Limampu't Limang Segundo

103 18 13
                                    

     Mula sa kanilang kapaligiran na nababalutan ng maitim na usok ay nagpapatuloy ang bakbakan. Walang sinuman ang may pagnanais na sumuko dahil para ito sa kanilang mapagtatagumpayan. Tuloy-tuloy ang pagtulo ng kanilang pawis at dugo na sumisimbolo sa kanilang hirap at pagsasakripisyo. Lahat sila ay nakadapa, naghahanap ng pagkakataong makapatay ng kalaban. Ang iba ay nakatayo at pilit na hinahanap kung saan nagmumula ang bawat balang ipinuputok sa kanila.

     "Heneral Hectorino!" tawag ng katropa. "Sa tingin ko po ay dapat na nating lisanin ang lugar na ito. Walang ni-isa sa kanila ang nais na sumuko at ibigay ang teritoryong ito," sigaw ng sundalong si Risando.

     Umiling-iling ang heneral at sarkastikong tumawa. "Ngunit, paano natin mapapalawak ang ating bansa kung ngayon pa lang ay sumusuko ka na? Alalahanin mo, mayroon pa tayong limampu't limang teritoryo na sasakupin upang matupad ang ating hangarin! Panigurado ay naghahanda na sila sa ating paglusob."

     "Ngunit, ito na ba talaga ang kasagutan para sa ating kagustuhan? Ito ba ang nararapat na gawin natin para makamtam ang ating mithiin? Malabong makuha natin ang mga teritoryong sa atin, kung sa dahas at pagkamarahas natin ito dadaanin!" Isang putok ng kanyon ang pansamantalang nakapagpatigil sa kanilang pag-uusap.

     "Subalit ay wala tayong magagawa sa mabuting pakikipagkasundo! Kailangan pang dumaan tayo sa kagustuhang nais nila bago natin makuha ang dapat na sa atin. Kailangan pang dumaan tayo sa sapilitang pirmahan dahil 'yon ang gusto nila!" pagmamatigas ni Heneral Hectorino.

     Bago pa man makasagot si Risando, isang kapwa sundalo ang lumapit kay Heneral Hectorino upang ipaalam ang masamang balita.

     "Heneral, kinakailangan na po nating umatras," banggit ng sundalong hingal mula sa pagtakbo. "Hindi ko po inasahan ang mabilis na pagkaubos ng ilan sa atin!"

     Nanindigan ang heneral. "Hinding-hindi tayo aatras! Kung kinakailangan nang gawin ang bagay na magtatapos sa kanilang buhay ay gawin na!"

     Tumutol ang sundalong si Risando. "Ngunit, Heneral, hindi ba't-"

     "Manahimik ka, Risando," pagputol ng heneral. "Wala nang makakapigil pa sa akin."

     Hindi nakinig ang heneral sa kung sinumang nagsasabi sa kanyang itigil na ang labanan. "Panatilihing nakababa ang bandilang pangkapayapaan. Ito'y itataas lamang oras na sila'y sumuko at tanggapin ang kasarinlan."

      Muli namang nagsalita si Risando na patuloy ang pag-aaalala sapagkat unti-unti nang nilalamon ng kamatayan ang bawat isa sa kanila. "Tayo ay unti-unti nang nauubos. Sapat man ang ating armas, ito'y walang saysay kung walang mabubuhay," aniya sa heneral ngunit siya'y hindi na pinakinggan pa.



      Bago pa maubos ang limampu't limang segundong ibinigay na palugit ng aming guro upang tapusin at ayusin ang lahat ay naipasa ko na ang aking kuwento. Nagtatanong pa si Lexine kung ano ang naging katapusan nito. Ikinukuwento ko sa kanya ang aking ginawa at halata naman sa kanya ang pagiging interesado.

      "Ang hirap pala. Paano kung hindi magbago ang isip ng heneral? Baka maaaring masira na ang buong daigdig oras na gawin niya ang kanyang kagustuhan. Wala nang kapayapaan kung ito'y mangyayari at wala ni-isa sa kanila ang nanaising tapusin na lamang ito," aniya. Pumalumbaba siya sabay tumingin sa akin.

     "Ang kuwento ay magtatapos sa isang bagay na inaasahang mangyari kung matatapos ang pagbibilang sa limangpu't limang segundo. Sa kabutihang palad, ito'y hindi natuloy dahil sa taong nagnais na rin ng kapayapaan para sa lahat," sabi ko.



     Pumuwesto ang heneral at nagpaputok gamit ang kanyang baril. "Kung hindi namin kayo madadaan sa ganitong pakiusapan, mas mabuting tapusin na ang inyong buhay sa mas madaling paraan!" Inilabas nito ang isang aparato na siyang magkokontrol sa bomba upang ito'y sumabog.

     "Heneral Hectorino! Ano po ang inyong gagawin?" gulat na tanong ang lumabas sa bibig ni Risando.

      "Bago pa man nagsimula ang laban, isang malakas na bomba na ang itinanim ko sa kanilang bakuran. Limampu't limang segundo ang bibilangin bago ito sumabog at wasakin ang kung anong mayroon sila. Maging ito'y armas, lupa, kayamanan o kahit buhay pa man," mariing saad nito sa bawat salitang binitawan. Ngumiti ang heneral sa kanyang balak. "Sa isang pindot lamang dito, asahan niyong sa atin na ang teritoryo."

     Nang mapindot ng heneral ang aparatong konektado sa bomba ay nagsimula na ang pagbibilang sa limangpu't limang segundo. Pinaatras niya ang lahat ng kanyang sundalo na naging dahilan naman upang matuwa ang mga kalaban. Ang mga kalaban na inakala nilang tapos na ang lahat. Ngunit habang ang mga ito ay natutuwa, nauubos ang limangpu't limang segundong oras ng bomba.

     "Patawad, Heneral," sambit ni Risando sa sarili. Binitawan niya ang kanyang armas at ang chapa ng kanyang pagiging sundalo. "Hindi natin kinakailangang makipagdigma para lamang sa ating sariling kapakanan. Ito ay pagiging makasarili. Hindi natin iniisip ang pandaigdigang kapayapaan na maaari nating nakawin oras na ituloy natin ang lahat ng balakin."

     Tinalikuran ni Risando ang hukbo at patagong pumunta sa lugar ng mga kalaban kung saan nakatanim ang bomba. Nang makarating siya roon ay hindi niya alintana ang panganib habang hinahanap niya ang bomba. Hindi niya inisip ang mga taong maaaring makakita sa kanya at ang kamatayan na maaari niyang kaharapin.

     Mula sa limangpu't limang segundo ay naging labing limang segundo na lamang ito na lubos na ikinabahala ni Risando nang makita niya ang bomba.

     Nataranta siya nang ang bomba ay bumaba sa walong segundo na lamang. "Maraming buhay ang mawawala kung ito'y magpapatuloy! Ito'y para sa pandaigdigang pangkapayapaan!" sabi niya, mga huling salitang kanyang binanggit bago napatigil ang bomba gamit ang pagkalas sa isang kawad ng aparato nito.

     Huminto ang bomba sa eksaktong limang segundo. Sa humintong limang segundo, natapos ang kanyang buhay. Isang sundalo sa kalaban nilang hukbo ang bumaril sa kanya matapos nilang makita ito.



     "Napakasama mo! Hindi mo man lang tinapos sa magandang wakas! Kailangan ba talagang may mamatay para lang maipakita ang tunay na kahalagahan ng kapayapaan?! Hindi naman kailangang magkasakitan, magkapatayan o mag-agawan para lang sa pag-abot ng kapayapaang nais na makamtan 'di ba?!" sabi niya.

     Inis na inis akong hinampas ng katabi kong si Lexine. Wala akong ibang ginawa, kung 'di ang tawanan siya.

Limangpu't Limang SegundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon