14

39 1 1
                                    

You never know how strong you are until being strong is the only choice you have.
-Bob Marley

•-x-•

Ang Paglalakbay
Jonuxx

Ang buhay ay isang napakahabang paglalakbay,
Dalawang pagpipilian: susulong o bibigay.
Sa pagsulong mo'y walang kasiguraduhan ang kapanaluhan,
Ngunit sa pagsuko mo'y sigurado ang kawalan.

Sa ating mahabang paglalakbay,
Marami tayong makakasabay.
Ngunit sa ating pagtakbo sarili lang ating makakapitan,
Sa tuwing mapagod ay sarili lang ating masasandalan.
Dahil kailangan nating maging malakas hindi lamang para sa sarili natin,
Kundi para rin sa iba na kumakapit at humihingi ng lakas sa atin.

Ito ang mahirap sa mundo,
Sa tuwing pagod ka na'y sayo pa rin ang takbo.
Sa tuwing kailangan mo ng tulong ay wala kang makapitan,
Dahil alam nila na mas malakas ka't ikaw ang takbuhan.
Hindi ka makasandal sa kanila sapagkat sila rin ay pagod,
Dahil may sarili rin silang buhay na sinusugod.

Nakakapanghina na ngunit napipilitan kang tumayo,
Dahil alam mo na kailangan nila ng lakas mula sayo.
Ang natitirang lakas na iyong kinakapitan,
Nakakaubos man pero ibinibigay pa rin sa kanila na nangangailangan.
Sasaya ka sa sandaling makita mo silang ngumiti muli,
Ngunit eto ka, pagod na pagod at walang natira para sa sarili.
Sulit nga ba ang pagbibigay mo ng lakas at pagpapasaya sa kanila?
Gayong ikaw naman ay hinang-hina't walang-wala?

Eto ka na nga't lakas ay tuluyan nang nawala,
Humanap ka ng matatakbuhan ngunit lahat sila'y nauna na.
Mabilis at malakas na tumatakbo,
Habang eto ka, malapit nang huminto.
Pagod na pagod dahil sa lakas na ibinigay mo sa kanila,
Habang sila'y malakas na nauuna.
Wala kang makapitan sapagkat wala ka nang katabi,
Napag-iiwanan na ngayong sandali.

Wala kang magawa kundi sandalan ang sarili,
Huhugot ng lakas sa natitirang kaunti.
Sarili mo lang talaga iyong masasandalan sa tuwina,
Sarili mo lang ang magpapalakas sayo sa tuwing nanghihina.
Sarili mo lang ang magpapanatili sayong matatag na nakatayo,
Sarili mo lang ang makakapitan mo upang mabilis na makatakbo.

Gaano ka man kabagal o kabilis tumakbo,
Tumakbo, lumakad, o gumapang ka man palayo,
Kahit ano man yan ay ayos lang.
Ang importante ay umuusad ka't makakarating sa karoroonan.

Sa paglalakbay mo ay may mga taong maiiwanan ka,
Ngunit asahan mo na may mga taong babalikan ka.
May mga tao ring makakasalubong ka,
Makikila mo sila sa pagtingin mo sa iba hindi sa katabi mong nawawala.
May mga tao rin namang kahit anong mangyari ay makakasabay mo sa buong paglalakbay,
Sila yung mga taong nakalaan talaga para sayo, nakaakbay.

At asahan mo na kahit hindi na tayo magkasabay sa pagtakbo,
Nandirito pa rin ako't hindi maglalaho.
Bibigyan ka ng lakas sa tuwing mahina ka,
Umakbay ka lang sa akin at hindi kita hahayaang matumba.
Dahil sa puntong 'to napagtanto ko,
Malakas ako.
At kahit na maunahan man ako sa paglalakbay na ito,
Maiwanan man ako sa mahabang pagtakbo na 'to,
Iwanan at layuan man ako sa kinakatayuan ko,
Tatayo ako ng tuwid at magpapatuloy sa pagtakbo.
At sa tuwing kakailanganin mo ng lakas,
Nandirito lang ako't hindi mawawala hanggang sa magwakas.

Her SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon