung nakasira sa buhok niya. Hindi niya ako pinansin sa kaka-ayos niya ng kanyang buhok. "Daniela! Tama na yan!", bulyaw ng isang ,matandang nakakatakot na babae, marahil nanay niya iyon. Dahil dun, nakilala ko na siya. Napakagandang pangalan, Daniela Ana Alcantara. Hindi tulad ng mga pangalan naming hindi ko alam kung saang kalupaan binungkal ng aming mga magulang. Baneng at Benok, hindi ko talaga alam kung paanong naisip ito nila mama at papa, tapos bitbit pa namin ang apelyidong Madaho. Mahal ba talaga nila kami?. Nakakatawa. Basta ako, balang araw, mga pangalan ng sikat na tao ang ipapangalan ko sa aking mga magiging anak. Hindi ko na siya masyadong nakita pagtapos nung kaarawan ni Baneng. Balita ko, ayaw siyang palabasin para makipaglaro sa ibang bata sa lugar namin, kasi nga ang dudungis nila, baka magkasakit siya. "Grabe naman!", ito na lang ang naalala kong nasabi ko noong mga panahong iyon. Hindi ko lubos maisip kung paano niya na-eenjoy ang pagiging bata kung hindi niya pa nararanasan magkasakit o 'di kaya madapa man lamang o minsan pa nga ay makipagsabunutan sa ibang bata kasi inaagawan ng kutchara habang naglulutu-lutuan. Araw araw ko na siyang naiisip, puro pagtataka na lang ang laman ng utak ko tungkol sa kanya. Minsang niyaya ako ng mga kaibigan kong umakyat sa puno ng alatiris tulad ng lagi naming ginagawa, hinidhindian ko na. Ang tangi kong katwiran, tinatamad ako, pero ang totoo gusto kong matyagan ang labas ng bahay nila Daniela na malapit lang naman sa amin. Gusto ko sana siyang makalaro tulad ng ibang bata, sa tingin ko kasi magkakasundo kami at gusto ko talagang magsorry. Hindi pa niya kasi alam na ako yung batang nakabangga sa kanya. 

Malapit na ako sa gate nila, napakataas ng kanilang gate, bubong lang ang tangi kong nakikita, dahil siguro napakaliit ko pa noon. Hindi pa man ako kumakatok, may malaking mamang kalbong naka-barong ang biglang lumabas. "O bata, bawal ka dito." Ang sabi niya. "Pwede po bang makipaglaro kay Daniela?", biglang tanong ko na may nginig na mamumutawi sa aking mga labi. "Bawal makipaglaro kay Daniela", sagot nung mamang bilog ang boses. 

Tumakbo ako. Nakakatakot siya. Hindi ko na naman tuloy nakita si Daniela. 

Naalala ko yung sinabi ng mamang kalbo na bawal ang bata sa kanila. Kaya naisip ko noon ay huwag nang pumunta dahil baka isumbong nila ako kay papa at palo at asin na naman ang ihahapunan ko dahil sa kakulitan ko. 

Dieciseis anyos na ako at ilang linggo na lang ay magtatapos na ako sa hayskul. Sa Maynila na ako magkokolehiyo. Ang sabi kasi nila, mas malaki ang chansa ng magandang trabaho sa ibang bansa kung sa siyudad ako makakapagtapos ng kursong medisina.  

Halos hindi na rin ako masyadong nag-isip tungkol kay Daniela at hindi na rin sila nagkakaroon ng komunikasyon ng kapatid kong si Baneng, hindi na ako umaasa na magiging kaibigan ko pa siya.  

Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko sa gilid ng bus, medyo nakaramdam na ako ng pulikat sa aking mga binti. Iniisip ko pa din kung nakita ko na ba talaga dati ang ribbon na dilaw na napulot ko. May nakita akong dalagang bumaba mula sa bus na pinanggalingan ko, tinanong ko kung ayos na ba ang bus at kung pwede nang pumanik ulit. Hindi siya sumasagot. Tulala lang. naglakad siya ng napakamalumanay mula doon, sinundan ko siya.  

Tinanong niya ako bigla, "Masaya ka ba?". Ang wirdo ng tanong niya. Nakaramdam ako ng lungkot marahil sa tono ng kanyang pagkatanong sa akin. Natigilan ako ng ilang minuto.  

Naalala ko ang pagdatng ko sa Maynila at unang araw sa eskwela. Nakakapanibago lahat ng mga nangyayari sa aking paligid. Parang hindi totoo. Ang daming magagandang babae, mapuputi, tulad ng batang nakilala ko noon na si Daniela sa aming probinsya. Pero hindi na ako bata para yayain ko ang mga ito na makipaglaro sa akin. Ano naman ang lalaruin namin sa edad naming ito hindi ba? Hindi ko alam ang mga usong laro dito sa Maynila.  

Tumatakbo na ang unang semestre ng paaralan, ngunit hindi ko lubos maintindihan kung bakit tila hindi ako natututo sa mga itinuturo ng aking mga propesor. Nahiga na lang ako sa dormitoryo. Napaisip sa mga bagay-bagay. Patanong-tanong, kunwari may kausap. Buga-buga sa salamin tsaka dodrowingan. Naisip ko, hindi ko gusto ang mga pinag-aaralan ko. Ang pagsasayaw ang una kong nagustuhan, gusto ko pala maging isang guro. Sana edukasyon ang aking kinukuha, hindi itong gusto ni papa. Naudlot niya kasi itong pangarap. Pero ano naman ang magagawa ko? Sila ang nagpapa-aral sa akin. Ngayon, natapos ko na ang anim na taong iyon ng medisina, isang mabigat na pagsusulit na lang, magkakaroon na ako ng lisensya bilang ganap na duktor. Makakatulong na ako sa aking mga kababayan balang araw.  

Sinagot ko ang babaeng nagtanong sa akin kung masaya ba ako. "Oo, masaya ako." Nilingon niya ako sa kanyang gilid, napansin ko ang nangingiyak niyang mga mata. Marahil ang dalagang ito'y may pinagdadaanang mabigat sa kanyang buhay ngayon kaya hindi siya masaya. "Buti ka pa...Naging masaya", payukong sambit ng dalagang aking sinusundan. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot, kung kaya naman hinayaan ko na muna siyang maglakad at baka kailangan niyang mapag-isa.  

Naisip ko ang batang si Daniela, masaya din kaya siya sa buhay niya ngayon? Kamusta na kaya siya? Doon pa rin kaya siya nakatira malapit sa aming bahay? Sana sa pagkakataong ito, makausap ko na siya.  

Pabalik na ako ng bus, nang may makasalubong akong matandang babaeng may hawak na baston, nasa sesenta anyos na ang edad. Nginitian niya ako kaya naman bilang pag-galang, ngumiti din ako. Hindi ko alam ang dahilan ngunit napahinto ako. Nilapitan niya ako. "Taga Bataan ka iho hindi ba?", "A opo nay.", nagtataka kong sagot sa kanya. "Taga doon po talaga kami, sa Maynila lang ako nagkolehiyo at ngayon lang po ako makakabalik, anim na taon na din..." 

Nakinig lang siya at hindi masyadong nagsasalita habang nagku-kwento ako. Parang nasisiyahan siyang naririnig ang aking mga sinasabi lalo na sa batang si Daniela na hindi ko man lamang nakausap noon. Ngiti siya ng ngiti na tila napagdaanan niya ang mga bagay na iyon. Tumayo ang matanda, "Halika, samahan mo ako...", sumama ako. Natatakot ako dahil sa direksyong pa-sementeryo ang aming tinatahak. Naisip ko, marahil may kamag-anak siya doon na gusto niyang daanan. Tinuro niya ang lapida, hindi ko maaaninag dahil sa dilim ng paligid. May dinukot ang matandang babae mula sa kanyang bulsa, may nahulog. Tinangka kong damputin kung ano man iyon ngunit bigo din akong makita. Hanggang sa pinailaw ng matanda ang dala dala niyang flashligh, itinutok sa lapidang nasa harap namin. Madamo na ito. Hinawi ko. Nababasa ko na ang pangalan. Benok Madaho, RIP Aug. 12, 1956- May 20, 1978. Nagulat ako sa aking nakita, napaupo ako. Natulala. Tinanong ko ang matandang aking katabi kung anong taon na ngayon. "2010...". Naiyak na ako. Napayuko. Nakita ko ang nahulog na gamit ng matanda, isang ID. Daniela Ana Alcantara ang kaniyang pangalan. Ang batang nakilala ko sa Bataan. "Tatlumpu't dalawang taon na Benok, sana hindi ka na babalik dito sa susunod na ganitong petsa. Tinatanggap ko na ang sorry mo. Ang ipit ko sa buhok? Nasa akin na Benok. Salamat sayo".

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon