The Intended Wife - Chapter One
"Cha naman, hindi ka pa ba napapagod? Alam mo kung ako sa 'yo, nakipaghiwalay na 'ko. Hindi ko kaya magtiis sa ganyan," naiiling na sabi ni Samantha matapos marinig ang kwento ko sa nangyari sa amin ng asawa ko kanina. Ibinaling ko sa kanya ang tingin, kasalukuyan siyang kumakain.
"Mahal ko siya, Sam. Nangako ako. Nag bitaw ako ng salita. Saksi ang Diyos noong sinabi ko 'yon. Hindi ko iiwan si Van," sabi ko at ngumiti.
"At nagawa mo pang ngumiti pagkatapos ng nangyari? Aba'y ang lakas mo naman, Chastine!"
"Walang hindi kakayanin para sa kanya, Sam."
Inikutan niya lang ako ng mata. Sinuklian ko lamang ito ng ngiti. Iyon lang naman ang magagawa ko. Ang ngumiti. Ngumiti sa lahat ng sakit. Baka sakaling dumating din 'yong araw na mapapalitan 'yon ng saya. Malay natin.
Naalala ko na naman tuloy kung ano ang nangyari kanina. Nagalit ko na naman ang asawa ko.
"Sabi ko naman sa'yo, 'di ba? 'Wag mo pakialaman ang mga gamit ko! Ano ba ang hindi mo maintindihan do'n? Paano ko maibabalik 'yon ngayon? Kailangan ko na ibigay kay Papa 'yon bukas!" sigaw niya sa akin. Napapapikit na lang ako sa bawat salitang binibitawan niya sa akin.
"Akala ko kasi basura na. Sabi ko sa 'yo doon sa box mo ilagay 'yong mga hindi na kailangan na papel, 'di ba? Eh doon ko nakita kaya akala ko itatapon na. Hindi ko naman sinasadya, Van," paliwanag ko sa kanya.
"At kasalanan ko pa?! Sana man lang tinignan mo muna bago itinapon. At saka pumayag ba ako do'n sa sinabi mong basurahan na 'yong box na 'yon? Ano bang tingin mo sa akin? Hindi marunong magtapon sa tamang lagayan? Ano, ha?!"
"Gagawan ko na lang ng paraan. Ipapaliwanag ko kay Papa 'yong nangyari. 'Wag ka mag alala. Ako na ang kakausap. Gusto mo bang pumunta ako mamaya sa opisina?" tanong ko sa kanya.
Binato niya ako nung box at hinagis ang ibang papel sa akin. Pinulot ko naman ito isa isa.
"Huwag na. Dito ka na lang. Hindi ka lalabas ng bahay. Ayusin mo 'yan. Ako na bahala mag paliwanag kay Papa. Baka lalo lang ako ma-bwiset sa 'yo," sabi niya at lumabas na. Malakas niyang isinara ang pinto ng kwarto.
Ipinagpatuloy ko ang pag aayos ng mga papel na inihagis niya kanina. Kinuha ko 'yong box na ibinato niya at saka ko lang napansin na may punit na litrato roon. Kinuha ko 'yon at tinignan. Hindi ko mapigilan maluha nang makitang litrato namin iyon noong high school. Talaga bang kinalimutan mo na ang lahat, Van?
"Aba ang loka natulala na. Huy, Cha! Nakikinig ka ba?" napatingin ako kay Samantha nang tapikin niya ako.
"Ha? May sinasabi ka ba?" tanong ko sa kanya.
"Tinatanong kita kung sasama ka ba manood ng sine."
Malungkot ko siyang tinignan, "Alam mo naman na hindi pwede. Galit pa si Van sa akin. Sa susunod na lang siguro," sagot ko.
"Ha Ha Ha. Sa susunod? Aba, 'yang susunod mo eh after 10 years pa," may bahid ng pagka asar sa boses niya.
"Pasensya ka na, Sam. Alam kong namimiss mo na 'yong mga ginagawa natin dati. Sorry kasi bihira na lang tayo makalabas. Bihira na natin magawa 'yong mga nakasanayan natin noon. Alam mo naman kung bakit, 'di ba?" hinawakan ko ang kamay niya.
"Oo. Simula noong nakasal ka diyan kay Van, nagbago na ang lahat."
Malungkot akong napangiti. Sa totoo lang, masaya ako dahil kinasal ako sa kanya. Hindi ko lang akalain na magiging ganito kahirap.
BINABASA MO ANG
The Intended Wife (Completed) [Published on Dreame]
General FictionGinawa at ibinigay mo na ang lahat pero hindi pa rin sapat. Ipinaglaban 'yung pagmamahal na sa tingin mo'y tama pero hindi pa rin nasuklian. Ikaw ang may karapatan pero iba ang nakikinabang. Hanggang kailan ka magtitiis sa pagmamahal na sakit naman...