Sa Aking Pag-uwi

71 1 0
                                    


Ang lahat ng mababasa ninyo ay hango lamang sa malikot na imahinasyon ng manunulat. Ang mga karakter, lugar(kung mayroon man) at kaganapan ay pawang kathang-isip lamang.

-----*****-----

Written by: jayvill08 (Jaymar Villas)

Date written: January 15, 2016

-----*****-----

Nasasabik na akong makauwi sa aming tahanan. Nasasabik na akong muling masilayan ang aking pamilya na aking iniwan pansamantala para magtrabaho sa ibang bansa. Nasasabik na akong mayakap muli ang aking mag-ina na alam kong gustong-gusto na rin akong mahagkan.

Ilang minuto na lamang ay makakabalik na ako sa lugar na kung saan ako matagal na nawalay, at mapapawi na rin ang pangungulilang tiniis ko sa loob ng mahigit tatlong taon.

Habang patuloy sa pagtakbo ang tricycle na sinasakyan ko ay hindi ko mapigilang mapangiti. Iniisip ang pagtatagpo ng aking pamilya. Alam kong masosorpresa ang mag-ina ko dahil hindi ko ipinaalam sa kanila na darating ako. Sakto, kaarawan ko ngayon. Hindi man ako makatanggap ng kahit anong regalo mula sa kanila, labis-labis na para sa akin na makitang masaya sila SA AKING PAG-UWI.

Mababakas pa ang dilim dahil wala pang alas sais ng umaga. Paghakbang ko pababa ng sasakyan, bumungad sa akin ang hindi kalawakang lupain kung saan nakatirik ang aming bahay. Naaalala ko pa ang mga pagsisikap naming mag-asawa para maipundar ang mga ari-arian naming ngayon, kung paano kami nangarap at nagpursige para buuin ang pamilyang ito.

Kay sarap masdan ng aming bahay na tila ba isang halamanan. Sa paligid ng bahay ay may ilang matatayog na puno. Sa harap naman ay isang namumukadkad at makulay na hardin. Kasabay pa nito ang paghamapas ng hanging sariwa na parang sinasalubong ako sa aking pagbabalik.

Hindi konkreto ang tarangkahan ang aming bakuran at tanging mga kahoy na bakod lamang ang naghihiwalay sa labas at sa loob nito. Tulad ng iwan ko ito, maayos at maganda pa rin ang lahat. Hindi ito napababayaan ng asawa kong si Theresa. Tulad ng plano ko, hindi ko sasabihin sa kanila na nandito na ako. Papasok ako sa loob ng bahay para gulatin ang mag-ina ko. Excited na akong malaman ang magiging reaksiyon nila. Kaya lang bahagya akong napaisip dahil hindi nga pala ako makikilala ng aming anak na si Annika. Apat na buwang gulang pa lamang kasi ito nang umalis ako. Ngayon ay mag-aapat na taon pa lang siya.

Pinihit ko ang seradura ng pinto sa harap. Naka-lock ito. Bakit kaya? Hindi kaya umalis sila?

Alam ko na. Sa likod na lang ako dadaan.

***

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na gulong-gulo ang isipan. Teka, sandali. Ano'ng nangyari? Ano ang nangyayari?

Narito ako sa kusina. Ang pagkakaalala ko ay pumasok ako dito dahil sarado ang pinto sa harap ng bahay. Pero... Pero, bakit maraming dugo sa sahig? Tinunton ng paningin ko ang mga bakas ng dugo sa sahig. Lubha akong nagimbal sa aking nakita. Ang kapatid kong si Eliseo, nakahandusay, duguan at wala nang buhay. Hindi lamang iyon ang ikinagulat ko. Puro saksak ang kanyang dibdib at umaagos mula rito ang napakaring dugo. Ang laman sa kaliwang braso niya ay natuklap na animo'y binalatan. At ang mukha niya, sa bandang pisngi ay butas at labis na nagdurugo.

Nanginginig kong minasdan ang kapatid ko. Nakadilat pa ang ang mga mata niya, at nakatingin sa akin!

Napatakbo ako sa loob sa pagbangon ng takot sa aking dibdib. Maradami ring dugo ang nakakalat mula sa kusina hanggang sa sala. Kinakabahan kong hinanap ang mag-ina ko sa pangambang may nangyari ring masama sa kanila.

Bukas nang kaunti ang kwarto. Pumasok ako sa loob para hanapin sila. Wala. Walang tao. Pero teka, bukas din ang pinto ng CR. Walang pag-aalinlangan kong tinungo ito at napatulala ako sa bumungad sa akin. Si Theresa, wala na siya. Patay na siya. Pero hindi lamang 'yon ang kanyang sinapit. Putok ang noo niya na parang ihinampas ito sa pader. Wakwak ang kanyang tiyan na tila ba hiniwa nang paulit-ulit. At ang kanyang leeg, ginilitan ito na parang manok. Bakas sa loob ng banyo ang labis na karahasan. Sa pader ay mayroong tilansik ng dugo at tumutulo pa ang mga iyon pababa ng sahig. At gaya ni Eliseo, nakatitig rin siya sa akin.

SA AKING PAG-UWI (one-shot story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon