Alina
"Kuya Eric, Puwede ba kitang mahiram sandali?" Mahinahong tugon ni Nicka, isa sa mga kasamahan nito sa trabaho.
Lumingon si Eric kay Nicka at sinabihang tatapusin muna ang kanyang ginagawa. Tumango naman ito at saka tuluyan ng umalis. Inayos niya ang higaan ng pasyente nilang si Aling Tessy, itinabi sa kanya ang laruang manika saka kinumutan ito nang hindi ginawin sapagkat patuloy paring bumubuhos ang malakas na ulan.
Nang matapos niya ang lahat ng kailangan niyang gawin ay lumabas na rin siya. Kaagad siyang nagtungo sa silid kung saan sinabi ni Nicka kung saan sila magkikita. Ito ang kwarto kung saan unang dinadala ang mga bagong pasiyente sa mental hospital na kaniyang pinapasukan bilang nurse.
Pagpasok sa naturang tagpuan ay bumati sa kanya ang isang kakaibang tanawin, hindi na bago sa kanya ang humarap sa mga baliw araw-araw subalit nagtaka ito sa kanilang bagong pasyente. Hindi kagaya ng ibang mga matagal na niyang naranasan, kadalasan sa mga reaksyon ng kanilang mga pasiyente kapag bagong pasok sila ay nagwawala at napaka-agresibo.
Ngunit ang babaeng nasa harap nila ngayon ay iba. Tahimik lang ito, malimit gumalaw at nakapako lamang ang paningin sa sing-sing na suot nito. Hindi niya lubos na maipaliwanag kung bakit ganoon nalang katindi ang nararamdaman niya para dito.
Mas nabigla pa ito nang makita ang mga sariwang pasa sa mga bisig, balikat at paa nito, ngunit ang mas naka-pukaw ng sarili niya ay ang sugat sa kanang kamay nito. Kung hindi siya nagkakamali ay dulot iyon ng tangkang paglalaslas.
Marami sigurong naranasan itong hindi maganda? Trahedya? O di kaya'y matinding pagsubok... Subalit sa pagkakaalam ko ay hindi isang solusyon dito ang pagkitil sa iyong sariling buhay. Ang pagpapakamatay ay hindi isang solusyon. Itoy pagtakas! Pagtakas sa gapos ng lumbay at kahirapan.
Marami pang tumatakbo sa isip ni Eric, subalit iisa lang ang naiisip niyang unang gawin. Kailangan tulungan ang babaeng ito, kailangan niyang ipakita ang tunay na kulay ng mundo, ito'y dahil sa sinumpaan niyang tungkulin. Ang maging isang nurse.
Dahil masyadong abala sa mga gawin ang kanyang ibang mga katrabaho, sa kanya na ibinigay ang tungkuling bantayan ito at painumin ng gamot. Napagalaman din niya na Alina ang totoong pangalan nito, 23 taong gulang. Mas naawa rin siya dahil masyado pa itong bata sa kondisyon nito ngayon.
Kinabukasan ay maaga pa siyang nag-ayos, pagkatapos ay kaagad ring dumiretso sa kanyang gawain. Pinakain na niya ang lahat ng kaniyang mga binabantayan subalit ayaw kumain ni Alina. Sinubukan niyang lumapit at kausapin ito ngunit wala man lang siyang narinig kahit isang tunog mula dito. Ang tanging ginawa lang niya ay tumingin sa gintong sing-sing na suot nito. Lumapit siya dito at sinubukan itong kausapin.
"Ah... Alina kainin mo na yung pagkain mo kasi lamalamig na, sige ka papangit na ang lasa niyan?" Magana niyang tugon dito subalit hindi parin ito umimik.
"Ahm... Hindi mo ba gusto ang pagkaing inihanda ko? S-sige ikukuha lang kita ng iba!" sabi ni Eric pagkatapos ay kumuha ng ibang putahe pero hindi parin nito ginagalaw ang pagkain.
Maya-maya ay may tumulo ng mga luha mula sa mga mata ni Alina, ngunit kahit na umiiyak ay hindi niya parin inaalis ang kaniyang paningin sa singsing. Hindi rin ito gumawa ng kahit na anong eksena o tunog man lang. Makikita mo sa kanyang mga mata ang matinding kalungkutan na dinadala nito. Kalungkutan na hindi kayang maibsan ng simpleng pagpatak ng luha lang.
![](https://img.wattpad.com/cover/57588392-288-k685925.jpg)