Huling Karoling

23 2 0
                                    

"Thank you, thank you. Ang babait ninyo thank you."

Padating na naman ang kapaskuhan. Nagsisiawitan na ang mga mumunting bata sa bawat bahay na kanilang madaraanan. Mga awiting madalas ay wala sa tono at minsan pa'y mali ang mga liriko. Ngunit patuloy parin ang mga bata sa pag-awit, makalasap manlang ng kahit piso na iaabot sa kanila ng may tahanan. Pero kadalasan "Patawad" lamang ang kanilang nakukuha. O di kaya'y bulyaw ang kanilang makukuha sapagka't naiingayan ang may bahay. Kaya naman babanat ang mga ito ng "Thank you, thank you. Ang babarat ninyo. Thank you." Kasabay nito ang pagkaripas nila sa pagtakbo. At muling magbabakasakali sa ibang bahay.

"Sa may bahay ang aming bati. Meri krismas nawawalhati. Ang pag-ibig na siya---"

"Oh eto ang limang piso tama na yan." sabay abot ng limang pisong buo.

"Thank you, thank you, thank you very much thank you."

"Tara doon tayo sa subdivision mangaroling. Tiyak na malaki ang makukuha natin doon." paghihikayat ng isa sa kanila.

Sumang-ayon naman ang kaniyang mga kasama kaya nagtungo agad sila sa subdivision. Namangha ang mga bata sa mga kumukuti-kutitap na mga ilaw sa bawat malalaking kabahayan. Bawat bahay ay may iba't ibang disenyo sa labas. Tila nahipnotismo ang mga bata sa kanilang nasilayan. Hindi kase nila ito nakikita sa kanilang lugar.

"Isa-isahin natin ang bawat bahay, wala naman sigurong masama dun tyaka wala tayong kaagaw, tayo lang ang nangangaroling dito." buong giliw na sabi ng batang lalaki.

"Pero baka mapano tayo dito. Wala tayong kakilala dito." pag-aalinlangan ng isa pa.

"Wag kang mag-alala, walang mangyayari sa atin dito." sagot ng isa.

Nagsimula nang magtungo ang mga bata sa unang bahay na kanilang aawitan. Pumwesto sila sa harapan ng di kalakihang gate at nagsimula na silang kumanta.

"Oh jingle bells jingle bells
jingle all the way!
Oh what fun
it is to ride
In a one horse open sleigh, Hey!
Jingle bells jingle bells
Jingle all the way!
Oh what fun it is to ride
In a one horse open sleigh."

Sabay-sabay silang umaawit kasabay rin nito ang pag-alog at pagtapik sa kanilang instrumento na gawa sa tansan, alambre at lata, tambourine at drums kumbaga. Makikita mo sa mga itsura ng mga bata ang kasiyahan sa pagkanta.

"Oh eto. Merry Christmas." lumabas ang isang katulong mula sa bahay na kanilang inaawitan at inabutan sila ng singkwenta pesos.

Maaaninag mo sa mga mata ng mga bata ang kagalakan sa kanilang natanggap.

"Thank you thank you thank you very much thank you. Maraming salamat po."

----

Nilibot ng magkakaibigan ang subdivision, at lahat ng kanilang puntahan ay binibigyan sila ng pamasko. May iba pa nga na candies at chocolates ang ibinigay sa kanila. Tuwang-tuwa ang mga ito.

"Marami na tayong nakuhang pamasko. Uwi na tayo." pagyayaya ng batang babaeng kulot ang buhok.

"Mamaya na. Maaga pa naman. Alas-dyes palang. May bahay pa doon." kasabay nito ang pagturo sa napakalaking bahay sa gawing kanan.

Wala nang nagawa ang batang babaeng kulot ang buhok dahil nagtakbuhan na ang kaniyang mga kaibigan sa nasabing bahay kaya patakbo na rin siyang nagtungo doon. At muli na naman silang namangha sa kanilang nasasaksihan. Mas maganda ang mga palamuti sa bahay na kanilang tinititigan ngayon. Mas maraming ilaw ang kumukuti-kutitap. May Santa Klaws na kunwari'y umaakyat sa bintana, may mga usa na animo'y tumatakbo sa bubungan ng bahay, mga christmas lights na nagbibigay liwanag sa labas ng bahay at kung anu-ano pa. At ang lalong nagpahanga sa mga bata ay ang nyebeng naglalaglaan mula sa bubungan.

"Ang ganda, parang nasa Amerika."

Nakakapit ang mga bata sa bakal na gate habang nililibot ng kanilang munting mga mata ang buong paligid nang biglang may di katandaang babae ang lumabas sa malaking pintuan.

"Magandang gabi. Ano ang kailangan ninyo?" pagtatanong ng babae habang papunta sa kanilang direksyon.

Dali-dali namang umayos ng puwesto ang mga bata at akmang kakanta.

"Dito na kayo sa loob kumanta. Para naman mapakain ko kayo." pagpuputol ng babae sa mga bata.

Nagdalawang-isip ang mga bata kung tatanggapin nila ang alok ng babae. Sa huli'y napagpasyahan din nilang pumasok nalang. Sa isip-isip nila'y baka makakain sila ng masasarap.

Binuksan ng babae ang tarangkahan ng kanyang gate at pinapasok ang mga bata. Naglakad na sila papasok sa bahay. Sa kanilang paglalakad ay unti-unting dumidilim ang daang kanilang nalalagpasan, hindi ito napapansin ng mga bata dahil sa mangha nila sa bahay na nasa kanilang harapan. Tila naakit sila ng lubos sa palamuti nito. At sa kanilang pagpasok sa loob ng bahay ay siyang paglaho ng mga magagandang palamuti sa labas ng bahay. Ang magandang bahay ay unti-unting naging itim. Naglaho ang mga pailaw sa labas at siya ring paglaho ng bahay na pinasukan nila. Nagmistulan itong bakanteng lote. Walang magandang bahay. Wala kahit ano mang dekorasyon. At umalingangaw ang tili at sigaw ng mga bata habang humihingi ng tulong. Ngunit walang nakakarinig sa kanila. Wala ni isa sa lugar na iyon ang nakakaalam ng nagaganap. Wala sa kanila ang may alam na may kababalaghang nangyayari sa abandonadong bahay. Payapa at masaya silang nagdidiwang ng kapaskuhan. Hindi nila alam na sa bawat tawanan nila ay siyang pagtangis ng mga bata habang kinikitil ng babae sa kanilang harapan ang buhay ng bawat isa sa kanila, habang dumadanak ang kanilang mga dugo. Na ni minsan ay hindi nila inisip na mangyayari. Na hindi inaasahang matatapos sa ganitong paraan ang kanilang mga buhay. Habang masayang kumakain ng handa sa Noche Buena ang mga taong nakatira sa Subdivision na iyon ay kasabay nito ang siya ring pagkain ng babae sa laman ng mga batang ang tanging gusto lamang ay mangaroling upang may pamaskong makuha. Mangaroling para kahit papaano'y mapasaya ang bawat kabahayan. Kung sabagay, napasaya nila ang bawat bahay na kanilang pinuntahan lalong-lalo na ang huling bahay na kanilang pinuntahan. Kung saan natapos ang pangarap ng bawat isa sa kanila ganitong paraan. Walang tumulong, walang nakatakas at higit sa lahat wala ni isa ang nakaligtas.

Huling KarolingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon