Miss Careless and Her Love Letters - PROLOGUE (Published)

3K 61 4
                                    


ANG pinakaayaw ni Charlotte sa lahat ay iyong nale-late sa klase. Iniiwasan niya kasing maranasan iyong eksena na papasok siya ng room pagkatapos ay pagtitinginan ng mga kaklase. Kapag alam na niyang male-late siya, pinipili na lamang niyang hindi pasukan ang subject niya. Ayaw niya lang talagang mapahiya. Aminado naman siyang mababa ang self-confidence niya. She was a loner person but not until she met Cassie―ang best friend niyang hyper sa kakulitan. Ito ang laging nagtsi-cheer sa kanya sa tuwinang pinanghihinaan siya ng loob. Ito rin ang tumutulak sa kanya sa pagsali sa mga pa-contest ng school.

Napatingin si Charlotte sa kanyang wristwatch. Dalawampung minuto na lamang ay magsisimula na ang unang subject niya pero parang pagong pa rin ang usad ng sasakyan nila. Naku, panira talaga ang traffic!

"Mang Ted, wala na po bang shortcut papunta sa school? Male-late na po kasi ako, eh," aniya sa driver.

"Eh, anak wala na tayong ibang maiikutan. Iisa lang ang ruta na puwede nating daanan. Manalangin ka na lang na makausad na tayo."

"Anak" na ang nakasanayan nitong itawag sa kanya dahil katulad nito ay naging malapit na ang loob niya rito. Si Mang Ted din ang nakalakihan niyang driver ng pamilya nila. Kaya naman parang pangalawang ama na rin niya ito.

Limang minuto na lamang ang natitira bago magsimula ang first class niya kaya dali-dali na siyang bumaba ng kotse. Hindi na niya nagawang makapagpaalam kay Mang Ted. Ang masaklap, nasa fourth floor pa ang unang klase niya! Kuntodo suot pa naman din siya ng high heels na sapatos. Kung bakit ba naman kasi iyon pa ang pinagpipilitang ipasuot sa kanya ng Mommy niya, eh. Grr!

Tinakbo ni Charlotte ang designated room nila. Hindi na niya inalala kung masira man ang kanyang poise. Ilang steps na lang at mararating na niya ang room nang walang anu-ano ay namali siya ng paghakbang. Napatili siya at hinintay na lang ang pagbagsak ng katawan sa semento. Pero, bakit ganoon? Wala siyang maramdamang anumang pananakit sa katawan.

Dagli niyang iminulat ang mga mata at napatulala siya sa kaalamang buhat-buhat siya ng isang lalaki. A not so ordinary man! Pakiramdam niya ay nakatunghay siya sa isang Greek God. Hindi siya madaling ma-attract sa mga lalaking basta guwapo lang pero tila ba may malakas na puwersang humihila sa mga paningin niya para hindi makuhang alisin ang tingin dito. Ito na yata ang lalaking pinakaakma sa salitang "guwapo". Her hero.

Maingat siyang ibinaba ng lalaki sa bench na naroon sa corridor. Para bang nalulon niya ang dila dahil hindi niya magawang makapagsalita. Ni "ha" ni "ho" ay walang namutawi sa kanyang mga labi. Lalong hindi na niya nakuhang makapagsalita dahil sa pakikisabay ng malakas na dagundong ng kanyang puso.

"Charlene, are you okay? Wala bang naging fracture ang paa mo?" pagkuwan ay tanong ng binata. Yumukod ito at masuyong hinawakan ang kanyang binti.

Napapiksi si Charlotte. Wala namang masakit sa kanya ngunit pakiramdam niya ay may boltahe ng kuryenteng bumalangkas sa bahaging iyon na hinawakan ng estrangherong lalaki. Hep, bakit tinawag siya nitong Charlene?

She spoke. "I-I'm sorry. Hmm, you called me Charlene? That's not my name..."

Napahumindig bigla ang lalaki. Tiningnan siya nito. Mula sa pagkabigla ay nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Naging malamlam ang mga mata nito. Iyon na yata ang pinakamalungkot na pares ng mga matang natunghayan niya sa tanang buhay niya. At hindi niya maintindihan kung bakit tila may puwersa sa kaloob-looban niyang bumubulong na pawiin ang kalumbayang iyon. And when Charlotte was about to reach for him, noon naman ito nagsalita.

"Ah, hindi ko napansing nasabi ko 'yon. If I did, I'm sorry." Biglang-bigla ay naging mailap ang mga mata nito. "Anyway, gusto mo bang dalhin kita sa clinic?"

May kung anong pumitik sa kanyang isip. Naku, male-late na nga pala siya! Hinarap niya ito. "No need. Salamat sa pagmamalasakit mo at pagligtas sa akin. I owe you big, but I really need to go. Late na kasi ako sa klase ko," aniya, sabay tayo.

"Miss wait!" He instantly grabbed her arm. Sa isang iglap lang din ay naramdaman na naman niya ang paggapang ng kilabot hanggang sa kasuluk-sulukan ng kanyang pagkatao.

Sa kabila ng lumulukob sa sistema ay nagawang pumihit ni Charlotte paharap sa lalaki. "Yes?" Hindi niya sigurado kung narinig nito ang sinabi niya dahil halos pabulong iyong namutawi sa kanyang mga labi. Uh-oh, what's happening to her?

"May I―"

"Charlotte! Oh my gosh!"

Naagaw ng boses na iyon ang atensiyon niya. Si Cassie. Kadarating lang din nito? She looked at the strange slash good-looking man in front of her. "I really am sorry. I'm running late. Just see you around?" Napangiwi siya sa isip sa huling tatlong salitang sinabi niya. Parang ang awkward yata niyon. Ang lumalabas, eh, parang gusto pa talaga niya itong makita.

Ikiniling ni Charlotte ang ulo at saka tumulak sa kinaroroonan ng kaibigan. Nang makatapat rito ay nagtanong siya. "Late ka rin?"

Itinungo ng babae ang ulo ngunit hindi naman ito nakatingin sa kanya. Sinundan niya ang direksiyong tinitingnan nito. Napalunok siya dahil ang lalaking nakausap niya ang tinatanaw nito. Nayari na. Uulanin na naman siya ng intriga mamaya! Saglit pang nagtama ang mga mata nila ng binata. Pakiramdam niya ay may sampung kabayong nagkakarerahan sa dibdib. Longingness was written in his eyes as he stared at her. Para saan iyon? Oh good heaven! Bago pa siya masiraan ng bait ay hinila na niya si Cassie papasok ng kanilang classroom...



-Heidz Colette


Miss Careless and Her Love Letters (BOOK 1) Published "Lifebooks" - COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon