Kabanata II: Ang Manilenyong Transferee

116 2 2
                                    

Mag-aalas otso na ng umaga. Pagpasok ko sa kuwarto namin ay nakita ko kaagad ang bestfriend kong si Gina. Nakaupo siya sa may gawing bintana sa likuran ng silid-aralan. Nakadungaw lang siya, tila malayo ang inaabot ng kanyang paningin. Mukhang may iniisip siyang malalim, at ipinagtaka ko iyon. Simula pa lang ng semestre pero tila may bumabagabag sa kanya. Sa paglapit ko'y hindi rin niya ako napansin.

 "Hoy bez!" bulyaw ko sa kanya sabay kurot sa kanyang baywang upang kunin ang kanyang atensyon.

 "Bez, ikaw na pala yan," sagot niya. Tinignan niya ako at binigyan ng isang matamis na ngiti. Bumalik uli ang titig niya sa mga nangyayari sa labas ng bintana.

 "Ang lalim ng iniisip natin ha. Anong meron?" tanong ko sa kanya habang inayos ko na rin ang aking pag-upo.

 "Wala bez. May naalala lang ako."

 "Yung transferee 'no?" pag-uusisa ko. Kilala ko na si Gina. May pagkatsimosa kasi yang kaibigan kong iyan, kaya alam kong ang napapabalitang transferee ang nasa isip niya. Tinignan uli niya ako. Muli siyang ngumiti, pero iba na ang kanyang ngiti ngayon. 'Yon bang ngiti ng babaeng kinikilig. Nginitian ko na rin siya.

 "Quiet ka lang bez!" sagot niya, pilit na pinipigilan ang sarili na tumawa. "Ang gwapo niya bez! Kakakilig!"

 "Gwapo? So lalaki pala ang transferee" sabi ko na lang sa sarili ko. "Eh pano mo nalamang gwapo siya?" tanong ko ulit sa kanya.

 "Hay bez, wag ka mabibigla... Kaklase natin siya friend." Sadyang hininaan niya ang kanyang boses upang walang makarinig na iba. "Akalain mo yun, sa dami ng mga sections nating MA eh sa klase pa natin siya papasok?" Tila hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili na kiligin sa kanyang sinasabi.

 "Ha? Ano bez?" Tanong ko sa kanya. Medyo napalakas ang aking pagkakabanggit ng mga salitang iyon. "Binibiro mo naman ako e"

 "Mukha ba akong nagbibiro bez?" Naging seryoso siya sa ilang sandali. "Pumasok na siya kanina. Lumabas nga lang sandali, nagCR ata o ewan." Itinuro niya ang isang blue na Jansport bag na nakalagay sa isang silya sa kabilang dulo ng silid, kahanay ng mga silyang kinauupuan namin. "Iyon pa nga ang bag niya o" dugtong pa ni Gina.

 Pinagmasdan ko ang bag na itinuro ni Gina. Naglaro tuloy sa isip ko kung ano ang itsura ng transferee. Nasa ganoon kong pag-iisip nang may isang lalaking umupo sa silyang kinalalagyan ng bag. Nabigla ako at nahiya na baka makita niya akong nakatingin sa gamit niya kaya agad kong ibinaling ang aking tingin kay Gina. Hindi ko man lang napansin ang mukha ng transferee.

 "Ano bez, gwapo 'no?" tanong ni Gina. Halatang kinikilig pa rin.

 "Di ko napansin bez," sagot ko naman.

 "Anong di napansin?"

 "Eh hindi naman talaga eh. Nang umupo na siya e sayo agad ako tumingin"

 "Chosera. Sinumpong ka na naman ng pagkamahiyain mo"

 "...." Hindi na ako nakasagot.

 "Teka lang bez, panoorin mo ito" sabi niya sabay kindat sa akin. Tumayo siya at naglakad patungo sa transfer student. Sinundan ko na lang siya ng tingin.

 "Hi!" wika ni Gina sa transfer student, pero mukhang hindi siya napansin dahil nakasuot ito ng earphones. Gusto kong matawa sa itsura ng bestfriend kong hindi pinansin ng isang lalaki. Tumayo ito sa harap mismo ng transfer student, halatang nagpapansin, at muli ay nagsalita. "HI!"

 "Ano?" tanong ng lalaki na halatang hindi naintindihan ang sinabi ni Gina. "Oh, I'm sorry," dugtong pa niya at saka inalis ang suotsuot na earphones. "Did you say something?" tanong niya ulit.

 "Ang sabi ko, 'Hi'," sagot naman niya. "I'm Gina."

 "Ah. Hi. I'm Luke. Luke Santillan." Inabot niya ang kanyang kamay sa aking bestfriennd upang makipagkamay at tinanggap naman ito ni Gina.

 "Luke pala ang pangalan ng transfer student," sabi ko na lang sa sarili ko. "Mukha naman siyang mabait. At itsura pa lang ay halatang anak mayaman." Pinagmasdan ko ang dalawa na mag-usap. "At itong si Gina talaga oh, di maitago ang pagkakilig" sabi ko ulit sa sarili ko.

 Sa pag-uusap nila'y napalingon si Gina sa akin. Itinaas ko ang aking mga kilay habang tinignan niya ako. Mukhang alam ko na lang ang plano ng aking bestfriend.

 "Oo nga pala Luke. I want you to meet my bestfriend, Pam," sabay taas ng kanyang kamay paturo sa akin. Napalingon naman si Luke. Tumayo ako at lumapit sa dalawa.

 "Hi Pam," sabi niya, sabay alok ng kanyang kanang kamay sa akin. Inabot ko ito at nakipagkamay sa kanya. Sa pagdampi ng aking palad sa kanyang kamay ay parang may kuryente akong naramdaman.

 "Hi Luke," ang casual ko na lang na sagot, sabay ngiti.

 Nagkatitigan kami, hawak-hawak pa rin namin ang kamay ng isa't isa. Tila bumagal ang takbo ng oras sa sandaling iyon. Napako lang ang aking tingin sa kanyang makinis na mukha, sa tila nag-uusap niyang mga mata patungo sa matangos niyang ilong at mamula-mulang labi. Para bang nawala ang mga kaklase namin sa loob ng silid, pati ang kaibigan ko. Pakiramdam ko'y kaming dalawa lang ang naroroon. Ibang ligaya ang aking naramdaman sa pagngiti niyang iyon sa akin.

Alaala ng Unang Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon