Sukob na

62 2 0
                                    

Unti-unting naglalaho ang bughaw na alapaap,

At ang kadiliman sa mundo’y  lumaganap.

Tila isang senyales sa buong sanlibutan,

Na parating na ang tubig mula sa kalangitan.

Hinaplos ng bulong ng hangin, ang mga puno,

At ang mga ibon ay lumipad upang magtago.

Isang malamig na simoy, ang yumakap sa kanilang katawan,

Sabay sa pagbitiw ng langit sa pangarap kong ulan.

Napalitan ang katahimikan ng patak ng tubig,

Animo’y isang mainit na musika, sa gitna ng lamig.

At ang lahat ay sinakop o binalot ng ulan,

Pinatigil ang walang hintong paghahanap sa kasagutan.

Tumakbo ang mga tao mula sa kalsada,

Sumilong sa kongkreto na pro-protekta sa kanila.

Tulad ng pagtakbo at pagtago nila sa problema,

Sabay lingon sa itaas upang sulyapan ang pag-asa.

Isang tatay ang nagsarado ng pinto, habang binuksan ng nanay ang bintana,

Ang mga anak nila sa laro’y huminto, at pinagsama sa isang diwa.

Isang pamilya ang nabuo sa kuwento ni nanay, sa awit ni tatay,

At sa yakap ng ligaya, na bumuo sa kanilang bahay.

Sa kabilang litrato ng buhay,

Ay ang mga gutom na sa lansangan nakahimlay.

Nanginginig, at gutom ang sikmura,

Nagsusumamo na sumabay sa agos ang ginhawa.

Bumuhos ang ulan sa isang maganda, at malaking tahanan,

Kung saan nakatago ang materyal na kayamanan.

Kung saan may isang tao na pinagmamasdan ang ulan,

At iniisip kung paano bibilihin ang tunay na kaligayahan.

Pumatak ang ulan sa isang payong,

At sa ilalalim nito ay ang mga ngiti at bulong,

Ng magkasintahan na nangako ng walang hanggang pagibig,

Pagmamahal na di mapipigil, tulad ng pagdaloy ng tubig.

Naglakad ang isang anak sa ulanan,

Sa hindi kalayuan bahay nila ay pinagmasdan.

Bitbit niya ang pangarap na nais puntahan,

Sabay sumpa ng pagbalik, sa kanyang pinangalingan.

Tumakbo ang isang baliw at naglaro sa tubig,

Tinignan siya ng mga tao, sabay bulong sa ibat-ibang himig.

Sumigaw siya, tumalon, sumayaw, at kumanta,

mga bagay na kahit ang matino ay hindi madama.

Ang buhay ay isang paghihintay, paghahanda sa ibat-ibang panahon,

Lumilipas, dumadaloy, pumapatak, sa tamang pagkakataon.

Ang mga tao ay tila mga ulan, na bumagsak sa mundo,

May  kanya-kanyang dahilan, lugar at pangarap na nais matamo.

Nanatili ako sa gitna ng ulan, hinugasan ang natira kong kasalanan,

Tinikman ang tubig mula sa kalangitan, isang lasa ng banayad na kapayapaan.

Sa ating buhay na puno ng tagtuyot, alam kong may isang ulan na parating na,

At kung puno na ang tigang mong puso, sa pag-ibig sumama ka, sumilong pa,… sukob na.

MRJSB- 06-01-10

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 10, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sukob naTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon